Second-Generation Mall ng Trinoma

Ang mismong pangalan ng mall ay isang reimbensyon—“Triangle North of Manila.” Wala naman sa mapa ang pangalan nito, kundi kinuha lang ng public relations para ibenta ang bagong produkto. Bago nga ang disenyo, at para sa akin bukod sa curvilinear na daloy ng shops at flows, ang pinakamatingkad na bago ay ang pagbubura ng distinksyon ng loob at labas. Parke ang pangunahing nadagdag sa second-generation malls, tulad sa naunang Gateway Mall ng mga Areneta sa Cubao. May parke—bamboo groves, cascading na tubig, fountains at pathway bridges, puno sa higanteng paso—sa rooftop na dumadaloy hanggang sa ground floor ang fountain. Maliban sa fake na puno ng niyog at fountains sa Glorietta, walang natural na kalikasan sa naunang mall na ito.

Sinilyado ng Trinoma Mall ang labas (kalikasan) bilang bahagi ng mall na loob nito. Nang sa gayon, mula sa mga lagusan ng kalikasan, matatanaw na tila napakalayo at kakaibang bahagi ng syudad maging ng naunang SM City. Na tulad ng “Go west!” na motibasyon para kolonisahin ng mamamayan ng Eastern States ang Midwest patungong California sa U.S., tila sinasambit din ito sa posisyong ang Trinoma ang bagong “city on the hill” na tumatanaw sa luma at bagong masasakop na lunan.

Na ang karatig-lugar na dapat sanang sibikong sentral sa disenyo ng Quezon City bilang planned civic center ng bansa ay mas paborableng maookupa ng negosyo kaysa serbisyo publiko. “Go west” din ang pakiwari kapag nasa Mall of Asia, lalo na kapag nakatanaw sa Manila Bay, na ang idealismo ng modernidad, tulad ng namamasyal sa karwaheng si Ibarra sa lumang Maynila, ay nakatingin sa Kanluran at ibayong-dagat para sa higit pang global na kosmopolitanismo.

Ang ikalawang inobasyon ng mall ay ang integrasyon ng mga sistema ng transportasyon sa looban nito: MRT, FX, jeep, bus at pribadong sasakyan. Ginagawang hindi mulat na maller ang pedestrian. Dati ay mulat na indibidwal na subersyon itong aktibidad ng mga gustong magpalamig at magpalipat ng gusali tungo sa sakayan. Ngayon ay lahat ay nagiging pedestrian maller, ke gusto o hindi ng indibidwal dahil lahat ay kailangang dumaan sa tagiliran at loob ng Trinoma Mall para makalipat ng sakayan. Hindi ba magical ito, na sapilitan ay hine-hail na ang indibidwal na maging maller kahit hindi naman niya talaga gusto dahil wala naman siyang ibang lugar na paglalakaran maliban sa tagilaran at loob ng mall? Na pati ang subersyon ay ginawa nang konsumpsyon ng espasyo, tulad din kung paano inuugnay para sa pedestrian ang Gateway Mall at Farmer’s Plaza ng MRTs sa EDSA at Aurora?

Kume-cater ang Trinoma Mall sa eastern at northern Metro Manila, pati na rin sa karatig-probinsya ng Bulacan at Pampanga. Sa Trinoma Mall, nabuo na ng Ayala ang nexus ng high-end shopping sa Metro Manila: ang kanilang base sa Makati, ang niche-submarkets sa The Fort: Global City, at ngayon na nga ito. “Trinoma” dahil isinasaad ang pagkabuo ng heograpikal na nexus, tulad ng sinasaad ng mismong “Triangle” na pinapagitnaan ng Luzon, Visayas at Mindanao Avenues; at maging ng North, East at West Avenues. Ito ang bagong sentro ng naunang imahirnaryo ng ugnayan ng mga mayor na grupo ng isla, maging ng gitna ng compass ng lokasyon.

Share This Post