Pagsusuri sa Peryodismo

Hindi maaaring talikdan o kalimutan ng isang peryodista ang kanyang kinagisnan para lang epektibong magampanan ang kanyang gawain. Kung tutuusin, kailangan pa nga niyang malaman nang mabuti kung ano ang kanyang paninindigan para epektibong masuri ang mga datos niya, para matukoy ang mga bagay na kailangang malaman ng publiko.

NI DANILO ARAÑA ARAO
Konteksto / Pinoy Weekly
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VIII, No. 25, July 27-August 2, 2008

Isang kontrobersyal na usapin sa mga peryodista ang pagbibigay ng pagsusuri sa isyung sinusulat nila. Hindi raw katanggap-tanggap ito dahil masisira ang kanilang kredibilidad. Kailangan diumano nilang maging neutral para masiguradong obhetibo ang kanilang pag-uulat.

Hindi raw dapat sinusuri ng mga peryodista ang mga isyung kinakaharap ng bayan dahil ang kailangan lang ay ang simpleng paglalahad ng datos. Hayaan na lang daw ang taumbayan na mag-isip kung saan sila papanig. Mapapansin ito sa islogan ng Fox News ng Estados Unidos: “We report. You decide.”

Inaakusahan ng biased reporting ang sinumang lumabag sa ganitong panuntunan. Ang pagsusuri kasi ay para lang daw sa mga nagsusulat ng editoryal at kolum. “Let the data speak for themselves,” sabi ng ilang patnugot, peryodista at maging ng ilang propesor sa peryodismo.

Ang problema lang sa ganitong diskurso, may paniniwalang ang pagiging obhetibo ay nangangahulugan ng pagiging neutral. Magkaiba po ang dalawa.

Para maging obhetibo ang isang balita, kailangang makuha ng peryodista ang lahat ng panig at responsable niyang isulat ang mahahalagang punto. Anuman ang kanyang saloobin, kailangan niyang makuha ang kabilang panig at huwag makontento sa iisa lang. Responsibilidad niya sa publiko ang pagbibigay ng karampatang impormasyon.

Napag-uusapan na rin lang ang “impormasyon,” kailangang tandaang iba ito sa “datos.” Ang una ay nagbibigay ng kaalaman, at mangyayari lang ito kung susuriin ang mga datos na nagsisilbing produkto ng obserbasyon ng isang tao sa kanyang kapaligiran (observable reality). Sa madaling salita, ang impormasyon ay suma ng datos at pagsusuri, o impormasyon = datos + pagsusuri. (Kailangang malaman ng mambabasa na nakasulat sa UP Diksiyonaryong Filipino na pareho lang ang mga salitang “datos” at “impormasyon” pero sa iba pang diksiyonaryo tulad ng The Concise Oxford Dictionary ay pinag-iiba ang dalawang ito.)

Kung ang isang taong neutral ay nangangahulugang walang pinapanigan, posible kaya ito sa larangan ng peryodismo? Hindi ba’t bilang tao, tayong lahat ay may paniniwala?

Paano susuriin ng isang peryodista ang mga datos kung hindi siya gagamit ng isang balangkas sa pagsusuri (analytical framework)? At hindi ba’t ang pagpili ng anumang balangkas ay bunga ng mga paniniwala ng isang peryodista?

Share This Post