Nom de Guerre

Kahit ang Nicolai Lenin ay isa rin namang
Nom de guerre ni Vladimir Ilyich Ulyanov.
Bakit hindi nom de plume? Pustura lang iyan,
Tulad ng Doveglion ni Xose Garcia Villa
O ng Dandelion (halaman o ngipin ng leon?)
Ng tatay ng Hatsing Glue. Di tulad ng nom de guerre
Na tumitindig sa mga adhika ng rebolusyon:
Servando Magbanua, Elias del Pilar, Victoria Manalo,
Victor Bisperas, Pumuluyo Libre, Farra Tattao, Che Guevarra,
Wayawaya, Bagani, Rosa Labrador, Marcial Macias,
Armando Liwanag. Bakit Armando Liwanag?
Ang ibig sabihin niyan ay Mandirigma ng Liwanag.
Mistulang pulang banderitang wumawagayway
Ang bawat pangalan: Liberacion Roja, Victor Rojo,
Jovencio Rojo Maglaya, Clarita Roja, Virginia Rojo,
Rio Rojo, Guia Roja, Ricardo Rojo, Roja Esperanza.
Aakalain ba ng kaaway na may pulang lihim
Ang Popoy Dakuykoy o ang Diosdado Calamidad,
O may subersibong akronim sa Bernardo R. Carpio?
Sa mga kolektib, ang pangalan sa pakikibaka
Ay panlansangan, na inuunahan ng Ka –
Bino, George, Ibay, Yokan, Sol, Vox, Ruth,
Boy, Poloy, Arting, Bagnos, Igme, Basyong,
Eid, Zippo, Sonya, Ting, Tingting.
Kapag uminit, karakang binabago, tulad ng kay
Cesar Lacara – Che, Rodel, Marcial, Lauro,
Jose, Roy, Tatang – sagisag na rin ng haba
Ng kanyang paglilingkod sa nayon at lungsod,
Sa lumang Partido at bagong Partido
Hanggang edad nobenta.

At nasaan na ngayon ang mga batang
Wala pang nom de guerre ay bininyagang
Lenin, Lenina, Mao, Maolen, Karl, Redsa,
Remnin Ribao, Andres (Bonifacio), Diego (Silang)?
May mga nom de guerre na nananatiling buhay
Sa kilusan. May mga nom de guerre
Na nawalan na ng saysay sa kilusan.
Marami ang nawalan ng Ka.
Mas marami ang sumasampa
Nanlalagim man ang kampanyang
DisarmamentDemobilizationRehabilitation ng rehimen.
Sa mga larangang gerilya, nakapangalan ang kumand
Sa tunay na pangalan ng mga bayani –
Si Venerando Villacillo ang Ka Bening,
Si Merardo Arce ang Dave, si Crispin Tagamolila
Ang Ka Cely, si Wilfredo Gacosta
Ang Geronimo Dulongtimog, si Chadli Molintas ang Chadli.
Pero hindi mo nalilimutang parangalan, Joema,
Ang mga kasamang kumilos nang tahimik,
Tulad ng aking estudyanteng si Antero Santos
Ng Ilocos, tulad ng aming si Tatang ng Tundo:
“Isang kasamang tahimik,” sabi mo, “di makasarili
At walang humpay sa paggawa ang bumubuo
Sa katauhan ni Ka Che. Nasa kanya
Ang katangiang Komunista na gumawa
Para sa rebolusyon na mas madalas ay lingid
Kaysa yaong alam ng madla. Lubos
At makabuluhang nabuhay sa rebolusyonaryong
Pagsisilbi sa proletaryado at mamamayan.”

Bakit Amado Guerrero? Sapagkat siya
Ang mandirigmang minamahal.
Hey, Joema, kanino nga bang nom de guerre
Itong Salvador del Mundo?
Ambot. Ampaw din?

(Inilathala ng (Bulatlat.com))

Share This Post