Huwag mong isiping may kailangan kang patunayan sa iyong sarili. Mas mahalagang isaalang-alang ang publikong makikinabang sa iyong paggampan ng peryodismo sa tunay na esensiya nito – ang makabuluhang paghubog ng opinyon at pagkilos para sa pagbabago.
NI DANILO ARAÑA ARAO
Konteksto / Pinoy Weekly
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VIII, No. 11, April 20-26, 2008
Hindi lang ito pagbati sa iyo, kundi isang apila.
Pinili mong tapusin ang isang kursong sinasabi ng ibang napakadali para sa iyong kakayahan. Ilang beses mo na sigurong narinig ang mga katagang “breeze course” tuwing pinag-uusapan n’yong magkakaibigan ang kurso mo.
Kumpara daw kasi sa agham at teknolohiya, wala kang kailangang gawin sa peryodismo (journalism) kundi sumulat ng kung anu-ano, isang bagay na kayang gampanan ng kahit sino. Walang lugar diumano sa kursong peryodismo ang pagpapakadalubhasa sa anumang larangan (kahit sa wika) dahil simpleng pagsusulat lang ang kailangan mong gawin.
Ibig sabihin, kahit sino’y maaaring sumulat ng simpleng pangungusap na gumagamit ng mga simpleng salita. Maraming naniniwalang basta’t alam mo ang balarila’t ortograpiya, madali kang makakapasa sa mga kurso mo sa peryodismo. Sa katunayan, may mangilan-ngilan pa ngang may opinyong hindi na kailangan ang kaalaman sa wika sa panig ng mga mamamahayag dahil may mga patnugot (editors) namang tumitingin sa mga sinusulat nila.
Ang mga ito raw ang dahilan kung bakit balewala ang kursong peryodismo. Sa isang banda, hindi naman kailangang nakapagtapos ka ng peryodismo para magtrabaho sa midya. Maraming hindi nakapagtapos sa kolehiyo na kinikilalang mahusay sa larangang gusto mong pasukin.
Tinatanggap man natin ang katotohanang kahit sino’y maaaring maging mamamahayag, alam mong hindi totoong madali ang kursong pinili mo. At lalong hindi balewala ito.
Matapos ang apat o higit pang taon sa kolehiyo, alam mong hindi lang limitado sa pagsusulat ang kursong pinili mong tapusin. Nariyan din ang pagtuturo ng pagdidisenyo, layout at pagkuha ng larawan.
Iba na rin ang oryentasyon ng mismong konsepto ng peryodismo – kung noon ay limitado lang ito sa larangan ng print, ngayon ay multimedia na ito. Nangangahulugan ito ng pangangailangang matutuhan ang iba’t ibang porma ng midya (print, radyo, telebisyon at new media).
Bukod sa oryentasyon at iba’t ibang aspeto ng peryodismo, alam mong malaking panahon din ang ginugugol sa pag-aaral ng etika (ethics).
Higit pa sa kakahayang alamin ang balarila’t ortograpiya, kinakailangang tandaan ang mga pamantayan at tamang pamamaraan ng paglalahad ng mga balita. Hindi tulad ng ibang disiplina, ang pag-aaral ng etika ay hindi lang pag-alam sa mga konseptong kaugnay nito kundi ang masusing imbestigasyon sa aktuwal na paggampan ng mga mamamahayag sa kanilang gawain.
Pansinin ding hinubog ang iyong kritikal na pag-iisip sa iyong pagsusulat. Inisyatiba man ito ng iyong mga propesor o sariling pagkukusa, naging kritikal ka dahil sa kinakailangan ang malalimang pagsusuri sa mga paksa. Integral na bahagi kasi ng pagbabalita ang pagsusuri. Sa pagsusulat ng isang editoryal o kolum, halimbawa, inaasahan ng publiko ang iyong paninindigan. Kung wala ka nito, walang dahilan para pag-aksayahan ng panahon ang mga pinaghirapan mo.
Pero may matinding hamon sa iyong pagtatapos dahil hindi lahat ng organisasyong pang-midya ay naniniwala sa tungkulin ng mamamahayag sa paghubog ng pampublikong opinyon sa pamamagitan ng makabuluhang pagbabalita. Tulad ng mga korporasyon sa iba’t ibang industriya, may mga organisasyong pang-midya na dinidiktahan ng tubo at pansariling interes ng mga nagmamay-ari.
Bagama’t nasa iyo ang desisyon kung papasok ka sa mga organisasyong ito at susubuking baguhin ang sistema mula sa loob, dapat mong tandaang maraming opsyong naghihintay sa iyo, partikular ang alternatibong midya na may mahabang tradisyon ng makabuluhang peryodismo. Hindi man masyadong popular ang alternatibong midya, hindi ba’t mainam na magtrabaho ka sa mga ito para hindi makompromiso ang iyong prinsipyo?
Sa panahong may malaking kahinaan ang mas popular o mainstream na midya sa paglalahad ng pambansang kalagayan, kinakailangan mong pumasok sa larangan ng peryodismo. Sana’y seryoso mong isipin ang pagpasok sa alternatibong midya.
Huwag mong isiping may kailangan kang patunayan sa iyong sarili. Mas mahalagang isaalang-alang ang publikong makikinabang sa iyong paggampan ng peryodismo sa tunay na esensiya nito – ang makabuluhang paghubog ng opinyon at pagkilos para sa pagbabago. Pinoy Weekly / Inilathala ng (Bulatlat.com)
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.