Syudad ng Malls

Sa syudad ng malls, ang masaker ay hindi sa labas kundi sa loob ng malls.  Mga patay na buhay na walang kasawaang naglalakad, namimili, nagpapaligaw sa gitnang uring fantasya.  Dito sa malls, iniiwan sa pinto ang labi ng anumang materialidad ng abang uring pinagmulan.  Sa pagbati ng gwardya at inspeksyon ng gamit ng maller, iniiwan niya sa labas ang kanyang material na buhay, at sasaniban siya ng gitnang uring kaluluwa.  Ang multo ng kahirapan at mahirap na pagkatao na dumadanas ng gitnang uring pisikalidad.

NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat

Pinangarap ng patriarch ng SM, si Henry Sy, na magkaroon ng branch ng kanyang mall kada-30 hanggang 45 na minutong pagmamaneho sa Metro Manila.  Tinutupad niya ang kanyang pangarap.  Wala na akong maisip na lugar sa lunsod na walang SM Mall.  Hindi na nga lang ito kada-minutong pinangarap niya, mayroon pa ngang kada-15 hanggang 20 minuto ang distansya lamang.

Ibig sabihin, dinodoble pa nga ni Sy ang mall population sa Metro Manila, kundi man sa buong bansa.  Natatangi ang kanyang stratehiya dahil sa kasalukuyan, mayroong mas malaki at mas malawak na mall complex siyang itinatayo.  Dalawa sa kanyang malls—SM North at Mall of Asia—ay ilan sa pinakamalaki sa Asia.  Dinadayo pa rin mula sa Norte ang SM North kahit mayroon namang SM Marilao, SM Malolos, SM San Fernando at SM Angeles sa di-kalayuan.  Mas gusto ng mallers na mapaloob sa mas kumplikadong struktura ng mas malalaking malls.

Ano naman kasi ang ligaya ng malling na naikot na ang buong mall sa loob lamang ng kalahating oras?  Ang fantasya ng mall ay fantasyang di naikakahon sa limitadong espasyo nito.  Ang pisikalidad ng mall, ang lampas-lampasan nitong pagiging higante, ang nakakapagsiwalat ng kawalang-hanggang posibilidad ng mismong fantasya hinggil dito.  Mas maliit ang mall—at ito rin ang nauuso ang mall strip maging sa The Fort, o restaurant strip sa dalawang expressway—mas purposive lamang ang adventura.

Papasok ka sa mini-mall na ito nang alam ang gagawin at bibilhin.  Hindi ka maliligaw dahil kung ano ang natitingala at natatanaw mo ay ang kabuuan na ng struktura, at kung gayon, kabuuan na rin ng posibilidad ng pangangarap.  Kaya rin, hindi kumplikado ang presentasyon ng bibilhin kahit pa nga limitado ang mabibili.  Para ito mabilis na mabili dahil nga “essentials” lang ang mga laman kahit pa may katumbasan naman ang mga ito sa ibang mas murang establisyimento.

Paano ka hindi bibili sa NLEX o SLEX, ang mga restaurant strip lang naman na nakasentro sa serbisyo ng gasolinahan, ang mabibilhan mo?  Wala na ang enterpreneurial na negosyanteng nagbebenta ng pakwan, nilagang mani at mais dahil nga humaharurot na ang sasakyan sa pribatisadong highway, tulad ng NLEX.  Kung magpakaganito, may un-choice ring nagaganap sa choices na inilalatag ng negosyo.

May choice ba talaga o wala?  Deal or no deal?  Is that your final answer?  Na tulad sa gameshow ay umaariba lang naman hanggang nagtatagumpay pa.  At ang sugal ay masaya hanggang sa punto na nananalo pa rin, kundi man umaasa sa pagkapanalo kahit nga natatalo naman.  Ibig sabihin, may pangtaya pa.  May kakayahan pa ring magsugal.  Kung wala na, talo na.  At kung walang-wala na, talunan na.

At ito ang wager ng maliliit at malalaking mall ni Sy.  Handa ka na ba?  Kung kulang pa sa kahandaang buong-buong makapamili, handa ka man lang bang magkomunyon sa mga pangarap na sinisiwalat ng mall?  Ilawit ang dila, tumanggap ng hostya, lamlamin ang ambos na ito, at manalangin para sa higit pa?  At muli’t muli, tulad ng pagsisimba, ang bawat pagmo-malling ay referendum di lamang sa fantasya ni Sy at ng mall kundi maging sa puwang ng sarili sa mismong espasyo ng fantasyang ito.

Maraming turista at manlalakbay ang namamangha kapag dumadalaw sila sa Manila—sa isang bansang naghihirap, bakit napakaraming mall?  Ang sagot ko ay kaya nga.  Ang mall ang metapisikal na substansasyon ng redempsyon sa kahirapan.  Dahil walang matingkad na kahirapan kung walang pluralidad ng mall.  Paano mapapansin ng isang tao na naghihirap siya kung pare-pareho lang naman silang ganito?

Alam nating naghihirap tayo dahil maraming institusyon at aparato—hindi pa ng pamahalaan, kundi ng negosyong komplisit sa pagmimintina ng interes ng estado—na nagpapaalaala ng ating perenyal na kakulangan.  Ang mga institusyon ay may katangian pa ng kalabisan—biswal na labis, labisang konsumerismo, labisang espasyo, labisang karangyaan, at iba pa—na lalo ngang tumatawag-atensyon sa kakulangan ng individual.

Ang nangyayaring rekurso ng individual ay ang natatagpuan niyang pang-individual na bukana at posibilidad na inaalok ng mall.  Iba ang pakahulugan sa akin ng mall, at iba rin bawat maller, kahit pa daan-daang libo ang pumapaloob dito bawat araw.  Katumbas ng populasyon ng isang gitnang laking syudad!  Na hindi naman hiwalay sa afekto ng panonood ng sine.  Daan-daan tayong nanonood, sabay-sabay halos natatawa at umiiyak gayong ang pagkahimok natin ay sa iba’t ibang magkahalintulad na sikoanalitikal na paraan.

Pare-pareho ang kalakaran ng individuasyon ng pangarap at ng psychosomatic na pagtugon dito.  Pare-pareho man, individual pa rin ang epektibong pagdanas at pagkahumaling sa gitnang uring karanasang sinisiwalat.  Individual pa rin ang pagdanas ng instant gratifikasyong pangako ng pagtunghay sa mall, lalo na ng konsumpsyon ng mga produkto at serbisyong nakapaloob dito.  At kahit pa tumatangkilik, inaadya pa rin ang pakiwaring kulang—hindi masasaid ng individual na ekonomiyang kapangyarihan ang higit na mas malaking establisyimento ng negosyo sa loob ng mall.

Kaya ang bawat mall ay isang light house.  Giya ito sa mapa ng pangkalahatang kapitalismo at individualisadong konsumerismo.  At kung iisipin ang kada-20 minutong distansya ng malls ni Sy pa lamang, nabubuo ang makapangyarihang matrix ng malalaking negosyong paratihang naghuhudyat na nasa lupa na ang manlalakbay sa dagat.  Na ang labas ng mall ang mapanganib na espasyo ng walang katiyakang alon at lalim.

Na mas ligtas ang espasyo ng mall dahil nga ito ang lupang pangako ng gitnang-uring fantasya—ang materialidad ng gitnang uring posibilidad.  Posibilidad dahil kahit ito ay mahalagang salik para sa temptasyon at adiksyon sa mall at gitnang uring panuntunan ng buhay.  At mula sa poder ng network ng light houses, matutunghayan ang kabuuan ng syudad.  Mula sa rurok ng mall—na dating kinulob para hindi magkaroon ng distinksyon ng loob at labas, at ngayon naman ay katunghay-tunghay ang kaibahan, tulad ng Trinoma—ang “west” na kailangan pang sakupin.

Gawin itong kasing-enlightened ng poder, kasing-sibilisado, kasing-dangal, kasing-gitnang-uri, kasing-First World, kasing-bagay ng struktura ng mall.  Kahit pa ang west (ang barbariko, di sibilisado, di Kristiano) ay nasa east, south at north din naman.  Na kaya nga interesante ang erya ng Quezon City na mayroong ganitong mga pangunahing kalsada ay dahil isa-isa nang nilalamon ng civilizing misyon ng mall ang bawat kalsada.

Mallifikasyong tunay!  Ang mall ay isang blob na strukturang kayang lamunin ang lahat ng nasa labas nito.  Hindi kataka-takang ang SM North na mula sa talahiban ay laktaw-laktaw na naging pinakamalaking mall sa bansa!  Nilamon ng struktura nito ang bawat nakatengga at ginagamit na lupa.  At walang takot na sumulpot ang karibal nitong Trinoma mula sa di kalayuang tapat.

Sa hirap ng buhay, lalo pa sa edad ng global na ekonomiyang krisis, madaling makalimutan ang pagsimba sa mall.  Bawat mall, kung gayon, ay receptacle at simtomatiko ng sinasambit na gitnang uring fantasya.  Receptacle, dahil kahit na gaano ito kaliit o kalaki, mas malaki pa rin ito sa friendly neighborhood sari-sari store.  Mas marami pa rin ang serbisyo at produktong global na matutunghayan dito.

Simtomatiko dahil ang fantasya ay kailanman hindi buong-buo.  Periodiko at manaka-naka lang ang pagdanas nito sa tunay na buhay.  Sa loob ng mall, periodiko pa rin—sa panahon lamang ng pagpapaloob sa struktura—pero buhos ang pagdanas ng kalabisan, kahit pa nga manaka-naka pa rin dahil hindi mo naman kayang bilhin ang laman ng mall!

Kaya ang mall ay mnemonic device—tagapagpaalaala ng gitnang uring fantasya, na nandito lamang ito, abot-tanaw, abot-kamay para sa lahat.  Bawat mall ay reiteratibo sa gitnang uring fantasya.  Mas malaki nga lang ang mall, mas masaklaw ang menu ng fantasya.  Mas maykaya ang maller, mas  naka-chin-up ito, mas may confidence kahit hindi naka-brand ng underwear at pasadon.

Ang hangganan ng syudad ng mall ay ang dagat na natutunghayan ng Mall of Asia (MOA).  Ang MOA ay nakatanaw sa isang banda bilang alahas sa kwintas ng pangunahing kalsada ng syudad at bansa, ang EDSA.  At mula sa pinakadulong mall na ito, ang reimbensyon ng iba’t iba pang mall na tumutuldok sa kalsada.  Lalo pa nga’t ang kabilang dulo ay ang naluluging low-end na Gotesco malls sa Monumento.

Ang tanaw ni Sy ay ang ibayong lupain.  At sinisimulan na nga niya ito sa mangilan-ngilang malls sa China.  Sa ngayon, ito munang tampok na light house, at sino ang makakaalam ng ambisyon ng matanda sa susunod pang panahon?

Sa syudad ng malls, ang masaker ay hindi sa labas kundi sa loob ng malls.  Mga patay na buhay na walang kasawaang naglalakad, namimili, nagpapaligaw sa gitnang uring fantasya.  Dito sa malls, iniiwan sa pinto ang labi ng anumang materialidad ng abang uring pinagmulan.  Sa pagbati ng gwardya at inspeksyon ng gamit ng maller, iniiwan niya sa labas ang kanyang material na buhay, at sasaniban siya ng gitnang uring kaluluwa.  Ang multo ng kahirapan at mahirap na pagkatao na dumadanas ng gitnang uring pisikalidad.

Nilamon na siya ng blob! (Bulatlat.com)

Share This Post