Sana’y Magretiro Na si Manny Pacquiao

Para sa mga tunay na traydor at kaaway, kailangan ang eskapismo para mabigyan ng maling konsepto ng pagkakaisa ang mamamayan at mapanatili sila sa kapangyarihan. At dahil nagagamit si Pacquiao at ang kanyang mga laban ay nagiging instrumento ng pambansang pagkalimot, napapanahon na, para sa akin, ang permanenteng niyang pag-alis sa boxing ring.

NI DANILO ARAÑA ARAO
Konteksto / Pinoy Weekly
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VIII, No. 8, March 30-April 5, 2008

Huwag sanang magalit ang karamihan kung iniisip kong dapat nang magretiro si Manny Pacquiao.

Alam nating marami na siyang napatunayan. Ang pinakahuling laban niya kay Juan Manuel Marquez noong Marso 16 ay testamento sa kanyang kakayahan bilang boksingero. Kahit na maraming hindi kumbinsido sa desisyon ng tatlong hurado (split decision na pabor kay Pacquiao), hindi maikakailang ginawa niya ang lahat para manalo.

Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas noong umaga ng Marso 24, sinabi niyang may “crab mentality” ang mga Pilipinong hindi naniniwalang siya ang nanalo sa kanyang pinakahuling laban. Ang mas mahalaga raw isipin ay ang pagkakaisa ng mga Pilipino tuwing may laban siya.

Sa kontekstong ito ng “pagkakaisa” dapat tingnan ang aking argumento para sa kanyang pagreretiro. Ano ba kasing pagkakaisa ang nangyayari tuwing may laban siya? Halos lahat ng mga tao, mahirap man o mayaman, ay nakatutok sa nangyayari sa laban. Ang mga may pera ay kadalasang nagpupunta sa mga mall para tunghayan ang pinakahuling pangyayari. Para sa mga walang pera, kailangang magtiis na lang sa delayed telecast sa telebisyon na mas mahaba pa ang mga patalastas kaysa aktuwal na laban.

Ayon sa mga pulis, ang isang positibong resulta ng ganitong “pagkakaisa” ay ang pagbaba ng krimen sa araw ng laban ni Pacquiao. Tila kahit ang masasamang loob ay may mga nirerespeto ring araw!

Sa aking palagay, halos lahat ng Pilipino ay nagnanais na manalo siya, at mas higit ang ang kasiyahan ng karamihan kung mapapatumba niya ang kanyang kalaban. Ang sinumang naghahangad ng kanyang pagkatalo ay mas malala pa sa masasamang loob. Sila ay mga traydor sa lahi at kailangang tratuhing kaaway.

Pero hindi ba’t napapaligiran din si Pacquiao ng mga traydor at kaaway ng nakararaming mamamayan? Lahat man sila ay naghahangad ng kanyang pagkapanalo, pinipilit nilang gamitin ito para maisulong ang kanilang interes.

Madali namang matukoy ang ganitong klase ng traydor at kaaway: Sino ba ang mabilis na tumatabi kay Pacquiao kapag siya ay kinukunan o iniinterbyu ng midya? Sino ba ang nag-uugnay ng pagkapanalo ni Pacquiao sa umuunlad na ekonomiya ng bansa? Sino ba ang nagsasabing kailangan lang tularan si Pacquiao para gumanda ang buhay, at hindi kailangan ang mga kilos-protesta?

Pero kailangang isiping ang kanilang krimen ay hindi lang pagnanakaw ng eksena kundi ang malawakang pagnanakaw sa kaban ng bayan. Hindi man napapatunayan sa korte ang kanilang krimen, malinaw ang kanilang pagsasamantala sa mamamayan sa pamamagitan ng pagkukumpara sa kanilang aktuwal na kinikita bilang opisyal ng pamahalaan sa kanilang pang-ekonomiyang katayuan.

Ang mga nasabing traydor at kaaway ay mas gugustuhing madalas ang laban ni Pacquiao. Napapaganda kasi ang kanilang imahe sa publiko kung kasama ang pambansang kamao. Higit sa lahat, napapanatili ang isang klase ng pagkakaisa na mas angkop na tawaging eskapismo (escapism).

Ang mga laban ni Pacquiao ay nagsisilbing pansamantalang pagtakas sa problemang kinakaharap ng mga tao. Pero kailangang idiing pagkatapos ng laban, ang pansamantalang pagtakas na ito ay hindi nagreresulta sa agarang pagharap sa mga problema. Sa halip, ito ay nagbubunga ng pag-asam sa mga susunod na laban para lubos na maramdaman ang pagtakas sa problema ng nakararaming Pilipino, kahit na pansamantala lamang.

Para sa mga tunay na traydor at kaaway, kailangan ang eskapismo para mabigyan ng maling konsepto ng pagkakaisa ang mamamayan at mapanatili sila sa kapangyarihan. At dahil nagagamit si Pacquiao at ang kanyang mga laban ay nagiging instrumento ng pambansang pagkalimot, napapanahon na, para sa akin, ang permanenteng niyang pag-alis sa boxing ring.

Sa ganitong klaseng argumento, hindi ba’t isang porma ng nasyonalismo ang panawagan para sa kanyang pagreretiro? Pinoy Weekly / (Bulatlat.com)

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Share This Post