May Bailehan sa Kampo Aguinaldo

(nang magpamisa ang Free Jonas Movement)
ni Mark Angeles

May bailehan sa Kampo Aguinaldo.
Dalawang loud speaker ang inilabas.
Nambulahaw ng mga miron at pasahero
Na regular na dumaraan sa kanilang tapat.

May kasiyahan sa Kampo Aguinaldo.
Sa anong okasyon? Umagang-umaga.
May anak ng heneral bang magde-debut?
May pa-despedida ng isang esposa o kerida?

May pahuwego sa Kampo Aguinaldo.
Ipinusta ang katawan ni Jonas Burgos.
Naglaro ng taguan-pung ang mga sundalo
Nang si Jonas ay magsayaw sa bubog.

Ano nga ba ang kasalanan
Kung napusuang mananghalian
Sa restawrang Hapag Kainan?

Ano nga ba ang kasalanan
Kung naatangan niya ng kamay
Ang mga pinagsasamantalahan?

Ano nga ba ang takbo ng utak
Ng mga pinuno ng Sandatahang Lakas
Na walang pagsisisi kung mangidnap?

Ilabas ninyo si Jonas!
Ilabas!

(Inilathala ng (Bulatlat.com))

Share This Post