Salamisim Noong Mahal na Araw

NI RICHARD R. GAPPI
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VIII, No. 8, March 30-April 5, 2008

Prologo: Ang Pagninilay

Sabi ng Simbahan, pagninilay
ang kahulugan ng Mahal na Araw.
May hihigit pa kaya sa pagbubulay-bulay
kaysa sa mga tula
na bulong at pintig ng puso
ngayong duguan ang palad
ng tanghaling tapat
at

sa kapayapaan,

nandoon si Longinus sinisibat
ang dibdib ng oras?

Kung hindi man kapantay,
mas higit pa
mas higit pa
ang tula kaysa sa panalangin.

Sapagkat diyos ang tula
at isang manlilikha ang makata.

Sabado de Gloria, 22 Marso 2008
Angono, Rizal, Pilipinas

Ang Buhay
(pasintabi kay Haruki Murakami, may-akda ng nobelang “Kafka on the Shore”)

Sa may panginorin ng daigdig, nakapangalumbaba
kang nakaupo, naninimbang, at naghihintay.
Ako naman ay said ng Lawa ng Pinatubo;
Mga salitang walang diwa,
nakatayo sa anino ng pahina na tila pinto.

Kinukumutan ng silahis ng buwan ang mahimbing na butiki.
Umulan ng mga galunggong, daing at pagi.
Sa kalsada, may mga sundalong buo ang loob na masawi.

Nakaupo si Emiliano Jacinto sa pampang ng San Juan
tila nakatutok ang isip sa axis na nagpapaikid sa daigdig.
Kapag ang puso ay nakapinid,
ang anino ng walang imik na bul-ul,
ay balaraw na humihiwa sa mga panaginip.

Ang nalulunod na palad ng dalaga
ay nakapagitan sa nag-uumpugang bato,
tila nagsasa-Bernardo Carpio sa San Mateo, humihingi ng saklolo.
Nang iangat niya tulad ng isang ballerina ang kanyang asul na bestida,
hinigop siya ng aliw-iw ng dagat, at nakatitig siyang nagpaalam –
kay Emiliano Jacinto na naghihintay,
nakapangalumbaba, at nakaupo sa White Sand Beach ng Boracay.

Huwebes Santo, 20 Marso 2008
Angono, Rizal, Pilipinas

Share This Post