Ang Pelikula bilang Pabaong Amerikano at Inobasyong Filipino

Ang kasaysayan ng pelikulang Filipino, dulot ng simulain at pabaong ng Amerikanong kolonialismo, ay kasaysayan ng politika at politikal na ideolohiya. Ang isa ring ginawa ng postwar na pamamayagpag at pagiging global na dominant ng Hollywood films ay dalawang bagay: una, panghinain ang lokal na industriya ng maraming bansa, kasama ang Pilipinas sa huling bahagi ng 1990s, at pag-takeover ng Hollywood hindi lang sa boxoffice kundi pati na rin ang mimicking ng lokal na pelikula sa narrative conventions ng Hollywood films; ikalawa, ang umiigting na softselling ng Hollywood sa ideolohiyang Amerikano na dati ay pumapabor sa Cold War na naging neoliberal rhetorics sa kasalukuyan, o ang pamamayagpag naman ng ideolohikal na cover ng Amerikanong pragmatikong ideolohiya sa kanyang global war on terror na nag-iwan sa bansang ito bilang natitirang global hegemon sa militar na usapin. Hindi kakatwa na matagal nang naging global hegemon ang pelikulang nito, ang Hollywood, bago pa man maabot ng US ang pagiging pinakamilitaristikong kapangyarihan sa mundo.

Ang huli kong nais tumbukin ay ang isa pang inobasyon ng lokal na industriya ng pelikula sa Hollywood—ang pagsasalin ng kolektibong ethos sa pribadong karakter at bida sa pelikula.

NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat

Malinaw ang simulain at intensyon ng pagdala ng kolonialismong Amerikano ng pelikula. Kahit pa nauna nang pumasok ang pelikula sa Pilipinas sa kasagsagan ng paghahanda para sa digmaan laban sa mga Kastila noong 1895, ang taon din ng pagpasok ng unang planta ng kuryente sa bansa, at ilan pang pag-aangkat ng teknikal na inobasyon sa pagtangkilik matapos nito, taong 1898 na halos magkasabay na bumaba si Adminal George Dewey matapos ng matagumpay na maigsing Battle of Manila Bay, at ang cameraman nito para mag-record ng pang-araw-araw na buhay sa bagong Amerikanong kolonya.

Kikilalanin ang mga pelikula bilang bahagi ng paperprint collection na matatagpuan pa rin sa Library of Cognress, at may mga titulo ito, tulad ng Rout of the Filipinos; Capture of the Trenches in Candaba; Aguinaldo’s Navy; Battle of Mr. Ariat (sic); An Historic Feat; Pack Train, General Bell’s Expedition; 25th Infantry; Bridge Traffic, Manila; The Escalta (sic), Manila; A Filipino Cock Fight; Unloading Lighters, Manila; Water Buffalo, Manila; Troops Ships for the Philippines; at Filipino Scouts, Musical Drill, at St. Louis Exposition.

Ang “Philippine insurgency” ay magka-capture sa imahinasyon ng Amerika na magbabago ang global na demand mula sa dokumentaryong uri ng pelikula tungo sa maiikling naratibo. Ang mga “actuality films” ay shinoot sa likod-bahay ng imbentor na si Thomas Edison sa New Jersey, at ang mga aktor na gumaganap na Filipino, tulad nang depiksyon sa Amerikanong negro, ay pinintahan ng itim sa mukha at katawan. Ni-restage ang digmaan sa studio, at may mga titulo itong tulad ng U.S. Troops and Red Cross in the Trenches Before Caloocan (June 5, 1899), Advance of Kansas Volunteers at Caloocan (June 5, 1899), at The American Soldier in Love and War (July 9, 1903).

Hindi ito ang unang pagkakataon na gagamitin ng US ang pelikula para sa hayagang ideolohikal na proyekto nito. Sa panahon ng Cold War, tatampok ang relasyon ng US sa Pilipinas bilang mahalagang lunsaran ng anti-komunismo. Ayon sa US National Archives and Records Administration, “mayroong nakalistang 48 produksyon ang US Information Agency at USAID para o tungkol sa Pilipinas.” Kasama rito ang tig-isang pelikulang gawa ni Manuel Conde, Give Us This Day, at Lamberto Avellana, Huk sa Bagong Pamumuhay, dalawa sa pinakamahalagang direktor sa kasaysayan ng pelikula sa bansa. May account din na si Conde ay gumawa pa ng isang pelikula, Krus sa Kawayan (1956) na mayroong tatlong bersyon sa wikang Tagalog, Vietnamese at ingles.

Aangakatin din ng Pilipinas ang ilang modelo ng Amerikanong filmmaking: ang studio system bilang business model sa efisyenteng paggawa ng pelikula (na sa bansa ay magkakaroon ng kakatwang gendered na perspektiba sa paghawak ng matriaka sa mga studio, mula kay Dona Sisang ng LVN hanggang kay Mother Lily ng Regal Films, at mga Tsino at lokal na negosyante may ugnay sa mga politiko at ibang industriya sa bansa); ang star system na lumilikha ng di lamang ng ikonikong status ng bida kundi pati na rin ang sentralidad ng bida sa proseso ng produksyon; at mula rito—at malamang, higit sa lahat—ang pag-aartista bilang lehitimong aspirasyon ng panlipunang mobilidad ng kabataan: lalo na sa kasalukuyan, na ang pag-aartista ay rurok ng magiging pag-unlad ng katawang kapital (body/corporeal capital); kaya rito, ang kakatwang formasyon ng kasalukuyang studio bilang kabahagi ng media conglomerates na nagtitiyak ng patuloy na sirkulasyon ng pelikula bilang sentral sa multi-media na produksyon (glossy magazines, recording studio, television companies, events management, cable television, at talent management), at kung gayon, ang pananatili ng kabataang katawan bilang sentral sa pribadong pangangapital.

Hindi naman reaktibo ang pambansang industriya at pamahalaan sa pagpasok ng pabaon ng Amerikanong kolonialismo. May continuity itong reappropriation ng pelikula ng lokal na makinarya ng pelikula. Namayagpag na sa apat na golden age ng cinema, o ang mayayabong na yugto ng masining at mapanuring pelikula sa kasaysayan nito sa bansa: una, sa prewar period na umabot na sa 50 pelikula ang nalilikha kada taon, at tanging apat na pelikula na lamang ang may nananatiling extant mula sa panahong ito; ikalawa, ang 1950s na unang nagpakilala sa lokal na industriya sa global na pamilihan, tulad ng Genghis Khan, Anak Dalita, at Badjao; ikatlo, ang panahon ng Marcos dictatorship, mula 1970s hanggang 1980s na bookended ng mga pelikula ni Lino Brocka na Maynila sa Kuko ng Liwanag (1975) at Orapronobis (1989); at ang kasalukuyang pamamayagpag ng tinatawag na Philippine independent cinema, na gawa sa mas demokratikong teknolohiya ng digicam, mas maliit na budget at lahok ang mga karakter aktor.

Share This Post