a
Maleta, Kahon, at Karatula
Published on Sep 29, 2007
Last Updated on May 9, 2009 at 4:33 pm

NI ROMMEL PIPOY LINATOC*
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VII, No. 34, September 30-October 6, 2007

Amoy-bagong-bago ang maletang pinili
Bughaw ang kulay, may dilaw na palamuti
Pinaganda ang kalooban ng telang pula
Tinahi ang bawat sulok ng sinulid na puti

Inilagay nang maayos ang mga kagamitan
Pati mga ala-ala ng pamilya’t kabigan
Bumukal ang luha, tumulo sa maleta
Agad pinahiran, nangibabaw ang pasya

Tatlumpu’t limang kilo, pinagpilitang magkasya
Upang habulin ang pangarap,umahon sa hirap
Walo ang gulong , pinabilis ang paghila
Sa pagragasa ng tunog, laman ay binulabog

Pagpasok sa paliparan, maleta ay pinabuksan
Isa-isang sinuri , lahat ay binusisi
Ng bantay seguridad para sa kaligtasan
Lahat ay kinalkal ng walang pakundangan

Walang nagawa kundi ang ayusin
Mga kagamitan, muling sininsin
Gutay-gutay na balot muling binilot
Kasama ang inis at pagkayamot
Maleta ay tinimbang sa gomang umuusad
Nanginginig, gumagalaw ang etikitang taglay
Tila lumalaban sa lungkot at lumbay
Dulot ng malayong pagkakawalay

Sa loob ng paliparan may malaking larawan
Ng isang nilalang na nakangisi’t nagbubunyi
Tila nanghihikayat upang magmadali
“Lungkot ay pawiin , dolyar ay hakutin !”

Mga kababayan, kaniyang pinagbibilinan,
“Male-maletang salapi inyong iuwi
Pambayad utang sa mga dayuhan
Upang tayo ay makautang na muli.”

Mga maletang tinatakan ng Bagong Bayani
Saan mang bahagi ng daigdig, handang mag-alay
Ng angking talino at lakas pag-gawa
Papasanin ang mabigat, upang pamilya’y maiangat

Anim na buwan ang dumaan, bumalik sa paliparan
Labis na nagtataka ang mga kapamilya
Namumugto ang mga mata,
Nangangatal ang mga panga

Sa babaan ng mga bagahe,
Lumabas ang malaking kahon
Selyado ang lahat ng gilid
Bawat kanto ay nakapinid

Itsura niya hindi na nila nakita
Tanging pangalan ang pinagkakilanlan
Saad sa sulat ng kumpanya, nagpatiwakal siya
Kinatawan ng embahada di man lang nagpakita

Inilagay ang kahon sa inarkilang sasakyan
Palahaw at iyak ang nagsasalimbayan
Nakikipag-agawan sa ingay ng mga salimpapaw
Habang nagpipiyesta ang mga peryodista

Sa di kalayua’y patuloy sa pagdagsa
Ang maraming maletang puno ng pag-asa
Hinahabol ang tagumpay na hindi maibigay
Ng abang lipunang pinaghahatian ng iilan

Tumakbo ang sasakayan , palabas ng paliparan
Mga nagmamalasakit , nagtirik ng kandila
Bilang parangal at pagdakila
Dala ang karatulang , sigaw ay hustisya!

Inilathala ng Bulatlat

*Si Rommel Pipoy Linatoc ay mananaliksik at instruktor sa University of Winchester. Kasapi siya ng Migrante-UK.

SUPPORT BULATLAT.

BE A PATRON.

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This