Melankolia ng Gitnang Uri

Ano pa ang kapasidad ng sarili na makapagtatwa ng kahirapan? Sa lente ng buhay ng gitnang uri, ang uring afiliasyon ay nagbabago. Nagkakaroon ng pagtratraidor (betrayal) sa uring pinagmulan (class origin) para ang identifikasyon ay pumanig sa abstraksyon at materialisasyon ng gitnang uri. Abstraksyon ito dahil nga sa mas maraming pagkakataon ay dinaranas lamang ito sa malawakang antas ng fantasya, ng imahinaryong makakamit ang gitnang uri sa di malayong hinaharap. Materialisasyon ito dahil nga sa pamamagitan ng sachet economy, charity at casino public service, manaka-nakang napaparating ang pribilehiyadong karanasan ng gitnang uri.

NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat

Ang melankolia ay isang mental na estado ng pagluluksa (mourning). Ang sintomas ay depression, at mas matindi raw ito tuwing umaga. Nagigising pa nga ang may melankolia dalawang oras bago ang normal na oras ng gising nito. At aarangkada na naman ang depression, magnanais ulit matulog, may tendensiyang maging anorexic, at kinatatampukan ng labis na o maling pag-ako ng guilt.

Sa psychoanalysis, mayroong tanging puwang ang melankolia. Paratihan ang pagluluksa sa love object, at hindi magawang ilibing ito. Ang patay (love object) ay maaring naunsyaming pag-ibig (na kahit wala na ay iniisip na mayroon pa rin o ang posibilidad nito), aktwal na namatay na magulang (at kung gayon, hindi maibsan ang guilt kung ano pa ang dapat ang ginawa bago namatay ito), kamusmusan (childhood), at kung ano pang hindi pa handang maiwalay sa pagkatao.

Sa politika, ang melankolia ay ang sistematisasyon ng pag-aabang sa nais dumating kahit mas labis ang pagkakataong hindi ito makakarating. “Waiting for Godot” ang tipo nito, tulad ng dula ni Samuel Beckett ukol sa dalawang tauhang nag-uusap ukol sa inaantay ng isa, at sa katapusan ng dula, hindi dumating ang pinakaasam. Sa politika, tayo ay nagkakaroon ng substansya ng pagkamamamayan sa pamamagitan ng paratihang pag-aantay. “All that we are is in the waiting,” wika sa isang pelikula.

Nag-aantay tayo ng tunay na pagbabago. Isang pangulong hindi magiging gahaman, hindi lubos ang pangungurakot, may kapasidad na mag-moderate ng greed. Isang pamahalaang pinahahalagahan ang serbisyo publiko, hindi ang pananaw na ang publiko ang magseserbisyo sa kanya. Isang pamayanan ligtas sa kapahamakan, maunlad at makatao. Isang lipunang may trabaho, katarungan at nakakasapat na kita para sa lahat…. Gumising ka, Maruja!

Kahit si Maruja ay hindi gigising. Paratihan na lamang nag-aantay sa pagbabago ang mamamayan. Manaka-naka, sa charity work ng gobyerno ni Gloria Arroyo, o sa sachet economy ng negosyo, ang underclass ay makakaranas ng pagbubukas ng gate ng gitnang uring buhay. Pamandaliang luluhod ang mga tala, at makakabangon at makakaganti ang sistemakong inapi sa kasaysayan. At dahil madalang magbukas ang gate, madalas kaysa minsan, natatagpuan ng mamamayan na nag-aantay at nag-aabang.

Para mapabilang sa gitnang uri, ang taunang kita ay dapat nakapaloob sa P251,283 hanggang P2,045,280. Sa sosyo-ekonomikong katangian, ang gitnang uring pamilya ay dapat nakapasok sa lahat ng sumusunod na requirements: “1. whose housing unit is made of strong roof materials; 2. who own a house and lot; 3. who own a refrigerator; and 4. who own a radio.” Natagpuan ng pag-aral ng National Statistics Office na ang pangkalahatang populasyon ay gumagasta ng mga sumusunod: 1. pagkain, 46.58 posyento; 2. pabahay at pagkumpuni, 16.8 porsyento; 3. transportasyon at komunikasyon, 7.52 porsyento; 4. gasoline, ilaw at tubig, 6.95 porsyento; at 5. edukasyon, 3.83 porsyento.

Batay pa rin sa pag-aaral, ang pinakamababang pinagkakagastusan ay ang mga sumusunod: 1. libangan, 0.38 porsyento; 2. iba pang bagay, 1.04 porsyento; 3. tobako, 1.19 porsyento; 4. kalakaran sa bahay, 1.23 porsyento; at 5. gamit at kasangkapan sa bahay, 1.76 porsyento. Maging ang gitnang uri sa bansa ay hindi rin nakakapaglustay ng lampasan. May pagkakahalintulad ang kanyang gastusin sa nakakarami sa populasyon.

Makitid ang gitnang uring populasyon at buhay sa bansa. Ayon sa isang pag-aaral ng National Statistical Coordination Board, may dalawang porsyenteng puntong pagbaba sa populasyon mula noong 2000 hanggang 2003. Bumaba rin ng 4.6 porsyentong punto ang bilang ng gitnang uring pamilya na may overseas contract worker na myembro. Nauna nang lumiit ang mataas at gitnang uri sa bansa mula 1997 to 2000. Noong 2003, isa sa isang daang pamilya ay kabilang sa uring may mataas na kita; 20 porysento lamang ang gitnang uri, at 80 porsyento ay kaiblang sa mababang uri.

Sa anim na taon mula 1997 hanggang 2003, sa bawat 100 pamilya na nasa gitnang uri, tatlong pamilya ay nalaglag sa mababang uri. Ang penomenon ng “collapsing middle class” ay nagaganap di lamang sa Pilipinas kundi maging sa US, bumaba mula 48.2 porsyento tungo sa 44.3 porsyento sa nakaraang dalawang dekada. Bakit at paano nag-aastang mayaman si Juan Maralita?

Astang mayaman si Juan at Juana dahil hindi ito aktwal na mayaman. Ang “asta” ay artifice sa gitna ng malawakan at malalimang kahirapan sa bansa. Ito ay panlabas na posisyunan dahil ang panloob ay hindi aktwal na gitnang uri. Umaasta dahil ang substansasyon ng gitnang uri ay napatagos bilang aura (sabayang paglutang sa ere at pataasan ng ihi) ng kontemporaryong buhay.

Mayroong melankolia ang gitnang uri dahil sa dalawang bagay. Una, intermittent ang gitnang uring buhay, na isang aksidente, trahedya, matinding pagkakasakit o sabayang enrollment ng mga anak ay hindi na nakakayanang matustusan ng sariling kita, nangungutang na kundi man nakakapagsanla at benta ng mga ari-arian (kaya rin hindi nakakapagtaka na ang sobrang kita ng gitnang uri ay nauuwi sa mga bagay na mapreprenda: alahas, magic mike, appliances, I-pod at MP4 player, at iba pa). Serialisadong melankolia dahil pamandalian lamang ang posisyon ng gitnang uri. Paratihang nagsisimula na naman sa sikliko ng pagtratrabaho, pagtustos sa malakihang gastos, pangungutang, pagbabayad-utang, at muling pagtratrabaho.

Ikalawa, hindi naman talaga gitnang uri ang “gitnang uri.” Mas tukoy pa ng “gitnang uri” ang substansya ng formasyon ng mamamayan: oratiko lamang ito kahit pa ito ang lente ng pagdanas ng kasapatan, hindi kasalatan dulot ng paghihikahos. Substansya ito na siyang pumapaimbalot sa ubod at artifice, na kahit nga mas mababa sa gitnang uri, mas mayorya sa gitnang uri, mas hindi kaysa lubos na gitnang uri, napapaastang gitnang uri ang gusto—lifestyle, kalakaran, operasyonalisasyon, tunguhin at kalidad ng buhay—ng hindi aktwal na gitnang uri.

Melankolia dahil paratihang ibinabalik ng pagiging di gitnang uri—ang mayoryang underclass—ang gitnang uri. Na kahit pasaglit at pamandalian itong nadaranas, kahit mas matagal ang kinakailangang paggawa para kumita, itinuturing na ito bilang preferensiya ng kalidad ng buhay. Ayaw ilibing dahil sino ang gustong tumanaw sa sarili sa tumpok ng basura? Ang bundok ng basura ay tinatanaw lamang, mula sa pinakamalapit, sa tarangkahan ng tahanan. Sa loob ng tahanan, maitatatwa pa ang kahirapan.

Ano pa ang kapasidad ng sarili na makapagtatwa ng kahirapan? Sa lente ng buhay ng gitnang uri, ang uring afiliasyon ay nagbabago. Nagkakaroon ng pagtratraidor (betrayal) sa uring pinagmulan (class origin) para ang identifikasyon ay pumanig sa abstraksyon at materialisasyon ng gitnang uri. Abstraksyon ito dahil nga sa mas maraming pagkakataon ay dinaranas lamang ito sa malawakang antas ng fantasya, ng imahinaryong makakamit ang gitnang uri sa di malayong hinaharap. Materialisasyon ito dahil nga sa pamamagitan ng sachet economy, charity at casino public service, manaka-nakang napaparating ang pribilehiyadong karanasan ng gitnang uri.

At ito ang kondisyon ng posibilidad para aktwal na madanas ang gitnang uring fantasya ng mga nagdarahop. Nililikha ang gitnang uri bilang ideal. Na dahil ito nalikha ng fasismo at industriyang pangkultura bilang ideal, kahit hindi ito perfekto at muhon ay napapaniwala ang sarili sa ego-ideal na ito: ito ang panuntunan ng kontemporaryong buhay, ng posibilidad ng kalidad ng buhay ng modernong mamamayan. Maigting ang kolektibong fantasya na wala nang nakikitang ibang direksyon ng buhay sa labas nitong imahinaryo. Tulad ng imahinaryo, ang gitnang uri ay nililikha bilang abot-kamay, abot-tanaw na panuntunan. Parang kay daling abutin kahit hindi.

May isang bata ang nagsabi sa kanyang magulang, “Sana sa mall na lang tayo nakatira.” Malamang, ang bata ay nasa loob pa lamang ng mall nang sambitin niya ito. At kakatwa na ito. Una, alam niyang temporal lamang ang saglit ng kasiyahan, at ito ay wish-fulfillment pa nga dahil sa mas mabigat ang kondisyon ng material na kahirapan. At ikalawa, hindi pa nga patay, pinatay na ng bata ang karanasan. Dinaranas pa nga lamang niya ang kasiyahan ay nagkakaroon na ito ng pagluluksa sa katiyakan ng lahat ng malling, ang pagtatapos nito.

Ang akses man sa kulturang popular ay sa pamamagitan ng gitnang uring panuntunan. Kailangang gumasta—ibig ding sabihin, kailangang tumbasan ng lakas-paggawa—para makaranas ng kulturang popular. Gitnang uring panuntunan ito dahil ito ang kayang abutin ng 80 porsyento ng populasyon, at willing din bumaba ng makapangyarihang isang porsyento. Para makapagsine, makakain sa fastfood, makapanood ng laban ni Manny Pacquiao, makapag-yaya ng cartoon at animal channel, magkaroon ng higit pang kultural na kapital sa cable channel na pang-anime at fashion TV, hindi libre ang mga ito.

Pribadong pinararanas ang akses dahil sa naturalisasyon ng gitnang uring panuntunan. Nagtratrabaho (kasama ang pagnanakaw ng lumpen prolet) ang lahat para kumita. Ang kinita ay ginagasta, at tayong nagtratrabaho ay nagbabayad para sa pinakamalawak na libangan—ang pag-alinsabay sa fantasya ng gitnang uri. Para makapag-malling ng libre, kailangang may gitnang uring suot na gagastusan din. Para makapanood ng free channels, o makapakinig sa radyo, kailangang may pambili ng appliances.

Parang libre kahit hindi. Parang magaan lamang ang pagtratrabaho para matustusan ang libangan kahit hindi. Parang magaan kahit mabigat. Parang buhay kahit pamatay. Parang oo kahit hindi. Parang dahil hindi aktwal. Ang pagpostura ng fantasya ng gitnang uri sa malawakan at maramihang idioma ng kasiyahan ay nagsasaad din ng melankolia. Sa gitnang uri, may sabayang realisasyon ng imahinaryo ng pag-angat at ng aktwalidad ng mabigat na paghihirap at kahirapan.

Nagpapaalam tayo sa pasakit at pighati para matagpuan ang kasiyahan. Hindi naman kasiya-siya ang pagiging KJ (kill joy) o pabigat sa grupo. Ano ang ligayang kumakain ka sa mamahaling restaurant na alam mong ginagasta mo ang huli mong pera sa wallet? Ano ang ligayang dulot ng pakikipagrelasyon kahit pa alam mo rin namang hindi ito magtatagal? O ang pinangasawa ay dahil lamang kumbiyente at hindi dahil true love? Alam pero deadma na. Deadma na para hindi alam.

May ligaya sa kamangmangan ang umaastang gitnang uri. Kahilingang i-off ang switch ng aktwalisasyon ng kahirapan para madanas ang ilang saglit na may kuryente sa kwarto, matanaw ang sarili sa salamin na buo naman at hindi asiwa, matanaw ang bundok ng basura mula sa bintanang maari namang maisara. Ito pa lamang ay pamumulubi na dahil sa pag-aasta—na malamang ay ito na ang realisasyon ng panuntunan—naririnig pa rin ang kalansing ng pagkahulog na barya-barya biyaya ng gitnang uri.

Dahil napakatahimik ng kwarto, lahat ay nag-aabang sa kalansing kaya hindi naririnig ang kumakalam na sikmura, ang bumibigat na paglunok sa lalamunan, ang sinisikil na paghinga o ang mga ugat sa kamaong tumitigas. Sa bawat saglit ng abang buhay–ang kolektibisasyon ng 80 porsyentong mababang uri at 20 porsyentong gitnang uri—napapaindayaw sa kumpas ng tugtog ng isang porsyento. Para walang marinig, walang ibang madanas kundi ang nakakapanghalinang paghehele ng mga sirena ng gitnang uri.

Patay na ang gitnang uri, mabuhay ang gitnang uri! (Bulatlat)

Share This Post