Binugtong na Bayan: Paglikha ng Makabayang Bugtong sa Ninunal na Panahon

(19)
“Tama na! Huwag mo na akong bilugin!”,

na sa unang basa o dinig ay iisipin nating isang nagseselos o perenyal na nilolokong karelasyon ang nagsasalita; ngunit pagdating sa dulo ng nasabing text-mensahe ay mababasa nating isang “—kulangot” pala ang nagsasalita!

Sa yugtong ito, nakatutuwang isipin na maaari pa rin tayong lumikha ng mga bugtong kahit sa panahong kinakain ng modernisasyon ang mga katutubong panitikan at kultura ng bansa. Ngunit dapat ring isipin na isang bagay ang paglikha ng modernong bugtong, at ibang bagay ang paglikha ng mapagpalayang modernong bugtong. Sa kaso ng mga modernong bugtong na naihanay sa itaas, nananatili lamang ito sa antas ng “patalastas” o sa antas-promosyonal na malay o hindi-malay na nagsisilbi sa interes ng negosyo.

Reaksyonaryong Bugtong at ang Ninunal na Republika

Maging ang estado o gobyerno’y lumilikha ng sarili nitong mga modernong bugtong na ipinangkokondisyon sa mamamayan. Halimbawa, si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo – o kung sinumang ghost writer niya – ay kinakasangkapan ang praseng

(19)
“Strong Republic” o “Matatag na Republika”

upang magpatungkol sa kaniyang programang pampolitika at pang-ekonomiya, na walang ipinagkaiba sa ibang mga rehimen kundi ang intensipikasyon ng mga mapaniil na batas at programang kontra-mamamayan. Kung kaya’t kapag nababanggit ang praseng ito, awtomatikong naikakawing ito kay Arroyo at sa reaksyonaryong administrasyon niya. Maganda ring analisahin ang bugtong-tagline na

(20)
Walang Kupas!

ng patalastas pantelebisyon ng Philippine Charitiy Sweepstakes Office (PCSO) kung saan prominente ang mukha ni Arroyo. Ipinamamalas ng propagandang ito ng rehimeng Arroyo na siya’y “Ina ng Bayan” na nag-aaruga at kumakalinga nang “walang kupas” sa mga mamamayan. Samakatwid, ang mga ito’y bugtong ng reaksyonaryong pamahalaan at pilit nitong tinatakpan ang katotohanang lalong lumalala ang krisis sa bansa.

Halos ganito rin ang tema ng patalastas pantelebisyon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) – ang korporasyon ng gobyerno na siyang tagapagpatakbo ng ligal na sugalan sa bansa. Ang konsepto ng pagsusugal na doble-kara ang pagtanggap sa Pilipinas bunga ng impluwensiyang Kastila at Amerikano ay ipinakete ng PAGCOR sa nasabing patalastas bilang

(21)
Tanglaw ng Sambayanan,
Kaagapay sa Kaunlaran.

Idaragdag pa rito ang ilang mga linya tulad ng

(22)
Isang ina na bukas ang puso para sa lahat,

na pinag-iisa ang PAGCOR at si Gng. Arroyo. Lahat ng bugtong na ito’y kahugpong ng reaksyonaryong programa ng administrasyong Arroyo. Samakatuwid, ang mga ito’y hindi lamang natatali bilang bugtong ng negosyo kundi lalo’t higit bilang reaksyonaryong bugtong.

Minakabayang Bugtong

Ayon kay Gelacio Guillermo, “Isang aspeto ng pagbabago sa pang-araw-araw na buhay sa kanayunan, laluna sa pinakaliblib na lugar sa kabundukan, ay ang transpormasyon ng tradisyunal na mga porma ng pamamahayag (kanta, sayaw, tugtog, tula) at ritwal para maiakma ang mga ito sa kasalukuyang kalagayan at pangangailangan ng rebolusyonaryong kilusan… Sa ganito, naiaangat ang mga pormang ito mula sa lumang pyudal na kultura at nagiging bahagi ng bagong rebolusyonaryong kultura.”

Sa gitna ng tila pananaig ng mga bugtong ng negosyo at estado, mayroong pangangailangang tapatan ang mga bugtong na ito. Maaari itong gawin sa pamamagitan ng paghango sa mga tagline-bugtong mula sa kapitalista at reaksyonaryong kinalalagyan nito: (a) pag-satirika sa mga bugtong, at (b) pagtransporma sa mga ito bilang mga bugtong ng protesta at rebolusyon. Sa partikular, ang mga lilikhaing minakabayang modernong bugtong ay nararapat maging bugtong na sumusuri at lumalaban sa imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo – at nararapat na magpahayag ng rebolusyonaryong adhikain ng pagtataguyod ng progresibong lipunan – upang tunay na maging makabayan.

Halimbawa nito ang mga politikal o makabayang bugtong na halaw sa mga lumang bugtong at tagline ng mga patalastas. Iisa lamang ang sagot sa sumusunod na mga bugtong:

(23)
Ang anak ay nakaupo na,
Ang ina’y gumagapang pa. (Kalabasa)

Nang ang Ina’y nakaupo na,
Ang mga Kaanak ay pinagapang na.

(24)
Yumuko man ang reyna,
Hindi mahuhulog ang korona. (Bayabas)

Yumuko man ang Reyna,
Hindi puputungan ng korona.

(25)
Making great things possible. (Globe)

Making simple things impossible.

(26)
Isang prinsesa,
Nakaupo sa tasa. (Kasoy)

Isang terorista,
Nakaupo sa Casa.

Ang mga modernong bugtong rin ay puwedeng langkapan ng mapagpalayang kaisipan. Halimbawa pa rin nito ay si Gervacio na hindi nagpatali sa payak na pagsasabugtong lamang ng mga modernong kaganapan sa kontemporanyong panahon. Sa katunayan, hindi lamang siya lumilikha ng mga modernong bugtong; higit sa lahat, lumalalang siya ng mga politikal at protestang modernong bugtong – iyong tumutuligsa sa pag-iral ng mga monopolyo kapital at pagbaha ng neokolonyal at kapitalistang ideolohiya. Tingnan halimbawa ang mapanudyong mga bugtong na nalikha ni Gervacio:

(27)
Sa bahay ni Sangko Henry
Piyesta araw-araw, gabi-gabi.

(28)
Binayaran ko na nga’t lahat
Pinatamaan pa ako sa kidlat.

Hindi lamang payak na pagpapahula ang ginagawa ni Gervacio, kundi pagpapakintal rin ng sosyo-politikal na mensahe tulad ng masisipat sa bugtong niya tungkol sa ilusyon ng kapitalistang kasiyahan sa Shoemart o SM ni Henry Sy. O di kaya’y ang monopolyo sa elektrisidad ng Meralco kung kaya mataas ang presyo ng kuryente sa bansa.

Samakatuwid, makikita natin ang napakalaking politikal na potensiyal ng mga bugtong para sa pagmumulat at pagpapakilos. At ang potensiyal na ito’y nalulubos sa maigsing tula ngunit mabagsik.

Dahil sa ninunal na panahon, ang binugtong na bayan ay kailangang sumagot, at ang nagrereyna-reynahan ay kailangang panagutin. Iniambag sa (Bulatlat.com)

Sanggunian:

Delfin L. Tolentino. “Introduction: Cordillera Literature.” Filipinos Writing: Philippine Literature from the Regions. Bienvenido Lumbera, pangkalahatang patnugot. Pasig City: Anvil Publishing, Inc. at Bienvenido Lumbera.
Guillermo, Gelacio. “Introduksyon.” Nasa Instityut sa Panitikan at Sining ng Sambayanan (IPASA). Muog: Ang Naratibo ng Kanayunan sa Matagalang Digmang Bayan sa Pilipinas. Quezon City: University of the Philippines Press. 1998.

Share This Post

2 Comments - Write a Comment

  1. araw araw namamatay,taun taon nabubuhay..

Comments are closed.