Sa Ika-100 Taon ng Pagbitay kay Macario Sakay, Lider-Rebolusyonaryo

Nitong Setyembre 13, sumapit ang ika-100 anibersaryo ng kamatayan ni Macario Sakay. Isa sa mga orihinal na kasapi ng Katipunan na itinatag ni Andres Bonifacio, si Sakay ay isa sa mga namuno sa himagsikan laban sa pag-agaw ng Estados Unidos sa kasarinlang naipagwagi ng Pilipinas noong 1896 laban sa Espanya. Isinilang si Sakay sa isang pamilyang maralita sa Tundo, Maynila at siya ang nagpatuloy ng pakikihamok laban sa imperyalismong Amerikano matapos na sumuko ang karamihan sa mga ilustradong lider ng Katipunan – sa pangunguna ni Emilio Aguinaldo. Isinakdal siya ng pamahalaang kolonyal sa salang rebelyon at binitay noong Setyembre 13, 1907.

Nagtipon ang Bulatlat ng ilang tula bilang paggunita sa pagbitay kay Sakay.

INILATHALA NG BULATLAT
Vol. VII, No. 32, September 16-22, 2007

BITAYAN
ni Axel Pinpin

Makahulugan o nangungutya, kundi man isang sumpa
ang umaga ng Biyernes-trese sa buwan ng Setyembre –
ssang siglong nabaon sa limot.

Nakakapangilabot masdan ang bitayan.
Mula sa labas ng piitan ay may babaeng umiiyak,
nakalutang siya sa gitna ng kaguluhan ng madlang sasaksi
katabi ang asong yayat na lugon ang balahibo;
may simpatya ang pagkaykay nito
sa mahabang saya ng dilag.

Nakanganga at tumutulo ang laway ng bitayan
sa leeg ng huling mandirigma
ng Katipunan
na binansagang bandido at tulisan.
Ngunit kung babaybayin ang kanyang ngalan,
ito’y mga letra ng pagtutol, hindi pagsuko;
pag-aaklas.
nakanganga at naglalaway,
dumuruyan ang lubid;
nakaabang sa mas maraming leeg
ng ilang henerasyong nagtaksil at nagtakwil
sa luwalhati ng kadakilaang inihatid
ng bitayang naging batayan
ng di-pagsuko ng huling mandirigma ng Katipunan.

SINO ANG NAKAKAALALA KAY SAKAY, 100 TAON MATAPOS SIYANG PASLANGIN?
ni Joel Malabanan

Isang siglong singkad sa sinapupunan
Nitong kasaysayang sinadyang pagtakpan
Sinimot sa diwa ang kadakilaan
Sinawi, sinamsam, maging kaamalayan
Silakbo at simoy ng tapang ni Sakay
Limot ng sistemang sinamba’y kaaway
Sinayang na siglong siphayo’y nilustay
Sinamsam na layang ‘sinlamig ng bangkay
Siya ngang simbulo na walang kapantay
Sinasambot natin ang sumbat ni Sakay!

SA ALAALA NI MACARIO SAKAY
ni Alexander Martin Remollino

‘Sintahimik ng dagat kapagka tag-araw,
ang nahatula’y nakatyo sa tanghalang kahoy:
hinihintay ang berdugong ilagay ang lubid
na hahawak sa leeg niya
hanggang sa lisanin siya ng huling hininga.
Walang bakas ng damdamin sa kanyang mukha:
walang naroon,

liban sa kawalan.

At anong damdamin ang dapat na lamnin
ng kanyang puso?
Hindi pagsisisi,
pagkat di kasalanan

ang patuloy na ipaglaban ang Inang Bayan
matapos na ang mga maharlika
ay magbili ng kanilang mga sarili

bilang mga busabos ng dayong manlulupig.

Inilathala ng Bulatlat

Share This Post