Goatee at Ghetto

Hindi naman ako nawawalan ng tulog kapag nagdedesisyon ako tungkol sa katawan. Napag-isipan kong magpatubo ng goatee. Hindi naman ako tinutubuan ng kumpletong bigote kaya hanggang goatee na lang. Maraming referensya ang banggit ng mga tao hinggil sa goatee ko. Ang pinakahuli ay si Ho Chi Minh, at hinihingi na raw niyang ibalik ko ito. Ang mga nauna ay pagiging terorista at siempre, Muslim. Na ang banggit ng kaibigang historiador Francis Gealogo, ang Muslim ay hindi angkop na pagtukoy dahil ito ay katawagan ng mga naniniwala sa Islam. Moro ang angkop na tawag.

NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat.com
Vol. VIII, No. 30, August 31-September 6, 2008

Hindi naman ako nawawalan ng tulog kapag nagdedesisyon ako tungkol sa katawan. Napag-isipan kong magpatubo ng goatee. Hindi naman ako tinutubuan ng kumpletong bigote kaya hanggang goatee na lang. Maraming referensya ang banggit ng mga tao hinggil sa goatee ko.

Ang pinakahuli ay si Ho Chi Minh, at hinihingi na raw niyang ibalik ko ito. Ang mga nauna ay pagiging terorista at siempre, Muslim. Na ang banggit ng kaibigang historiador Francis Gealogo, ang Muslim ay hindi angkop na pagtukoy dahil ito ay katawagan ng mga naniniwala sa Islam. Moro ang angkop na tawag.

Noong Linggo, nagpunta kami sa Baliwag para sa lamay ng nanay ng kaibigan. Ang alaala ko sa bayang ito ay bilang stopover sa pag-uwi sa Nueva Ecija. Mayroon kaming dinadaanan bago magbayan na restaurant na ang spesyalidad ay arroz caldo. Treat na payagan kaming umorder na ang sahog ay itlog at manok.

Dilaw ang lugaw dahil sa bulaklak ng safron. May maliliit na dilaw na pandesal na katerno ito. At paminsan, kapag galante ang mga magulang ko, may chicharon. Kilala ang Baliwag sa chicharong may laman. At tunay na magiging masaya ang natitirang biyahe pauwi sa bayan sa Nueva Ecija.

Naalaala ko rin ang Baliwag sa panahong ito. Simbahan ang pinakaprominente sa bayan, kasama ng mga higanteng lumang bahay ng mga ilustrado. Malawak ang palengke. Iba talaga kapag lumalaki ka na, nagmumukhang maliit ang lahat. Nitong huling dalaw sa bayan, “Glorietta” ang tawag sa sentro ng plaza. Ito ang pasyalan sa gitna ng plaza, may higanteng palmera sa kalapit na gitna ng kalsada, mga higanteng puno sa sentrong ito.

Ang simbahan, kundi pa binakuran, ay nasakop na rin ng mga bagong establisyimento. Nandoon siempre ang obligatoryong Jollibee, at sa di malayong lugar, ang McDonald’s. Sinabi nga ng kapatid ng namatay, “May 7-11 na rin kami.” Nandoon pa rin ang terminal ng Baliwag Transit sa gitna ng bayan, wala nga lang aircon na bumibiyahe.

Nagsikip na ang palengke, at tunay namang naging “night market” na. Ang isang patagong kaiba ng pag-unlad ng bayan ay hindi na lamang ang mga obligatoryong establisyimento kundi ang migrasyon na rin ng negosyo at katawan ng mga Moro. Sa Baliwag, at maging sa Baguio City, sila ang may hawak ng piratang negosyo ng DVD at iba pang media, at ng cellphone.

Sa Baguio City, mayroon na silang sariling ghetto o laylayang komunidad na trinasforma batay sa sariling pangangailangan: publikong lugar na dasalan dahil sa relihiyon, komunal na tirahan dahil sa panimulaing pagsisikap para sa trabaho at negosyo. Sa Metro Manila, bukod sa Golden Mosque sa Quiapo, ang mga ghetto na distrikto ng Moro ay ang Kuliat sa Tandang Sora, at sa Taguig.

Bahagi ang mga ghetto ng Moro ng surveillance at disiplina ng estado. Dalawa lang ang lugar na peryodikong sinosona o pagpulisya sa mamamayang lalake para uriratin ang mga katawan para sa tattoo—kaya pinaghuhubad—at mukha para sa pagkakahawig (may xerox ng mga wanted ang mga pulis): yung mga underclass na komunidad ng mga pinaghihinalaang tirador at jologs, na sa pelikulang Jaguar (Lino Brocka, ) at Tirador (Dante Brillante, 2007) ay mas may pagtanggap kaysa pag-aklas; at yung double underclass hindi lamang batay sa uri kundi sa relihiyon na rin, ang komunidad ng Moro.

Tattoo ang nagmamarka ng katawan ng gang member sa komunidad. Malamang ay nakapasok na sa loob (preso) kaya may tattoo at afiliasyon nang gang. Mukha na may pagkakahawig sa xerox (kopya ng kopya ng tunay), na siyang nagbibigay-diin sa operasong pagkakaiba (othering) ng estado sa disenfranchisadong mamamayan: mukhang mahirap kaya suspek kaagad ng surveillance at pagdidisiplina.

Paano nagsasaad ng ganitong paranoia sa Moro? May pagkakaiba ba ang lalakeng Moro kapag pinaghubad na siya ng damit? Nang mag-goatee ako, tunay namang marami akong narinig na pejoratibong asosiasyon sa aking buhok sa baba sa pagiging Muslim (sic), at ang Muslim (sic) sa pagiging terorista. At hindi naman nagkakamali sa asosiasyong ito. Nang magpunta kami sa Bulacan ay marami ngang lalakeng Moro na may goatee.

Hindi lamang mahirap ang maraming Moro—hindi nga ba’t ang ARMM ang pinakamahirap na rehiyon sa bansa—at sumpa ito na pinapasan ng maraming mamamayan, kundi ang pagiging Muslim ng Moro ang dagdag na pang-estadong pagdidisenfransisado. Hindi sila nakolonisa ng mga Kastila, at nakalonisa lamang sila ng mga Amerikanong mananakop nang gamitin nito ang political might at suhulan ang mga paksyon ng lokal na naghaharing uri.

At ito ang ginagamit ng mga sumunod na Filipinong gobyerno—ang panunuhol sa lokal na politika (kasama ang pagwafaz sa politikal na kalidad ng pagka-Moro, ang sapilitan silang papasukin sa bansa). Ang resulta nito ay ang mass migration ng mga Moro para magtaguyod ng ghettoized na negosyo sa mga umuusbong na urbanidad sa mga bago at lumang syudad.

Baritone at may makapal na punto ang lalakeng Moro habang nag-aalok ng piratang DVD at iba pang media. Pabulong na naririnig din ng iba pang malalapit na tao. Ang boses ng lalakeng Moro ang naghuhudyat ng pagka-praning, tulad ng historikal na pagkapraning sa mga Moro bilang piratang nanlulusob sa bayan para sirain at i-loot ang gamit, at para makakuha ng supply ng alipin sa malaking negosyong ito.

Pero tulad ng komoditi na ibinebentang pabulong ng lalakeng Moro, ang ipinapahiwatig din ng boses ay ang seduksyon para sa negosiasyon sa gitnang uring pambansang panuntunan ng buhay. Hindi ba tayo nagtataka, na tulad ng ukay-ukay na sa Igorot naman napakat, na ang akses natin sa mga marka ng gitnang uring modernidad ay mula sa First World recycling (mabuhay ang ukay-ukay!) at Third World making-do (mabuhay ang pirated!). Nabubuhay ang mga negosyong ito dahil ito ang mga aksesibol na entry points para sa gitnang uring buhay.

Share This Post