Second-Generation Mall ng Trinoma

Ang second-generation mall sa Trinoma ang bagong “ground zero” ng mall development sa bansa, na mas may kaugnayan pa sa mga bagong mall sa Singapore na huma-harness sa ambience ng pisikal na lokasyon (tabing-dagat, paanan ng bundok, at iba pa). Ang kritisismo sa mall sa Pilipinas ay pare-pareho naman ang disenyo, pare-pareho rin ang laman. Na maliban sa isa o dalawang shops na galing sa rehiyon ng mall ay wala namang lokal na pagkakaiba ang SM Iloilo sa SM Cagayan de Oro, maging ng Glorietta sa Makati at Cebu.

Ang ginagawa ng Trinoma Mall ay kumilala sa pangkalahatang limitasyon ng malls: maximisasyon ng MRT at lokasyon sa bukana ng northern Metro Manila, kawalan ng luntiang espasyo sa syudad (dahil na rin sa okupasyon ng mga mall sa malalaking lupa), at pati na rin ng daluyan ng tubig. Idinagdag ito pati ang façade sa harap ng West Avenue na may light show, ang bloke ng pader ay nagbabago ng ilaw, tulad sa isang mall sa Orchard Road sa Singapore. Natural at teknolohikal ang inobasyon ng Trinoma Mall na sa pangunahin ay sinisikap ng Mall of Asia na tumbukin din.

Tila sa pagtatayo ng Trinoma Mall, ang konfigurasyon ay nabuo na: ng sentro at laylayan, ng kaisahan at diversity ng lunan at pook, at ng kaakibat na infrastruktura na mag-uugnay sa lahat ng mga ito. Pribado negosyong pangarap at inisyatiba ang Trinoma Mall, kasama ng pag-uugnay ng C-5 na magdurugtong sa North at South Expressways, ang North EDSA bilang dugtungan ng naunang MRT sa annex na yugto nito patungo sa Monumento, at ang pinakabagong itatayong mass transportation system, ang magdurugtong sa SM Fairview at SM North. Kung gayon, malaking bahagi ng jigsaw puzzle ng intermittent at protracted na pambansang pag-unlad ang napunan ng kabuuan piyesa ng Trinoma Mall.

Ang naging papel ng gobyerno ay administrasyon na lamang ng paper work. Nagpaubaya na ang gobyerno sa pagsandal sa malalaking negosyo para paunlarin ang mahalagang portal na ito sa Metro Manila. Na hindi na lang sa Makati nagsisiksikan ang high-end malls at shopping, ito ay napalawak na maging sa dating talahibang lugar ng North Triangle area. At ang pangarap na ito ay pangarap na nais maisakatuparan para sa pagpapaunlad ng buong bansa.

Ang second-generation na mall ay nagsakatuparan na gawing theme park ang estado ng kontemporaryong buhay: thrill ride (literal sa escalators at elevators, at figuratibo sa pag-akyat sa pinakamamahal na shops at engrandeng pribadong parke), walang admission fee pero may gastos ang bawat kilos, malayang labas-masukan ng boluntaryo at sapilitang mallers. Wala ring protesta at kilusang masa sa mall. Inaakalang killjoy naman ito sa joy ride ng malling. Na ang mall ay walang kasaysayan (wala nang nakakaalala kung ano ang lugar dati bago itinayo ang bago), at ang heograpiya nito ay walang kinalaman sa literal na heograpiya ng pook.

Sa lohika ng administrasyon Arroyo, ang second-generation na neoliberalismo ang ipinapatupad: pag-uubos ng maaring ibentang assets ng pamahalaan, at maging ang territorial rights nga ay kasama na rito; ekonomikong pag-unlad sa iilan; malawakan at guilt-free corruption bilang normal na kalakaran ng estado; repormang agraryong walang gulugod; call center bilang kanyang industrialisasyon; at serbisyo publiko bilang charity work. Na ang ipinapasok na end-game ni Arroyo ay ang mindset ng mallers sa second-generation malls: purong joyride at bawal ang killjoy (matalo ay pikon).

Kaya ito ay hamog lamang, tulad ng lumalabas sa portals sa daluyan ng tubig sa bamboo grove sa pinakaitaas na labas na bahagi ng Trinoma Mall. Tila kamangha-mangha na nadoon ang tubig sa lupa, hindi siya bumabagsak tulad ng ulan, kundi ay lumulutang-lutang sa era ng lupa. Hanggang sa ito ay maglaho, at muling palitan ng bagong ihip na simoy ng tubig sa makina. Nandoon at wala. (Bulatlat.com)

Share This Post