Munting kasiyahan sa Boracay

Nagkakabuhay ang Boracay sa pagkagat ng dilim. Buong gabi ang kasiyahan at makikita sa kalye ang mga taong nagsasayawan, nag-iinuman at nagkakantahan. Tila walang problema ang lahat, at ang anumang bagahe nila sa buhay ay nilunod na ng alak at malakas na musika.

NI DANILO ARAÑA ARAO
KONTEKSTO/Pinoy Weekly
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VIII, No. 2, Pebrero 10-16, 2008

Matapos ang mahigit 10 taon, nakabalik ako sa isla ng Boracay sa Malay, Aklan. Kasama ngayon ang aking asawa, muli akong lumangoy sa malinis na dagat at nahiga sa puting buhangin nito.

Maikling panahon man ang aming ginugol sa isla – dumating kami noong Sabado (Pebrero 2) ng hapon at umalis din kinabukasan ng tanghali – naramdaman pa rin namin ang sinasabing tukso ng Boracay: Magpakasaya ka nang tila walang kinabukasan, huwag mong isipin ang gastos hangga’t kaya pa ng bulsa!

Totoo namang nagpakasaya kami roon. Pagdating na pagdating pa lang namin sa Boracay, isinama kami ng isang mataas na opisyal ng Aklan na kaibigan namin para mag-island hopping. Nakita namin ang itinatayong malaking bahay na sinasabing pag-aari ng isang sikat na boksingero. Kung medyo napaaga lang kami sa bahagi ng islang iyon, nakita sana namin ang aktres na si Katrina Halili na, ayon sa mga nagtatrabaho roon, ay kaaalis lang matapos mag-shooting.

Marami ka naman talagang makikita sa Boracay – artista man o dayuhang turista. Sa aming mahabang paglalakad sa isla, maraming beses kaming nilapitan ng mga residenteng nag-aalok ng kung anu-anong produkto at serbisyo. Masikip na rin ang mga kalye hindi lang dahil sa mga dumaraang lokal at dayuhang turista kundi dahil sa napakaraming nagtitinda. Imahe ng Santo Niño, alahas, sunglasses, damit – sanlaksang produkto ang ibinebenta sa Boracay.

Sinubukan naming magtanong kung magkano ang kuwarto sa isang sikat na tinutuluyan ng mayayaman, at talaga namang nalula kami sa presyo. Sa ngayon ang singil nito sa isang kuwarto ay mula P12,200 hanggang P15,250 bawat araw!

Katwiran ng kausap namin, ang Pebrero 1 hanggang 12 ay peak season sa Boracay dahil sa Chinese New Year. Bukod sa okasyong ito, peak season din ang Holy Week (Marso 14-31), pati na rin ang Pasko at Bagong Taon (Disyembre 21-Enero 7). Ang tinaguriang high season – na kung saan ang presyo ay mura nang kaunti kumpara sa peak season – ay mula Oktubre 31 hanggang Mayo 31. Kung gusto mong makatipid, makakaasa kang mura ang mga kuwarto sa Boracay tuwing low season, mula Hunyo 1 hanggang Oktubre 30.

Pero kung limitado ang pondo mo, siyempre’t kailangang magkasya ka na lang sa pag-okupa ng murang kuwarto. Tutal, matutulog ka lang naman at hindi mo naman siguro kailangan ng magarbong tutuluyan. Medyo sinuwerte kami’t nakakuha ng kuwarto sa isang hotel sa harap mismo ng beach na nagkakahalaga lang ng mahigit P2,000 bawat araw.

Libre man ang paliligo sa dagat at paglalakad sa puting buhangin, parating nariyan ang tukso na bumili ng kung anu-anong produkto, hindi lang dahil maraming naglalako kundi dahil gusto mo ring mamigay ng pasalubong sa mga mahal sa buhay. Hindi mo rin maiiwasan ang gumastos dahil kailangan mo ring kumain. Kakaunti lang ang mga lugar na nagbebenta ng murang pagkain, at mapapansing ang karamihan sa mga kainan ay “presyong turista.” (Aba, kahit ang isang scoop na ice cream na binili namin ay nagkakahalaga ng P50!)

Nagkakabuhay ang Boracay sa pagkagat ng dilim. Buong gabi ang kasiyahan at makikita sa kalye ang mga taong nagsasayawan, nag-iinuman at nagkakantahan. Tila walang problema ang lahat, at ang anumang bagahe nila sa buhay ay nilunod na ng alak at malakas na musika. Sa Boracay, sikat na sikat at buhay na buhay si Bob Marley, bagama’t duda ako kung lubos na naiintindihan ng nakararaming nasa Boracay ang kanyang kantang “Get Up, Stand Up!” na paulit-ulit kong narinig.

Pabirong sinabi ng aming kaibigang mataas na opisyal ng Aklan na wala nang masyadong pinagkaiba ang Boracay sa Raon at Divisoria. Kung sabagay, may katuwiran siya: Tulad ng Divisoria, siksikan sa dami ng parokyano’t mamimili ang Boracay. Kahit na anong produkto ay mabibili mo na sa huli. Kung marunong kang tumawad, makakaya mong makabili sa mas mababang halaga.

Pero hindi hamak na mataas pa rin ang presyo ng mga produkto’t serbisyo sa Boracay kumpara sa Raon at Divisoria. Kahit na sabihing ikalawang pagkakataon ko pa lang na makapunta sa islang ito, masasabi kong nananatili pa rin itong para lang sa mayayaman, lalo na sa mga turista. Patuloy na pinapaganda ang Boracay para masiguradong dadagsain pa rin ito ng mga taong may kakayahang gumastos nang malaki.

Ang Boracay ay isang destinasyon na mistulang ilusyon para sa nakararaming mahihirap. Bagama’t maaari ka namang makatipid kung, halimbawa, magdadala ka ng baon at lutuan sa iyong pagbisita sa Boracay, alam naman nating gagastos ka pa rin sa pamasahe. Anuman ang iyong mapanlikhang paraan para makatipid sa iyong bakasyon sa Boracay, hindi maikakailang ang anumang pansamantalang kaligayang mararanasan mula rito ay kailangang literal na pagbayaran. Pinoy Weekly/Inilathala ng Bulatlat

Share This Post