Bakit Madilim ang Lansangan sa Pilipinas?

Madilim ang kalsada sa Manila dahil nasa interes ito ng may hawak ng kapangyarihan. Sila ang nagtatago sa dilim nang sa gayon ay maipagpatuloy ang sistematikong pangungurakot at pandarambong sa kaban ng bayan. At kung manaka-nakang mailawan ang kalsada, ang mga lumpen ay binibigyan ng pagkakataong nakawin ang ilang mahahalagang kableng maibebenta.

NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat
Vol. VIII, No. 10, April 13-19, 2008

Kapag dumarating sa U.S., ang isang kapansin-pansin sa gabi ay ang liwanag ng mga kalsada. Parang tanghali ang ilaw, lalo na ang malalawak na highways. Ganito rin ang elevated highways ng Japan. Pero sa mas maliit na kalsada, tinitipid din ang pag-iilaw, parang sa Pilipinas.

Sa isang banda, pinapatingkad sa Japan ang dilim, lalo na sa Kyoto, ang pinakatradisyonal na lugar, para makita ang synergy ng ilog, taong naglalakad at nagbibisikleta at kapaligirang bahay at gusali. Kinikilala ang dilim bilang estetika—gabi kaya madilim, hindi kailangan ng sobrang ilaw, iyon lamang kailangan para makadaan na mga tagiliran ng bahay at pasukan ng restaurant.

Sa kabilang banda, ang dilim ay gamit din sa pagmamatyag at disiplina. Sa daanan ng ilog, walang ilaw dahil inaasahang delikado ito kapag gabi. Hindi pa dahil may magnanakaw sa iyo kundi dahil baka maaksidente kang bumagsak sa walang harang na daan sa magkabilang ilog. Kailangang maglakad sa lugar na may ilaw, sa elevated na sidewalk.

O gamit ang dilim sa paglabag rin ng pagmamatyag at disiplina. Pangunahin sa Kamu River, halimbawa, ang mga naglalakad ng kanilang mga aso para dumumi nang hindi ito dinadakot. Kaya kinaumagahan, kapag nagbibisikleta ako rito, tadtad ang daan ng dumi ng aso, at ang ilog, ng mga itinapong basura.

Sa Pilipinas, madidilim ang mga kalsada. At kahit maliwanag ito, tulad sa EDSA at Commonwealth, hindi ka pa rin nakakatiyak sa kaligtasan dahil maaring may nakatago sa pook na hindi naiilawan. Maliban sa expressways, walang katiyakang pang-indibidwal na kaligtasan ang mga kalsada sa Pilipinas. Kaya rin pinagbibilinan ang mga babae na umuwi nang maaga. At nag-iingat ang mga lalake sa pag-uwi ng gabi. Umiiwas sa mga taong nakaabang sa dilim.

Metro news na kapag naiilawan ang mga mahahalagang bahagi ng Manila, tulad ng ulat sa proyekto ni Mayor Alfredo Lim sa pag-iilaw ng Jones Bridge at Baywalk (di ba’t nailawan na ito ng dating Mayor Lito Atienza?), at ang susunod na mga tulay ng MacArthur, Del Pan, Ayala at Lambingan. Publishized ang pag-iilaw bilang literal at figuratibong proyekto ng serbisyo publiko: hindi regular na proyekto, manaka-naka lamang depende sa nakaupo sa kapangyarihan, pag-iilaw bilang proyekto ng city beautification, beautification ngayon bilang proyekto ng kalalakihang opisyal, at bilang deterrent sa krimen at anomalya sa kalsada.

Liwanag versus dilim ang retorika ng pag-iilaw. Parang noong panahon ng martial law, dineklara rin ni Ferdinand Marcos ang curfew mula hatinggabi hanggang alas-kwatro ng umaga. Pinapamukha sa mamamayan kung sino lang ang may hawak ng kapangyarihan sa liwanag at dilim, kung ano ang pwede at hindi. Sinisenyales ang simula at wakas ng curfew sa pamamagitan ng makina ng sirenang pinipihit sa munisipyo. Wala nang maaring makalabas nang walang dalang special permit.

Sa isang banda, tulad ng tunog ng kampanilya ng simbahan, ang mga hindi nakakarinig nito ay nagpapaunawa ng hindi pagsasailalim sa rehimen ng kapangyarihan: historikal ang tinaguriang mga “taga-bundok,” “taga-bukid,” “taga-labas.” Piniling maging nasa labas ng kapangyarihan ang tinaguriang “criminal character” at “enemies of the state.” Sa kabilang banda, ang pagtatakda ng curfew ng kapangyarihang pang-estado ay nagsasaad na mayroon din silang itinatago sa mamamayan. Kaya kailangan din nila ang dilim para maplano at maisakatuparan ang kanilang mga proyekto.

Bakit matapos ng ilang taon, nawala rin ang curfew ni Marcos? Bakit nagpa-curfew rin si Gloria Arroyo matapos ang pagbomba sa Glorietta 4, at higit na maraming gitnang uring hindi makagimik sa ibang lugar ang nadismaya? Bakit kahit walang curfew ay may curfew pa rin? Ang hindi sinasabi ay bakit nananatiling madilim ang napakaraming kalsada sa Metro Manila at maging probinsya at iba pang syudad. Ang may hawak ng pag-iilaw ay may hawak ng kapangyarihan sa diskurso at implementasyon ng panunupil at rekurso rito, ng pagbagsak ng modernidad na ideal ng enlightenment sa bansa.

Share This Post