There They Go! Politikang Tarpaulin

Kasabayan nito, kanya-kanya ring pagpapapogi ang mga anak ng kasalukuyang meyor ng Quezon City. Ang babae ay kasama si Sonny Belmonte na bumabati sa kapaskuhan. Ang lalake naman ay nakaamerikana—hello, Jose Rizal ba tayo na naka-winter jacket sa Luneta?—at may sariling tagline rin. Para saan ang pamomosisyong ito?

May dalawang implikasyon ang kasalukuyang gamit sa politikang tarpaulin. Una, tunay na itinatakda ang dalawang panahon sa bansa. Hindi ito tag-ulan at tag-init. Ito ay eleksyon at paghahanda sa eleksyon. Ang klima ng politika sa bansa ay nakatuon, tulad ng pagtuon ng mga musmos sa kapaskuhan, sa anxiedad ng inaasam, na matutunghayan lamang sa panahon mismo ng eleksyon. Pero kabaligtaran ang introspeksyon. Sa musmos sa pasko, naging mabuti o masama ka ba sa buong taon, at ang umaga ng kapaskuhan ang moment of recknoning.

Sa politiko, ang introspeksyon ay palabas, nakapagtamasa ka ba ng sapat na yaman para maging makabuluhan ang tsansang manalo sa eleksyon? Sa nagsisimulang politiko, may sapat na yaman ka ba para makapanghimok ng botante sa iyong pabor? Sa mga kasalukuyang politiko, nakapagpayaman ka ba—finansyal at mga marka nito, tulad ng patayo ng barangay hall at basketball court, pagkumpuni ng kalsada, at bagong klasrum sa iyong constituency, na inaanunsyo ang preparasyon at accomplishment ng tarpaulin—para muling makapanalo o makapagmaniobra ng piling manok, kung sakaling hindi na muling makatakbo?

Ikalawa, dahil ang politikang tarpaulin ay panghihimok sa klima ng eleksyon, ito ay paglikha ng politikal na animal sa hanay ng mamamayan. Ibig sabihin, lumilikha ng kultura ng dependensiya ang mamamayan sa politikong tumatakbo para sa mga pang-araw-araw na aspekto ng kanilang buhay. Para makabati ka ng “Happy Graduation” ay may natulungan ka man lamang na mga mahihirap na estudyante na maka-graduate. Para makabati ng “Happy Vacation” ay may programa ka man lang ng paliga sa basketball o Santacruzan para masabing happy nga ito.

Kung gayon, ang daluyan ng rekurso ng mahihirap para sa mahahalagang petsa at panahon ng kanilang kolektibong buhay ay sa pamamagitan ng mga politikong tumatakbo. Ang mga politiko ang nagbibigay ng dimensyon ng publikong buhay sa mamamayan. Kung walang politiko, ang rekurso ng mamamayan ay sa pribatisadong gawain, tulad ng malling, panonood ng sine, pagpi-picnic sa malayo-layong lugar, at iba pa na nilalahukan ng sariling gastos.

Ang mga anunsyo ng politikong tarapaulin ay may handog na serbisyo publiko—tuli sa isang kongresistang babae sa Manila, at fireman’s hotline sa isang politiko sa Quezon City na tunay na may silbi sa panahon ng malaking apoy sa tag-init, halimbawa. Kaya, lampas sa pana-panahong pagbati sa mga okasyon, ang nakakapagpalapit sa puso ng prosektibong botante ay ang konkretong aspekto ng serbisyo publiko, bilang ehersisyo sa eleksyong makakapaghalal at makakapagpanatili ng kandidato.

Kung gayon, namamatron ang politiko sa mamamayan bilang kanyang nabibili at napapaborang kliyente. Ito ang sistemang patronahe, na tulad sa relihiyosong gawi, ang pagdulog sa santong patron (hindi ba’t ang bawat santo ay may kanya-kanyang partikular na dulog: patron ng manggagawa, magsasaka, nawalan ng pag-asa, para sa mabuting panahon, at iba pa), na by chance, at ito ang mahalaga, tsamba-tsamba, ay nakakapagpadaloy ng katuparan ng aktwal na hiling, o aspekto man lamang nito.

Share This Post