Tulad ng napakaraming lansangan sa Maynila na nagkalat ang mga basura, ang tinatawag na information superhighway ay sadlak sa dumi ng misimpormasyon at iresponsableng pagsusulat. Pero kung gusto mong mag-blog, maaari kang tumulong sa paglilinis nito sa pamamagitan ng pagiging modelo ng responsableng pagsusulat.
NI DANILO ARAÑA ARAO
Konteksto / Pinoy Weekly
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VIII, No. 16, May 25-31, 2008
Isang babala: Ang sanaysay na ito ay para lang sa mga may limitadong kaalaman sa blogging. Malamang na wala kang matututuhang bago rito kung ang tingin mo sa sarili’y “eksperto.”
Kahit na limitado ang naaabot ng Internet dito sa Pilipinas, marami pa ring bentahe ang blogging.
Bilang bahagi ng tinatawag na new media, ang katangian ng pagsasama-sama ng iba pang porma ng midya (print, radyo, telebisyon) ay mapapansin sa mga blog. Ang komunikasyon sa publiko ay hindi lang limitado sa mga salita, kundi maging sa streaming audio at video.
Sa punto de bista ng isang web author, ang blog ay isang porma ng website na gumagamit ng isang CMS (content management system) na sa esensiya ay masasabing database program. Kaya nga kumpara sa paggawa ng isang “ordinaryong” website, hindi na kailangan ang kaalaman sa HTML (hypertext markup language) o web programming kung gusto ng isang taong gumawa ng blog.
Madali para sa isang blogger na iorganisa ang kanyang mga artikulo (o posts) ayon sa nais na kategorya at tag. At dahil content-based ang isang blog, na kung saan ang pinakabagong artikulo ay kaagad na makikita, madaling malaman ng isang mambabasa kung may bago bang post sa binibisita niyang blog.
Ang mga post mula sa blog ay madali ring maproseso bilang RSS (really simple syndication) feeds na maaaring basahin kahit na hindi aktuwal na bisitahin ang isang blog. Sa katunayan, posible na ngayong basahin ang laman ng isang blog na gamit lang ang isang Web-enabled na cellphone.
At kung nais mong mapaganda pa ang iyong blog sa pamamagitan ng porma at laman nito, napakaraming widgets at plugins na mapagpipilian. Kung gumagamit ka ng WordPress bilang platform ng iyong blog, malulula ka rin sa dami ng themes na puwede mong gamitin para maging kaaya-aya ang hitsura ng iyong blog.
Alam mo bang ang themes, widgets at plugins ay open source? Ibig sabihin, kung may sapat kang kaalaman sa web programming, puwede mong baguhin ang mga ito ayon sa iyong pangangailangan.
Tungkol naman sa feedback mula sa mambabasa, madali lang sumulat ng komento dahil ang kailangan lang gawin ng isang mambabasa ay sumulat sa comment fields na nasa katapusan ng isang post. Kung hindi moderated ng blogger ang pagkokomento, makikita kaagad ng mambabasa na na-publish na ang kanyang sinulat.
Madali rin para sa isang blogger na maglagay ng isang shoutbox sa kanyang blog (maraming widgets at plugins para dito) na kung saan ang isang mambabasa ay maaaring sumulat ng kahit na anong saloobin niya, o kahit makipag-chat sa blogger o iba pang mga mambabasang online.
Matapos mong malaman ang ilang batayang impormasyon tungkol sa isang blog, kumbinsido ka na bang maging bahagi ng tinatawag na blogosphere? Sana naman, bago ka mag-blog, tandaan mong ang katotohanang kahit sino’y puwedeng mag-blog ay maituturing na bentahe at disbentahe.
May kapangyarihang nararamdaman sa blogging ang isang indibidwal o institusyong nais magpalaganap ng makabuluhang impormasyon sa sinumang interesadong mambabasa. Pero ang isang indibidwal o institusyong gustong manira ng iba ay puwede ring gumawa ng isang blog.
Bagama’t may mga mambabasang kayang suriin ang mga impormasyong nakukuha nila sa Internet, nariyan pa rin ang posibilidad na may mga mapapaniwala sa isang kasinungalingan.
Ang iyong opinyon ay napakahalaga lalo na sa isang bansang naghihikahos, at maaari mong gamitin ang blog para ipalaganap ang iyong mga diskurso hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Tulad ng napakaraming lansangan sa Maynila na nagkalat ang mga basura, ang tinatawag na information superhighway ay sadlak sa dumi ng misimpormasyon at iresponsableng pagsusulat. Pero kung gusto mong mag-blog, maaari kang tumulong sa paglilinis nito sa pamamagitan ng pagiging modelo ng responsableng pagsusulat.
Ang pagbasa at pag-intindi ng maikling sanaysay na ito, at pag-abot ng huling talatang ito, ay nangangahulugang may sapat kang pasensiya para sa isang makabuluhang talastasan. Sana’y gamitin mo ang disiplinang ito sa blogging, kung sakaling magdesisyon kang gawin ito. (Bulatlat.com)
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
can i post a message for my former comrades at the cs? i have to say sorry for being weak…I’ve forsaken the cause of the masses …..bumangga ako sa sangandaan….