Krisis-tala

Sa krisis-tala na ito, walang superhero na Kristala o Krisis-tala na makakatubos sa kolektibong kinasasadlakan. Ito ang panahon ng politikal na pagkilos, pagpapatibay at pagpapalawak ng hanay. Tanging sa politikal na pagbabalikwas mabubura ang in-on na krisis at talang nandito na.

NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat

Matingkad na ang epekto ng global recession na ang US ang sentro ng pagbagsak ng pandaigdigang ekonomiya. Gaya ng naunang pasabi ng mga ekonomista, dumating na nga ang epekto nito sa bansa sa unang bahagi ng taon. At di pa nga nagtatapos ang Enero 2009, libo-libo na ang nawawalan ng trabaho araw-araw. Na kahit tila baliw na pantas si Gloria Arroyo na nagsasabing di lamang kakayanin ng bansa ang krisis, bagkus malalampasan pa ito dahil nga sa “wastong” ekonomikong desisyong ginawa ng kanyang administrasyon sa nakaraan, nagmistulang ampaw ang mga pasinayang nagkukubli sa aktwal na nagaganap.

Ayon sa ulat ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER), bumagsak ang employment sa industry sector nang 1.5 percent, na nangahulugan ng pagkatanggal ng 135,000 manggagawa sa trabaho. May 600 empelyado at kontratista ang na lay-off sa Toledo Mining sa Palawan. Tatlong libong kontrakwal na kababihan ang tinanggal ng Amkor Technology noong Setyembre 2008 pa. Ang Integrated Microelectronics ay nagbawas na rin ng 3,000 kontrakwal na manggagawa. Limang libong manggagawa ang tinatayang mawawalan ng trabaho sa semiconductor industry.

Ang isang crown jewel ng administrasyon, ang Intel Corporation ay nagbawas na ng 1,800 na manggagawa. Aabot pa nga ng 300,000 trabaho ang mawawala sa Hunyo 2009, kahit pa 60,000 OCWs ang mawawalan din ng trabaho sa unang kwarto ng 2009. Alam nating nasa poder na tayo ng malawakang krisis di lamang dahil sa aktwal na kaganapang ng pagbabawas ng trabaho, pagtaas ng presyo ng bilihin, kundi dahil nagkakandakumahog na ang adminstrasyong Arroyo na pagtakpan ang mismong krisis.

Tulad ng krisis sa bigas, band-aid ang solusyon na kanyang ihaharap sa mas malaking ekonomikong krisis. Kung sa bigas ay in-appease ni Arroyo ang mahihirap sa pagpapapila sa nakararami sa mas mura at mababang kalidad na uri ng NFA rice, at sa krisis pang-ekonomiya noon ay binigyan niya ng P500 dole-out ang mahihirap na may maliit na binabayaran sa Meralco, ang bulwak ng kasalukuyang krisis ay hindi kayang tugunan ng walang-aray na band-aid.

Hindi galos ang krisis na ito. May paghahalintulad na nga na ito ay may saklaw na kasing-lawak ng Great Depression na inabot ng tatlong dekada at isang pandaigdigang digmaan para maudlot nang tuluyan ang pagbagsak ng ekonomiya ng US (na naman!) at ng mundo. Pero ang tanging kakayanin ng bangkarote at namumutiktik sa korapsyon ni Arroyo ay pagtakpan ang krisis.

Gagawin na namang exceptional at state of siege ito. Natatangi dahil palalabasin na di ordinaryo ang krisis, at babalik-tanawin na naman niya ang kanyang report card na pang-valedictorian ang marka, gayong siya naman mismo ang nagbigay nitong mga marka. Under siege para mobilisahin na naman niya ang pulis at militar para sa higit pang paglalapastangan at karahasan nang sa gayon ay maibsan ang protesta—kasama ang pagkadismaya at pagkabugnot—sa kanyang pamumuno.

Ang krisis na ito ng pandaigdigang kapitalismo, kahit pa natatangi, ay hindi naman bagong bigwas. Sistematiko nang dinadaot ng kapitalismo ang paggawa at kabuhayan sa bansa. Sa 36 milyong manggagawa, 7.4 percent o 2.716 milyon ay walang trabaho.At napakataas din ng underemployment, nasa 10.7 milyon. Dagdag pa rito, ang minimum wage ay P382 lamang samantala ang family living wage sa Metro Manila ay nasa P904 na. Pinararami lamang ng global na kapitalismo at estado ng bansa ang bilang nang malaki nang mayoryang naghihirap.

Ang gusto kong puntuhin ay hindi exceptional at under siege ang kasalukuyang krisis. Na ang krisis na nararanasan sa global na kapitalismo at bangkaroteng estado ay nananatili noon, ngayon at sa hinaharap. Na ang krisis—ang pagbulusok sa mas malalim pang antas ng global na ekonomiya—ay ang kapamaraanan ng kapitalismo para muli nitong reimbentuhin ang sarili. Dahil sa guni-guni ng kapitalismo, kung nasa ibaba ka ng burak, wala nang ibang patutunguhan pa kundi paitaas.

Na hindi rin naman sagad-sagarang lohika dahil ang hindi isinasaad ay ang tagal nang panahon para muling umigpaw ang kapitalismo sa kasalukuyang krisis at matapos, para muling bumulusok lamang ito. Tandaan na ang huling global na krisis na yumanig sa bansa ay noong 1997, at matapos ng isang dekada na hindi pa ring nakakatindig nang matayog, muli na namang binagyo ng mas malakas pang krisis. At kahit pa nagka-amnesia ang marami sa atin, ito ang panahong linggo-linggo ay nanghihina ang piso sa dolyar, tumataas ang presyo ng bilihin gayong di lamang napako ang sweldo, marami pa ang natanggal sa trabaho.

Sa Thailand, ang naging gamit ng mga di tapos na gusaling ipinapatayo ay para talunan ng nagapatiwakal na nabangkaroteng may-ari nito. O ang mga biglang naghirap na negosyante, sinusubasta ang bagong biling Mercedes Benz sa lansangan, o natagpuan ang sarili na nagtitinda ng sandwich at pagkain sa baba ng gusaling dating pinagtratrabahuan at pinagmamay-arian bago narimita ng bangko.

Share This Post