Goatee at Ghetto

Ang DVD player na pirated din at nakakapag-play ng kahit anong rehiyon sa mundo (kontraryo sa pagpulisya ng gumagawa ng bala at player) ay standard marker na sa tahanang may pag-aastang gitnang uri. Dahil sa kamahalan ng tiket sa sine, ang pangunahing libangan na, lampas sa “libreng” radyo at telebisyon, ay panonood ng sine sa pirated na DVD. Ibig sabihin, ang pagbalikwas ng mamamayan ng bansa sa global na negosyo ay sa pamamagitan ng kinatatakutan na pirata.

Paano ka matatakot sa isang entidad na sa pagtangkilik mo ay nagiging kauri mo na rin? Bakit may pag-ilag pa rin sa mga Moro? Ang paranoia ay ang mental na estado na nakikita ang sarili bilang biktima ng kaiba. Paano ka magiging biktima kung wala namang nangbibiktima sa iyo? Na magpapatawag-pansin kung bakit ang mga Moro ay parati na lamang pinupulisya tuwing may pagbobomba at iba pang akto ng tinutukoy ng estado na terorismo sa kalunsuran.

Hindi ba’t sinusuyod ang mga komunidad ng Moro bilang remedy sa tinaguriang pambansang krimen? Na di tulad ng ordinaryong sona na para limasin ang mga peti na krimen ng tirador at drug addict at pusher, ang sa Moro ay para italaga sa kanila ang kolektibong paranaoia at hysteria na dulot nito para sa krimen ng estado sa kanyang sarili. Na ang pagtukoy sa Moro kada may bomba ay para idisimulado ng gobyerno ang sarili nitong kahinaan—kung bakit, sa unang usapin, may nagbobomba?

Ang pagdisimulado ng karahasan ay itinatalaga sa historikal na katawan at kolektibong pangangatawan na sa imahinasyon ng gitnang uri at nag-aastang gitnang uri ay ang Moro. Para maging Moro, kailangangang pwedeng maisantabi dahil sa pagpiling maging Moro. Karahasan sa estado ang magnitude ng inaakalang pwedeng iakusa sa Moro. Sila ang naghuhuramentado, barbariko, maraming asawa, at iba pang kaiba (di Katoliko, di moderno, di gitnang uring mamamayan). At lalo lamang nasasapol ang ganitong kolektibong pag-iimahinasyon sa Moro sa periodikong pakikidigma ng gobyerno sa mga Moro sa Mindanao.

Ikinakalat sa media ang paggamit ng mandirigmang Moro sa taumbayan bilang shield, ang pagpilas nila ng teinga at iba pang bahagi ng katawan sa mga pinatay nito, ang walang-awang pagpatay sa mga hostage, ang panghohostage para kumita, at iba pa. Sino ang hindi sasang-ayon sa panawagang pulbusin ang mga ito? Sa Baliwag, ayon sa dinalaw namin, may insidente na na binabato ang tinutuluyan ng mga Moro, at natitiyak natin hindi lang dahil sa hindi mag-play ang nabiling piratang DVD!

Walang pangulo ang hindi kumasangkapan sa Moro at “problema” sa Mindanao para sa kani-kanilang politikal na ganansya. Ang isama pa rito sa pandarambong sa Moro ay bilang balon ng “dagdag-bawas” sa mga eleksyon. Sa pambansang eleksyon tumakbo sa pagkapresidente si Arroyo, ito ang naging balon ng pinapangarap niyang isang milyong minimum na lamang sa kalaban.

Ang mga pelikula ni FPJ (Fernando Poe, Jr.) na ukol sa Moro at Mindanao ay tinataguriang “mas paborable” ang representasyon sa mga mamamayan bilang matatapang, dakila at pangingibabaw ng kabutihan. Hindi nga ba’t ito rin ang naging balon ng lamang ni FPJ sa nakaraang eleksyon? Malaki ang appeal niya dahil sa klase ng appeal ng kanyang filmikong tauhan.

Ang “problema sa Mindanao” ay isang periodikong pagsisiwalat ng hysteria, ginagawang kolektibo gayong fallacious naman—hindi ito ang cause sa effect na hinahanapan ng katubusan ng estado. Ang “problema sa Mindanao” ay ang kakanyahan ng estado na kasangkapanin ang Mindanao—sabayang pinakaproblematiko at pinakayamang untapped na resources—at ang Moro para sa pang-uring interes ng estado.

May Morong nagpapagamit, may Morong nanggagamit. Pero ang sentral na usapin ay ang mas makapangyarihang paggamit sa Moro bilang toilet paper sa tuwing dumudumi ang estado. Ito ang problema at ang huling katubusan: ang kapangyarihang maniobrahin ang buhay ng historikal na naisantabi at nadisenfansisadong entidad para sa pang-uring interes ng estado, ang preserbasyon at perpetwasyon ng bangkaroteng sistema nito.

Kaya balak kong panatilihin ang goatee ko, para ang ghetto na inaakalang nagsadlak sa disenfransisadong mamamayan ay paratihang magsiwalat din ng pangamba at paranoia, ng instabilidad ng kapangyarihang makapaghari magpakailanman, ng ang “problema sa Mindanao” ay magsaad ng “problema sa Pilipinas,” at ang ugat ng problemang ito ay ang mismong bangkaroteng estado at ang patron nito.

Ang goatee at ghetto ay hindi na lamang, lampas pa sa goatee at ghetto na lamang. (Bulatlat.com)

Share This Post