Niluray na Buhay…Kasaysayang Tumbas

NI ROMMEL PIPOY LINATOC*
Inilathala ng Bulatlat

Sa payak na liwanag, isinilang ang lahat
Walang nilalang na namili kung saan siya isisiwalat
Ang  halaga ng hininga na sa iyo’y nagmulat
Binasbasan ng pag-asa, pinatayog ng pangarap
Upang malanghap, ang kaaya-ayang paglingap

Sa ating paglaki, marami tayong kinalunuran
Iba-ibang kautusan, nangibabaw ang dikta ng iilan
Dumadanak ang dugo ng taumbayan
Hagupit ng kasakiman ang pumuno sa kamalayan
Ang sariling kapakanan, pilit ipinaglaban

Kung may katotohanan ang salitang katarungan
Bakit naduduwag ang galamay ng pamahalaan?
Ang tingin nila, pagpaslang ang kasagutan,
Upang makamit, kaunlaran ng iilan.
Walang-sawang sinalaula ang aping taumbayan.

Walang sanggol, walang babae, walang ina
Basta makaipon lamang ng mabibiktima
Ang mga berdugong halang ang bituka
Mga buwitreng nanluray sa isang agaw-hininga
Upang sumunod sa among walang kaluluwa

Kung ang mga pasista naniniwala sa kasabihan
Na “kung ano ang puno ay siya rin ang bunga”
Kapag hindi mahuli ang puno, pipitasin ang bunga
Ito ba ang katuruan ng demokrasyang ipinangangalandakan?
Kukunsintihin ba ito ng pamahalaan?

Anong katwiran ang inyong ibibigay?
Kanino ibabaling ang ganitong kalapastanganan?
Ilang anak, apo, ina, ama, kabiyak, kapatid, kamag-anakan?
Hindi na ba ninyo mapag-iba ang niyugan sa sagingan?
Mayroon pa ba kayong natitirang katinuan?

Kailan kayo magigising at matuto sa kasaysayan?
Ilang buhay man ang inyong lurayin, kung ang ugat ng paghihirap
Ay pilit na pinagtatagpan ang kasakiman ng iilan
Higit na maraming buhay ang uusbong at magigising
Kasaysayang tumbas, sambayanan ang gagapas.

(Inilathala ng Bulatlat)

*Si Rommel Pipoy Linatoc ay kasapi ng Migrante-UK at kasalukuyang nagtuturo at mananaliksik sa University of Winchester.

Share This Post