Toast to Summer

Alien ang karanasan ng balat, at kung gayon ang katawang mayroon nito sa tag-init na kinakailangan ng pagpupursigi para makaranas ng leisure. At kung makaranas nga ng leisure, ito ay sa pabalat lang na anyo. Hindi pangmatagalan dahil sa prekaryosong estado ng pagiging gitnang uri sa bansa—hindi pangmatagalang kategorya ito dahil madaling bumagsak at maging kaisa ng abang uri kaysa umangat at makahalubilo ng elitistang uri.

Ang tostadong balat dulot ng leisure at di paggawa ay di lamang pabalat, kung gayon, kundi ito ay bumabalot—pabalot–sa karanasan. Manipis nga ang balot na ito dahil temporal lamang ang tostadong balat sa gitnang uring ayaw naman ng pangkalatang kaitiman sa labas ng pribilisasyon ng puting balat. Ang angkop na panahon ng tostadong balot ay sa panahon lamang ng tag-init.

Matapos nito, babalik na naman sa puting balat, pati ang buong komersyo ng pampaputi ng balat. Sa katunayan, nililikha ang hidwaan ng may tostadong balat—ang kung sino ang mayroong kapasidad pa nito—at nang hindi na maaring magpatosta dahil mayroong permanenteng epekto ito (sa sobrang pagpapaputi at gamit na kemikal na produktong pampaputi, mayroon masama nang epekto kapag nainitan ng araw). Ang araw ay nagiging kaaway ng mga taong nahumaling sa pampaputi.

Ang araw naman ay kasangkapan sa gitnang uring buhay ng Penshoppe ads. O kung hindi ito, yung mas artifisyal na kalakarang para maging bronze ang katawan, kasama ang spraying, tanning salons, o pills para makamit ang itim na balat nang hindi nagpapaaraw. Kung gayon, ang tostadong balat ay superfisyal na balat—tunay na pabalat—dahil may pag-ayaw sa tunay, ang araw, para preferahin ang artifisyal.

Ang resulta ang mas mahalaga. Tostado by any means necessary. Na kung kay Malcolm X, ang kataga ay paukol sa paraan ng pagkakaroon ng African American na kapangyarihan, sa kasalukuyan ay isinasaad na imperatibo sa mga taong walang natural na akses sa gitnang uring panuntunan. Kaya ang cellphones, halimbawa, ay ninanakaw ng jologs bilang tasitong pag-aproba ng negosyo at estado na ang lahat ay mayroon dapat ng ganitong gitnang uring panuntunan.

Leisure, toast to summer, Penshoppe, gitnang uri by any means necessary. Na siempre ay tinanggal na nito ang opsyon ng rebolusyon. Pati ang kalakaran ng shoplifting ay maari, o ang pagbili nito sa ukay-ukay. Kahit papaano ay magsi-circulate pa rin ang logo at fabric ng fashion brand. Pero ang aktwal na rebolusyon ay tinatanggal sa konfigurasyon dahil sa direktang pagsira nito ng ugnayan sa paggawa, pati ang pagpapalaganap ng labis na kapital.

Ito ang imperatibo ng Penshoppe campaign—na isa ring politikal na kampanya itong sa negosyo dahil sinusustina nito ang paglikha ng labis na kapital at kita. At hanggang dito ang afinidad ng Penshoppe sa karibal nitong Bench. Ang Bench ay namumutiktik ng mga brand na katawan para ibenta ang sarili nitong brand. Parating may repertoire ng sikat na artistang periodikong inu-upgrade ang Bench campaigns. At mas hayok ang gamit nito sa katawan at pangangatawan, sex at sexualidad ng Bench sa Penshoppe, kahit pa hindi naman inosente naman ang huli sa lantarang gamitan ng mga ito sa sariling ads.

Lusob, mga kapatid, na hindi pa patungkol nga sa pagtungo sa anumang sentro ng kapangyarihan kundi sa pagtungo sa malls at outlets. Na ang paglusob sa kampanya ay agresibong pagpapaikot at pagpapayaman sa kapital at kita, ang kampanya ay variation sa tema ng konsumpsyon, at reiteratibo sa pangangailangang kumonsumo. Na patunay rin sa kaisahang hanay na mapakonsumo tayo ng variation ng produkto—summer outfit—kahit ano pa man ang brand na ito.

Share This Post