Ang hindi pa rin narerealisa ng nagmomotor ay ang kanilang politikal na kapangyarihan para sa kanilang kolektibong kondisyon. Peryodiko silang pinapara ng pulis para hingan ng kung anong identifikasyon at papeles. Peryodiko silang naaksidente. At kapag umuulan, para silang nagsisiksikang kulumpon ng nalulunod na langgam sa ilalim ng pedestrian walk. Kahit pa ang mall ay mayroon ng seksyon para sa kanila sa parking structure ng mall, wala pa ring paggalang sa figura ng basa at nanggigitatang motorista sa loob nito.
Kung magsasama-sama sila, pwede silang magkaroon ng mga politikal na karapatan sa kalsada, mas gawing ligtas ito para sa kanila.
NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat
Ito ang bagong pet peeve ng mga may sasakyan, o ang mga gitnang uri. Naha-harass ang gitnang uring nagmamaneho, maging ang kanilang driver o kasamahan sa sasakyan, sa mabilis na pag-swerve ng mga motor sa kalsada. Parang nagjo-joyride na hindi naman. Yung tipong walang kinatatakutan, humaharurot lang sa pagmamaneho.
Sa isang palabas ng MTV, ang bibliya ng henerasyon ng kabataan, isang babaeng DJ ang nagbibigay ng tips at kuro-kuro ukol sa pagmamaneho sa syudad. Ang matingkad sa kanyang sinasabi ay ang pagmo-moment ukol sa galit sa mga nagmomotor. Tila di lang miminsanang kamuntik na itong mabangga o makabangga ng nagmomotor.
Naalaala ko ang mga kalsada ng Hanaoi, ang motor ang hari ng lansangan. Ito ang demokratikong pribadong sasakyan ng ordinaryong mamamayan. Pinakamabilis at mura na makapunta sa mga lugar. Kaya naman parang rumaragasang agos ang dami at tulin ng nagmomotor sa syudad. Pero may dekorum na sa tumatawid ng kalsada.
Tulad sa atin, kahit saan lang din tumatawid ng maliliit na kalsada ang mga tao. Kaya imbis na ito ang umiwas sa mga motor, ang motor ang umiiwas sa kanya. Mas nakakalito sa nagmomotor ang bigla na lang titigil sa kalsada para magbigay-daan sa nagmomotor o nagmamadaling tumawid ng kalsada para malampasan ang nagmomotor. May siste na ang kalsada at ang relasyon ng nagmomotor at tumatawid.
Sa bansa natin, wala pang konsensual na relasyon sa pagitan ng tumatawid, nagmomotor, at nagmamaneho ng kotse at iba pang sasakyan. Ang konsensus lang ay salot ng kalsada ang nagmomotor. Na para itong may ketong na dapat iwasan, o may tattoo-ng mama sa paglalakad sa gabi, o ang pinagkakautangang Bumbay, dapat iwasan na parang dito nakasalalay ang iyong buhay.
Sa U.S., ang motor ay tinuturing na ordinaryong vehikulo. Hindi ito dapat nagswe-swerve sa linya ng may linya. Dapat ang distansya nito ay parang nagmamaneho ng regular na sasakyan. Sa gitna ng lane ito dumaraan, hindi sa mismong puting linya. At kahit na nakahinto, hindi ito maaring butbutan ng nasa likod niya na tumabi.
Hindi naman talaga napapansin ang mga nagmomotor dati. Kakaunti lang ang bilang nila at hindi parang pulutong ng putakte na iniiwasan ng nagmamaneho. Pero sa nakaraang mga taon, kasabayan na sila sa rush hour na trafiko. Sa umaga, kapag pumapasok ako sa aking pinagtuturuan, bala-balangay silang nasa tagiliran ng Commonwealth. Ganito rin ang eksena sa pag-uwi ko sa gabi.
Sinasaad nito na uring anakpawis ang maraming nagmomotor. Tinitignan ko ang mga kasabayan ko, walang Harley Davidson o spooting na motor na pangporma. Ordinaryo lamang ito. Marami pa nga rito ay kakarag-karag na lamang. Ibig sabihin, tunay na katipiran mode ang rason ng pagdesisyon magmotor, kahit buhay ay nailalagay sa panganib.
Sa klase pa ng infrastruktura ng mga lokasyon ng trabaho, na nagsisiksikan sa industrial belt ang marami, at tahanan, na tumitira sa pinakamura at kumbiyenteng lugar, laking tulong ng motor sa pagdaos ng spero ng buhay. Rumaragsa dahil ito lang ang mas tiyak na makakarating sa napakalayong lugar sa napakaigsing panahon.
Hindi kaya ng combo meal ng tricycle-jeep-MRT ang biyaheng dulot ng pagmomotor, kaya marami ang araw-araw na nakikipagsapalaran ng buhay rito. Kaya madalas, maraming aksidente ang nagmomotor. Hindi pa dahil hindi sila sanay sa kanilang pag-eskiyerda sa kalye kundi dahil hindi sanay ang mga pribadong sasakyan sa kanilang presensya.
Sa kalsada kasi, hindi naman sila tinuturing na regular na sasakyan na may regular na gamit ng lanes at espasyo. Hindi rin naman kasi padaloy ang kalsada na kakayanin ang spacing at pagdidistansya ng mga sasakyan. Sa rush hour, ang tatlong lane ay nagiging lima. At sa panganganak ng lane, dito makikipagsiksikan ang mga nakamotor.
May tatlo nang pagkakataon na nakakita ako ng bangkay na nagmomotor na nakahalumpasay sa kalsada. Isa ay walang helmet sa may airport. Kahit madaling umaga ay trafiko na. Isa ay sa tagiliran ng SM Marikina. At isa ay sa Kamuning, malapit sa kanto ng Kamias. Wala man lamang diyaryo ang nakabuyanyang na mga bangkay. Patay na ang mga katawan dahil iniwan na sa kalsada.