Kung May Katwiran, I-blog Mo

Ang rekurso sa blogging para ilabas ang hinanaing at komentaryong pang-indibidwal at pang-uri ay may kasaysayan. Dati ay sulatan-portion para idulog ang malimit ay karumal-dumal na karanasan ng indibidwal para basahin at isadrama sa radio at sumunod sa telebisyon. Sa telebisyon, mas naging hayagang hinanaing panlipunan ang mga naunang palabas na balita: mula sa simulaing charity work sa mga palabas na “Kapwa Ko, Mahal Ko” at ni Rosa Rosal, hanggang sa susunod na henerasyon na public service news shows na “Isumbong Mo kay Tulfo,” “Kapag May Katwiran, Ipaglaban Mo,” at “Magandang Gabi, Bayan,” bilang ilang halimbawa.

Kalakaran sa mga palabas na ito ang pagdulog sa mga personalidad na public service host sa telebisyon ng mga mamamayang may hinanaing: una’y sa pangangailangan ng medikal na atensyon at sumunod ay mula sa pagkabiktima sa krimen, kalsadang baku-bako, kawalan ng tubig, pati karumal-dumal na sityo ng imoralidad. Ang una ay tunay namang sala-set ang format ng isa-isang panayam at konsultasyon sa doktor ng mga nangangailangan ng medikal na atensyon. Na habang tinatanong kung ano ang bumabagabag sa maysakit ay sabay din ang panayam ng host sa spesyalista na parang case-in-point na lamang ang pasyenteng nakaupo sa tabi.

Ang ikalawa ay mas media-savvy dahil may reenactment portion, pagdulog ng host sa kinauukulang politiko at opisyal, pati surveillance camera at entrapment operation. Nasa kamay ng host ang kapangyarihang di lamang maging tagapag-ugnay ng inaapi sa kanyang katubusan, tagapagpadaloy ng hinanaing sa awtoridad, kundi maging ng pagiging patron ng inaapi.

Kaya hindi kataka-taka na naggradweyt mula rito ang mga naging pambansang opisyal sa bansa—mula kay Orly Mercado na host ng “Kapwa Ko Mahal Ko” naging kay Francis Pangilinan ng “Baranggay” at ang pinakamatagumpay, si Noli de Castro ng “Magandang Gabi, Bayan.” Nakakaangat si De Castro kaysa sa isa pang personalidad ng kanyang henerasyon, si Loren Legarda dahil pinili ng una ang public service format kaysa sa news magazine ng huli. Sa mas kasalukuyang pagkakataon, hindi na mga action king at junior action star ang namumutiktik na nahahalal sa Senado.

Ang kasalukuyang rekurso sa demokratikong panlipunang akses ay bumalik sa charity work para sa naghihikahos na uri. “Wish ko Lang,” na namumudmod ng indibidwal na atensyon sa nangangailangan, ang pinakamatingkad na halimbawa nito. At para sa may limitado hanggang angkop na finansyal at quasi-intelektwal (hindi naman kailangan ng degree sa kolehiyo, savviness lang) na akses, narito na nga ang blogging. Kapag may katwiran, i-blog mo!

At ito ang nagsisilbing worst nightmare ng cultural gatekeepers ng alta-sosyedad: na mapukol hindi lamang dahil sa nagkamali ng attire sa fashion gala event, kundi ang ng isa mula sa ibaba. Kasama rito ang vulnerabilidad ng isang HIV+ na foreigner sa pag-ibig, atensyon at pagnanasa ring mapasama sa pambansang alta-sosyedad.

Share This Post