Kulturang Popular sa Pagtatapos ng Taon

Pasintabi lang—hindi naman lahat ng call center agents ay lulon sa ganitong kondisyon. Kaya nga turing ko rito ay ang “dekadenteng subkultura.”

4. Disposable na katawan at ang perfektong imahen nito

Tignan ang nangyari sa katawan ni Dingdong Dantes. Naging maskulado ito, kaya napahubad bilang exemplar ng Bench underwear na imahen:overtly virile, exhibisyonista pa nga kahit wholesome pa rin. Kung tutunghayan ang mga ulat sa nakaraang fashion event ng Bench, naetsapwera na nga niya ang dating kaedad na endorser nito, sina Richard Gutierrez ng Kapuso at Jake Cuenca ng Kapamilya Channels (bilang indikasyon ng komersyal na “political correctness”).

Ang counterpart ni Dantes ay hindi naman nakakapagtakang si Marian Rivera, ang telebiswal at pelikulang ka-loveteam nito. Sexy, feminine, magaling gumiling pero sensitibo at mataray si Rivera. Di nga ba’t siya pa ang umanong naging dahilan sa paghihiwalay ng “tunay” na mag-sweetheart na Dantes at Karylle? Ang solusyon ni Karylle umano ay mag-pose rin na sexy para sa Bench. Disposable ang katawan, at ang ideal nito ay ang makabagong gitnang uring feminidad at maskulinidad.

At sa susunod na mga taon, tulad ng naging gulanit na underwear at mananakaw na cellphone, may papalit at papalit na mga mas kabataang representatibo nito. Hindi nga ba’t sina Richard Gomez, Wendell Ramos at Jomarie Yllana, sa isang pang ad ng Bench, ay nagmistulan na lamang stage fathers para sa pictorial na tinampok ang kanilang mga anak para sa Bench Kids line ng kompanya?

5. Mainstream na indie cinema

Sa mainstreaming ng indie film sa dalawang pangunahing negosyong sponsor nito, Tony Boy Cojuangco at Star Cinema ng mga Lopez, namamayagpag na ang “mainstream look” sa indie films. Tanging ang labi na lamang ay ang paksa, mga subaltern identities pa rin—binubugbog na musmos na naging rekurso ay pag-aaral ng violin at call center agents, halimbawa. Wala na ang stilong nakaugnay sa limitadong budget, ang neorealismo ng day-in-the-life na paglalahad ng naratibo ng subaltern na identidad.

At ang tingin nga kasi sa indie cinema ay bilang kultural na kapital ng mga kalahok dito. Credentials para sa finafantasyang tunay na mainstreaming ng indie cinema—pananalo sa international film festival abroad (the search is still on para sa unang pelikulang Filipino na mananalo ng major prize sa isa sa top four first-tier festival), o pagpasok sa mainstream creative industries.

Kaya, paratihan ang diin sa diskusyon ng ganitong indie film ay ang pagpapalawak ng audience na makakapagbayad. Kaya ang sinisisi sa di-pagpasok ng indie film sa mayor na mga sinehan ay ang audience na hindi nanonood nito.

6. Bading films bilang bagong bomba

Ito na ang bagong bomba film. Pinakamarami na yata ang bilang nito sa indie cinema, maging yaong prinodyus ng subsidiary ng major studios. Bomba dahil namumutiktik pa rin ang tampok sa subgenre ng melodramang ito: sex scenes. Dahil sa pagbabawal ng SM cinemas na may hawak ng mayorya ng sinehan sa bansa ng R-rated films, walang nakakapasok na “adult-theme” na pelikula rito. Namamayagpag, kahit pa sa limitadong paraan, ang gay film sa pagtuklas ng niche market ng pelikula.

At ito ang tagumpay ng kapitalismo sa indie cinema, ang pagtuklas ng niche market sa pelikula. Gay films para sa pink peso ng gitna at mataas na uri ng bading. At dahil nga proaktibo ang mga institusyong kalahok sa indie cinema na gawing mainstream (komersyal) ang indie films, makakahanap pa ng ibang niche market ito: art festival market, soft-porn, instructional videos, at iba pa.

7. Japanese surplus bilang bagong ukay

May bagong ukay-ukay na hindi na lamang mga damit ang ibinebenta sa mga outlets ng mga run-down na establisyimento. Ito ang Japanese surplus na bode-bodegang bagsakan ng mga bagay na galing sa Japan: furnitures, platera, kama, tatami mats, pinggan, ceramics, shades, bisikleta, at kung ano-ano pang gamit. Tulad sa ukay-ukay, manunuyod ka ng bargains. Uuwi kang nanggigitata sa alikabok at pawis.

Share This Post