Unibersidad at Kanya-kanyang Bersyon ng Urban Renewal

Mas matingkad sa UP ang neoliberal na pag-unlad ng unibersidad sa campus renewal. Ang pagpapalawak ng C-5 ay magbubura sa komunidad na tinutuluyan ng mga kawani nito; ang S&T complex ay paglalatag ng kinabukasan ng unibersidad sa paanan ng pribadong negosyo; ang Science Complex ay resulta ng kolaborasyon sa administrasyon ni Gloria Arroyo.

Ang mga pribadong eskwelahang Katoliko ay mayroon din sariling diskarte sa kanilang campus renewal. Ang Ateneo de Manila University ay taon-taong nagtatayo ng bagong gusali sa estilong modenrong tropical—mga tisa ang tagiliran o bubong, maraming bintanang nakadikit imbis na nabubuksan, at may probisyon sa landscaping.

Nakabuo na ng bagong enclave ang Ateneo ng modernong gusali na napangibabawan na nito ang austere na ayos ng mga lumang gusali. Interesante rin na kalakhan ng mga gusali ay nakapangalan sa patron na nagbigay-pondo sa pagpapatayo nito, tulad ng mga burgis-kumprador na Pangilinan at Gokongwei. At nagpapanggap pa ang Ateneo sa kawalan ng carpark building gayong ang malaking bahagi ng lote ay nakalaan sa putikan kapag umuulan na paradahan ng mga pribadong sasakyan ng kanyang mag-aaral.

Interesante rin ang De La Salle University dahil sa pagpapalawak ng disenyong neo-classical na puting building. Lahat ng bagong gusali ay pinapatingkad ang stilo ng Main Building sa Taft. Ang problema ay ang kawalan ng open space para tumingkad ang mga gusaling may malalawak na pillars at matatayog na steps.

Parang siksik at nakapanliliit ang pakiwari sa loob ng kampus dahil sa kawalan ng open space. Kumpara sa aktwal na infrastruktura ng La Salle, kahit ang pinakamayamang mag-aaral ay magkakaroon ng humbling effect kung ikukumpara sa naglalakihan at naglalawakang gusaling kanyang kinahaharap.

Kakatwa rin naman na ang La Salle ay nag-shopping binge sa mga available na lote sa Taft at Singalong areas. Isa-isang binibili ng La Salle ang mga lote at lumang gusali, at nagtatayo ng high-rise building na may neo-classical na stilo. Mula sa patrong Yuchengco ang kanyang international relations na building sa Singalong.

Matingkad ang mga katangian ng campus renewal sa mga unibersidad. Una, nakatali ang pag-unlad sa negosyo at pamahalaan (sa kaso ng UP). Ito ang nagbibigay ng pondo sa pagpapaunlad ng infrastruktura sa mga kampus. Tila mga lapida ang mga building sa patrong nagbigay ng pondo sa pagpapatayo at bagong-ayos ng mga ito, o ang pamahalaan ni Arroyong tumustos sa pagpapalawak ng infrastruktura.

Ikalawa, ang pag-unlad ay hindi naman talaga nagsasalin sa akademikong kagalingan kundi sa pag-aastang nasa kaliber na ang unibersidad sa pambansa at global na panuntunan sa modernidad at urbanidad. Bagong gusali, bagong pananaw-mundo (business-as-usual sa kaso ng Ateneo; nostalgia sa “dakilang” kasaysayan ng iba pang pribadong unibersidad, kasama ang UP).

Ikatlo, ang campus renewal ay nagpapatingkad sa unibersidad bilang sityo ng tunggaliang pang-estado. Ang mahirap at mayaman sa loob ng campus (sa kaso ng maralitang tagalunsod at pati ang empleyado ng UP na nakatira sa ididemolisang Ripada area), ang scholar at regular student sa Ateneo, ang may notebook computer at ang wala, ang hindi nakapagbayad ng tuition at ang nakatustos na nito sa klase ng electronic surveillance sa gates ng La Salle, at no ID no entry policy ay ilan lamang halimbawa nito.

Sa labas ng campus, ang mga high-rise high-end condos para sa maykayang estudyanteng gustong tumira malapit sa kampus, ang pagtatayo ng negosyo para sa service industries sa edukasyon (laundry, fastfood, convenience stores, Internet shops, cellphone loading nooks, xerox, at iba pa), ay lalong nagpapatingkad kung sino ay may kakanyahan ng full access sa unibersidad, at kung sino ang wala at maeetsapwera.

Ikaapat, ang campus renewal ay nagsasalin sa neoliberal na transformasyon ng edukasyon, syudad at bansa. Konektado ang nagaganap na pagbabago ng infrastruktura sa unibersidad sa urban renewal ni Atienza, Alfredo Lim at Sonny Belmonte, sa isang banda (lokalisadong transformasyon), at lalo na si Bayani Fernando sa kabilang banda (pangkalahatang transformasyon ng syudad at “kasyudaran” o cityhood). Konektado rin ito sa mall at leisure development nina Henry Sy, Gokongwei at Ayala.

Na hindi rin kakatwang nakaugnay sa pambansang transformasyon ni Arroyo na nilalayong tunay na nakaplug ang infrastruktura sa global na negosyo. Ang pagtatayo ng mga bagong gusali sa buong kapuluan ay halimbawa nito: condos para sa savings ng OCW, at malalawak na opisina para sa call centers.

Ang pag-uugnay ng mga isla sa kanyang navigation highway, kasama ang malawakang airport development program, ay lalong nagpapatingkad sa aspirasyong maihanda ang kasuluksulukan ng bansa sa global na kapital. Kung gayon, ang pagpupursigi ng mga unibersidad sa kani-kanilang campus renewal ay hindi hiwalay sa urban renewal ng mga lokal na opisyal, at maging ang national multinational renewal ni Arroyo.

Scenario A: Kung matalino at mahirap ka, at nakapasa ka sa mga unibersidad, kahit sa UP ay hindi ka na makakapasok; kung wala kang pera, hindi ka para sa mga unibersidad na ito.

Scenario B: “Umuunlad na talaga ang Pilipinas” kahit na iilan lamang itong sityo at representatibong nakakaangat.

Scenario C: Habang lumalawak ang infrastruktura ng mga unibersidad, lalong sumisikip ang akses rito.

Mabuhay ang henyo ng mga nagpapatakbo ng unibersidad, ang kanilang mga patron, at ang diyosang Arroyo! (Bulatlat.com)

Share This Post