Penomenon ng Pag-akyat ng Billboard

Madalas itong mangyari at mabasa, at kakatwa, sa pagkapangulo ni Gloria Macapal-Arroyo ito nagaganap. Maraming bilang ng mamamayan sa Metro Manila ay umaakyat ng billboard. May prinoproblema sila, kinakayang umakyat mag-isa sa billboard na sinasampayan ng higanteng tarpaulin, matatanaw ng dumadaan, susuyuin ng pulis, inuulat ng media na may sayad, at bababa kundi man patalon.

NI ROLAND TOLENTINO
Bulatlat
KULTURANG POPULAR KULTURA
Vol. VII, No. 50, January 27-February 2, 2008

Madalas itong mangyari at mabasa, at kakatwa, sa pagkapangulo ni Gloria Macapal-Arroyo ito nagaganap. Maraming bilang ng mamamayan sa Metro Manila ay umaakyat ng billboard. May prinoproblema sila, kinakayang umakyat mag-isa sa billboard na sinasampayan ng higanteng tarpaulin, matatanaw ng dumadaan, susuyuin ng pulis, inuulat ng media na may sayad, at bababa kundi man patalon.

Noong Hunyo 2007, isang ina ng dalawang bata ang umakyat ng billboard na kasing taas ng anim na palapag na building sa pagitan ng Post Office at Press Club. Dinala niya ang kanyang mga anak sa Intramuros. Umakyat ang 31-anyos na ina sa billboard habang umiiyak ang mga anak. Isang oras na siyang nandoon nang abutan siya ng pulis, tinali at ibinaba. Inaresto raw ang kanyang asawa ng mga pulis at hindi alam kung paano palalakihing mag-isa ang mga anak. Ani niya sa reporter sa radyo, “Yung kaso ng asawa ko na binaboy ng mga pulis… kaya po nakakulong asawa ko, ayaw nilang palabasin… Kaya po ako pumanik kasi ‘di ko po alam kung ano gagawin ko.”

Isang 27 anyos na lalake naman ang umakyat ng billboard sa EDSA noong Abril 2007, matapos itong iwan ng kanyang asawa. Ang billboard ay nasa pagitan ng SM Annex at Quezon City Academy. Walong palapag ang taas ng billboard. Matagal ang negosiasyon bago naibaba ang lalake.

Hindi halos napapansin ang penomenong ito. Mga taong naetsapwera kasi ang umaakyat-asawa ng pinaghihinalaang magnanakaw, lalakeng iniwan ng asawa, at iba pa. Pero madalas, live ang coverage ng telebisyon sa penomenong ito, kasama ang kahindik-hindik na footage ng paghahabulan sa matataas na bahagi ng bakal na struktura. Walang harness ang umaakyat, bawat yapak at akyat ng baitang, paglipat sa papalayong bahagi ay parang nanonood ng pelikulang aksyon. May pagkakataong mahuhulog ito, o hindi masasalo ng kutson sa ibaba dahil sa maling kalkulasyon.

Bakit billboard? Konsumeristang seduksyon ang dulot ng advertising sa billboard. Higanteng Bench ad o ang cosmetic salon na ineendorso ni Kris Aquino, tunay na larger than life. Parang sine. Naggagandahang imahen ng endorser at ang produktong ibinebenta, kasama ang buong aura ng lifestyle choice kapag binili itong produkto. Halimbawa, hindi lang ito underwear, pero nagsisiwalat ito ng pakiwaring sexy, naughty, mischief, lantad na sexualidad, at iba pa.

Sa mga taong nawalan na ng pag-asa, ito ang kanilang sanktwaryo, ang magkaroon ng pakiwari na di lamang kabahagi sila ng seduksyon at atraksyon, nakakataas pa sila sa kanilang kapwa. Tunay namang seduksyon ito dahil sila, tulad ng ad, ay nagiging magnet na manghimok ng atensyon at konsiderasyon. Sa isang saglit, silang naetsapwera ng lipunan ay biglang nagiging bida sa media at sa nakakapanood nito, kahit temporal at di pa kanais-nais ang pagbibidang ito. Bida pa rin sa maigsing pelikulang ito.

Isinisiwalat ng vertikal na pag-akyat sa billboard ang kawalan-pag-asa ng horizontal na espasyo ng syudad: mula komunidad ng maralitang tagalunsod hanggang sa high-rise na buildings, walang nakikitang pagbubukang-liwayway ang mga umaakyat. Kaya nga sila umaakyat. Sa tinging espasyo ng billboard, nadadanas nila ang pakiwaring sila ay umaangat sa kadaus-daos na kapalaran ng geopolitika ng Metro Manila.

Ang kanilang tinitirhan ay sa squatter. Nakabuo na nga sila ng komunidad-nakadiskarte ng sariling tubig, bahay at kuryente-sa ilalim ng tulay o sa lagusan ng tubig, o sa tambakan ng basura at mga bakanteng lote at pagitan ng lote. Binubuwag ito ng pwersa ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa ngalan ng pagpapagwapo ng mga sityo ng syudad. Silang umaakyat sa billboard ay walang pribadong pook, at sa publikong espasyo, sinasaalang-alang sila bilang balakid sa flood control, vehicular at pedestrian traffic, o sa pagpapapogi nga ng lugar.

Share This Post