(Re)Konstruksyon

NI MARK ANGELES
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VIII, No. 12, April 27-May 3, 2008

Nagpunta ako isang bakasyon
sa abandonadong konstruksyon
paglilipatan sana ng munisipyo
pero nabalam ang proyekto
kalaboso kasing katakut-takot
ang sunud-sunod nitong inabot
overpriced na ang materyales
delayed pa sa completion date

Saput-sapot na mga alambre
nakaluwang kable ng kuryente
ang siyang bumati sa akin
nang ako ay makarating
labas-masok ang mga daga
sa kinakalawang nang bintana
warat na ang mga muwebles
animo lamanloob na ginulanit

Sa pader may ga-langkang butas
mga kawatan siguro ang tumibag
mga pipitsuging magnanakaw
na nagkasiya sa pagsasamsam
ng mga salamin, playwud, tabla,
kandado, doorknob, at bisagra
hindi tulad ng bataan ni meyor
na nagpasasa sa pandurukot

Naisip ko ang mga kaawa-awa
makaitlong kahig, saka lamang tutuka
habang ang mga demonyo
bakasyon grande linggu-linggo
walang pasakit na panghabambuhay
maghahanap din ng katarungan
ang abandonadong konstruksyon
na sinadya ko isang bakasyon.

Inilathala ng Bulatlat.com

Share This Post