Gloria Arroyo bilang Panlipunang Sakit

Ibuyanyang na lang natin ito bilang “Arroyo disease.”  Mga sintomas:  pananahimik kapag nasa gitna ng skandalo, pagtago sa poder ng Malacanang imbes na makiugnay sa mga tao, pagharap lamang sa mga kausap na elitistang negosyante at dignitaryo, at pag-aantay na humupa ang alingasngas.

NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat
Vol. VIII, No. 23, July 13-19, 2008

Ibuyanyang na lang natin ito bilang “Arroyo disease.”  Mga sintomas:  pananahimik kapag nasa gitna ng skandalo, pagtago sa poder ng Malacañang imbes na makiugnay sa mga tao, pagharap lamang sa mga kausap na elitistang negosyante at dignitaryo, at pag-aantay na humupa ang alingasngas.

Ganito si Arroyo kapag nakabanta at nakapalaot sa skandalo.  Nananahimik, mistulang nangingimi, iba ang nagsasalita at umaako para sa kanya.  At sa kanyang pagkawala, ang spin doctors ni Arroyo ang nagmamaniobra para pahupain ang skandalo.

Pumutok, halimbawa, ang expose ni Jun Lozada.  Nadawit si Arroyo sa skandalo ng NBN-ZTE.  Biglang nagkaroon ng krisis sa bigas.  Pumila ang mahihirap para sa mura pero mababang kalidad ng NFA rice.  Ang iba ay nabiyayaan ng food coupon na doleout.

Nagkaroon pa ng rehiyonal at global na dimensyon ang krisis sa bigas at pagkain.  Umangal ang Pilipinas sa binubuong rice cartel sa Southeast Asia.  Nagmanikluhod daw sa Vietnam at Thailand na bentahan ang bansa ng bigas kahit pa prinoprotektahan rin ang sarili nilang pambansang supply.

Tumaas ang presyo ng gasolina, at sumunod ang pamasahe at bilihin.  Global rin daw ang kadahilanan dito kahit 90 araw nang nabili ng mga higanteng kompanya ng langis ang kanilang supply na ibinebenta sa kasalukuyan.  Sa pinakamataas na halaga ng per barrel ng petroleum, mamamayan ang umabsorba ng krisis.  Natiyak pa rin ang 40 porsyentong tubo ng higanteng kompanya ng langis sa bansa.

Nagkaroon ng alingasngas sa Meralco.  Tayo pala ang nagbabayad ng mga ninakaw na kuryente, pati ang kuryenteng gamit sa mismong opisina ng Meralco.  Kaya naman pala ang kaibigan kong accountant na nakapagtrabaho sa Meralco ay umaangal sa sobrang lamig ng centralized at 24-oras na airconditioning matapos namin grumadweyt noong 1986.  Ipinapasa pala ito ng Meralco sa atin.

Umatake si Winston Garcia ng GSIS, isa sa pinakamaeskandalo ring opisyal ng administrasyong Arroyo.  Tinake-up ang causa ng consumer pero ang sapantaha ng mga tao ay gusto lang i-take-over ang management ng isa sa pinakamalaking kompanya sa bansa.  Pati na rin ang pagbiyak ng Meralco, at paglipat sa isa pang negosyong kuryente mula sa Cebu na malapit kay Arroyo.

Namudmod ng doleout si Arroyo sa mga mahihirap na kustomer ng Meralco.  Regular nga silang nakakapila araw-araw para sa bigas ng NFA.  Matapos lamang ang ilang buwan, sa pagsisimula at pagtatapos ng bakasyon na dating nagpabulwak sa libo-libong estudyanteng sumuporta kay Lozada, naetsapwera na ang whistle-blower.  Nagkaroon na naman ng maigsing relief si Arroyo sa mismong sakit nito.

End-game ang kalakaran ni Arroyo.  Pinapalipas lang niya ang skandalo na tulad ng pagtrato ng umutot sa kanyang ginawa.  Biglang may maamoy na nabubulok na baho, maari pa ngang pangunahan ng di rin kagandahang tunog.  Ang rule naman sa umutot, na tulad din ng rule sa extramarital affair, ay huwag umamin.

Kahit na ikaw na nga ang napakinggan ng tunog at naamuyan ng utot, hindi naman makakapag-usap nang sabay ang mga nakatunghay.  Tulad ng mga nagsisiksikang tao sa loob ng elevator, maari lamang matukoy kung saang gawi pinakamalakas ang tunog, pero hindi naman matutukoy kung saan ito talaga nagmula.

Di nga ba sa ututan, ang unang pumiyok, siyang umutot.  Kaya para hindi mapagbintangan, manahimik na lamang.  Para hindi mapagkaisahan, less-seen-the-better ang mode.  Hindi naman direktang maiuugnay ang utot sa umutot.

Ethereal ang utot, tulad ng paniniwala ni Arroyo tungkol sa skandalo.  Kaya sa huli, kahit sa pinakadismayadong nakatunghay ng skandalo, nakakahon ang alingasngas sa pagdaan ng mabilis na panahon.  Ang hindi naisasaalang-alang ay ang alingasngas ay hindi naman nag-iisa at natatangi.  Ito na ang kalakaran ng araw-araw na buhay sa tumitinding krisis ng buhay sa ilalim ng rehimeng Arroyo.

Ang trahedya ng paglubog ng MV Princess of the Stars at ang mas malaking trahedya ng pagpapatuloy ng operasyon ng Sulpicio Lines na may-ari ng lumubog na barkong kinamatayan ng 700 katao ay gawa ng kalikasan at Diyos.  Hindi ito matutukoy sa gobyerno kahit pa nag-15 minutes ng extended fame si Bise Noli de Castro sa pag-oversee ng relief operation sa lumubog na barko.

Ang 15-second fame naman ni Arroyo ay nagmula sa kanyang teleconferencing isang madaling araw na kung hindi pilit na nakikisimpatya ang close-up na overacting na mukha ay sinasabing tumitili sa sinisising opisyal.  Matapos ang trahedya, ang pinakamalaking trahedya ay ang kawalan pa rin ng panlipunang katarungan sa mga biktima ng paglubog.

Ang kawalan ng panlipunang katarungan ang pinakatampok naman na epekto ng Arroyo disease.  Ang mahihirap at gitnang uri ay wala nang maasahan kay Arroyo maliban sa manaka-nakang doleout, dalawampung pisong dagdag sa minimum wage, o temporaryong relief dahil sa minsanang bonus na ipinamumudmod.

Sa huli, umiimpis na hangin sa loob, kundi man papalubog na ang salbabidang kanilang pinanghahawakan.  Paano ka ililigtas ng isang bagay na lumulubog rin?  Buti pa nga ang resulta ng mga dagang nalulunod, organisadong nagbibigayan para makalabas sa iisang butas ng katubusan.

Share This Post