NI RAUL FUNILAS
Inilathala ng Bulatlat
Kung maramdaman mo ang kirot ng hampas
Ng alon sa dalampasigan, huwag kang mag-alaala;
Kung minsan kasi’y hindi nito kayang madama
Ang yakap at pagmamahal ng lawak ng dagat.
Lumusong ka nang matagal at subuking ipagtimbol
Habang ipinapasok sa iyong bibig ang tubig
Na humahalik sa labing minsan lang madilig
Ng pagmamahal. Ikaw ang minamahal ng alon.
Damahin mo ang gulong ng kaniyang pagmamahal
Na humihilod sa kaibuturan ng malinis na kaligayahan.
Huwag kang aahon sa mataas na bahagi at tangkaing
Tumalon, pagkat nasasaktan din ang damdamin nito
Dahil sa pagyakap ng hangin sa iyong lumong pagkatao—
Nadarama nitong inaagaw ka ng namumulang takipsilim.
Inilathala ngBulatlat.com