Toast to Summer

Ang summer lang ang tino-toast dahil ang tag-ulan ay magkatambal na biyaya at sigalot ang kaakibat na dulot. Tino-toast ang singularidad ng panahon—mainit lang forever—at ang singularidad ng homogenisadong karanasan ng gitnang uri. Toast to summer, tostadong tag-init gayong ito rin ay dead summer, patay na tag-init.

NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat

Ito ang tagline ng summer campaign ng Penshoppe, isang lokal na fashion brand. Sa dalawang billboards na natunghayan ko, parehong young adult heterosexual couple, lampas medium shot, ang laman. Tostado, halos sunog, ang kulay ng balat; bleached ang mga buhok na ukol pa sa sobrang pag-beach o surfer mode ng pares.

Halos pareho ang tabas ng buhok. Ang lalake ay nakahubad, at pareho ang buong pearly white na ngiti ng pares. Sa isang ad ay hawak at itinututok ng lalake ang maliit na electric fan sa kanilang katawan. Sa isa naman, ang babae ay may garden hose na hawak. Nakausli ang brief ng lalake, na may Penshoppe lining siempre.

Ang toast ay tumutukoy sa pagpupugay sa pagdating ng tag-init, at ang kulay na tostadong balat. Parehong kuwestyonable ang konsepto ng “toast.” Sa una, bakit kailangang pagpugayan ang summer? Kung sa kanayunan ito, ang dahilan ay ang panahon ng dagdag na pagpupursigi sa panahon ng tag-ani. Kaya nga ang mga fiesta ay napapanahon sa pagtatapos ng gawain sa tag-ani, bilang selebrasyon sa tagumpay ng pananim, at ang sobrang kita mula rito.

Paano kung ang ipinagdiriwang ay ang pag-aangkop ng bagong linya ng pananamit sa pagpasok—at regular naman itong pagpasok—ng tag-init? Ang ipinagdiriwang ay isang kahalintulad ng fiesta—ang selebrasyon ng sobrang kita at kapital—na ipinagdiriwang sa simula, hindi sa pagtatapos, ng panahon. Ang inaangkop ay ang bagong mga damit sa regularisasyon ng pagpasok ng panahon. Sinasaad baga, kailangan ng angkop na pananamit para sa angkop na entrada ng panahon.

Ang konsepto ng kapital ay nakasalalay sa imahinaryo ng leisure sa panahon ng tag-init. Hindi pagtratrabaho—ang pag-ani, halimbawa—ang konsiderasyon. Di lamang pagpapahinga kundi ang paghahanap ng ligaya at kasiyahan sa tag-init. Ito ang bagong pagpupursiging isinasaad ng Penshoppe campaign—pagpupursigi di na sa pagtratrabaho kundi sa paghahanap ng kasiyahan sa pahinga.

At kung gayon, dapat palang nakapagtrabaho na, may naipon, para makatangkilik ng karanasan ng Penshoppe. Dahil hindi naman target ang anakpawis na inimikal ang trabaho sa pagkatao nila, ang ads ay ukol pa sa karanasang inaako sa gitnang uri may kapasidad ng pag-ipon, paggasta, at pagkonsumo ng produkto at tag-init na konseptwalisasyon ng Penshoppe. Kundi man, ito ang dapat asamin ng mga nasa abang lagay—ang makausad sa mas mataas ng pagpapahalaga sa karanasan ng leisure ng gitnang uri.

Sa ikalawa, ang balat at ang pabalat na anyo ang receptacle ng karanasan sa tag-init. Hindi minimithi ay hindi kaitimang dulot ng pagtratrabaho sa araw kundi ang kasiyahang maging tan at sunog dahil sa pagrerelax sa ilalim nito. Ito ang magdudulot ng bronze look, sunog pa nga, na magbibigay ng masidhing contrast sa bleached na buhok. Ang pangkalahatang epekto ay parang mga nilalang na galing sa outer space, kundi man ito ang inaasam na epekto ng pagiging gitnang uring makakadanas ng leisure sa tag-init.

Share This Post