Kapangyarihan at Pisikalidad

Si Arroyo ang tinaguriang PR challenged (public-relations) kundi man PR nightmare, hindi pa dahil sa sandamakmak na kontrobersyang bumabagyo sa kanya, kundi sa simula’t simula pa lamang ay mahirap nang gawing makapangyarihan ang kanyang pangangatawan. Maliit ang tindig, monotono ang tinig, astang-mayaman, naninigaw ng mga opisyal sa publiko, higante ang asawa. Kumbaga, paano isisiwalat ng kanyang katawan ang kanyang kapangyarihan?

Pero halos otomatikong aastang makapangyarihan ang mahihirang na pangulo. Walang ibang direksyon kundi pumasa-kanyang katawan ang sentro ng pambansang grabidad. At gagamitin ang kanyang katawan para maging representasyon ng pinakatampok at pinakatanghal na katawang makalalake, makapolitiko at higanteng negosyante, at maka-U.S. na pambansang postura.

Ang papel ng kanyang PR ay gawing marangal ang kaaba-abang figura ng pagiging machong sunod-sunuran o presidenteng nagpapakatuta. At tila ito ang paradox ng katawan ng presidente—sa isang banda, pinapaasta itong pinakamakapangyarihan; sa kabilang banda, sa makabansa at global na kaayusan, ang pagiging insidental ng figura nito sa mas makapangyarihang neoliberal at kapitalistang kaayusan.

Ang isinasaad rin ng pangangatawan ng modernong presidensiya ng bansa ay ang pagiging disposable at replaceable nito. May handang makipagpatayan o malawakang mandaya para lang maging presidente. Hindi batayan ang pagiging moral, ang stature na maka-negosyo at maka-U.S. ang impetus para makapanghimok ng politikal na negosasyon para mangako ng mga pabor. Kung ang katawan ng presidente ang pinakakinakalakal para maging magnet ng higit pang pang-ekonomiya at politikal na kapangyarihan, maaring isipin na ang ito rin ang pinakamalaking pokpok o puta ng bansa.

Ang lalake o babaeng presidente na nagsasanla ng pambansang interes sa negosyante, politiko at estadong U.S. ay nagsasaad ng pangangalakal di lamang ng posisyon ng presidente kundi maging ng kanyang katawan para sa indibidwalistiko at pang-uri nitong pagkagahaman. Kung hindi man siya ang aktwal na puta, siya ang pinakamalaking bugaw ng mamamayan at bansa sa pangangalakal ng hindi sa kanya, at pagkuha ng kita mula rito.

Magiging pasas ang hitsura sa anim na taong panunungkulan ng presidente, at sa kanilang pagtatapos, lalo silang magmimistulang mummy na patuloy na nagpapaalaala sa kasalukuyan ng kanilang sinaunang sinisimbulo. Kakatwang buhay pa ang tatlong dating presidente, at pare-pareho pa rin silang nag-iingay sa kanilang nangungulantong katawan.

Ingay ito ng naaagnas na kaayusan, at nang kanilang pagkahayok sa alaala nang sila ang nasa rurok ng kapangyarihan. Hanggang sa magdagdagan ang kanilang hanay, mapalitan ng mas bata at sariwang gahamang politikong magiging presidente. Sa kalaunan, ang politically correct na sambitin ay wala sa katawan ang pagiging presidente—nasa paninindigang manindigan para sa sambayanan. At ang sambayanan ang kakatha nitong bagong pangangatawan ng presidente. (Bulatlat.com)

Share This Post