M-Jeneration

Ang “forever young” (Peter Pan syndrome na pinakat din kay MJ) ang ethos ng kapital sa imperialistang globalisasyon. Ang imahen at ethos ng kabataan ang bumebenta para sa mismong kabataan at nakakatandang may higit na ekonomiyang kapital. Ilang beses akong nakakita ng matrona na ang bitbit na bag ay tulad ng kay Paris Hilton, o ang bersyon nito sa Greenhills, Divisoria at Market Market.

Walang gustong tumanda, at maging nakapako ang panlasa. Hindi ba’t maging sa aktibismo ay dinamiko ang tingin sa mundo? Ang ipinagkaiba sa imperialistang globalisasyon ay ang reproduceabilidad ng panlasa ng kabataan sa iba’t ibang henerasyon, pangunahing rason ang mapagbentahan at mapagkakitaan ang mga ito.

Na tulad ng nawawalang pagkamusmos at pagkabata ng maraming Filipinong napipilitang magtrabaho, kundi man isinadlak sa pinakamiserableng kondisyon ng buhay—mababang pondo para sa edukasyon, publiko serbisyo, walang sariling bahay, naghihikahos araw-araw—ang pagkakabataan din ay isang fantasya na lamang para sa nakararaming Filipino.

Ilang kabataan ang nakaranas na makapagbakasyon kasama ng pamilya at kaibigan sa Boracay at iba pang resort na lugar? Ilan ang nakakapaggimik, nakakapag-shopping, nakakapag-arcade? Ilan ang hindi nagdusa at kusang pinagkalooban ng cellphone, MP4 player at notebook, maging ng kotse, kahit pa segunda mano? Ilan ang kabataan, tulad nang komersyal at ads ng SM malls, Coke, at ng estado?

Habang nag-aantay sa isa pang kaibigan, nagkape kami sa Coffee, Tea and Bean sa Trinoma. Nagsisiksikan sa mesa ang establisyimento sa dami ng kabataan ang maliit na mesa ay pinagsisiksikan ng inorder na malamig na preparasyon ng kape (dessert lang talaga ang turing sa kape sa coffee shops) at gadgets. Wholesome, exklusibo at ginagastahan ang Sabado ng gabi para sa pagdanas ng pagiging kabataan.

Na tulad ng transisyon sa dalawang representasyon kay MJ, ginagawang perverse ang nosyon ng “wholesome,” “exklusibo” at “ginagastahan.” Wholesome nga ba ito sa malawakang sistema ng karahasan sa napakaraming kabataang walang akses sa pagdanas ng kanilang pagiging kasapi ng henerasyon? Exklusibo gayong bukas na bukas sa sinumang may finansyal na yaman na mapasama sa buklurang nagaganap? At ginagastahan? Sinasaad na sa may pera lamang ang karapatang maging kabataan.

Kaya si MJ ay mas matimbang na aalalahanin ang unang yugto ng may dignidad bilang artista: isang hindi puti na tinanggap ng kaputiang may ekonomikong kapangyarihan. Matapos, nang gustuhin nitong maging kalahi sa pagtamo ng sariling ekonomikong importasya, hindi ito pinahintulutan. Kinukutya pa sa pa pagnanais makalabas sa sariling lahi at kahon.

Umiyak at nagluksa ang mundo hindi sa ikahuling representasyon ni MJ. Sila man—aktwal at imahinaryong kahenerasyon ni MJ—ay nagdiriwang sa artistry ni MJ, at itong kasiningan ay sa yugto na pagkita ng kanyang musika at personahe. Walang nagdiriwang ng yugto ng pagkutya, kahit pa dati ay gabi-gabi itong pinupuntirya sa TMZ, at talk shows sa US. Ang pagiging sagradong nilalang ay mula sa pagiging komersyal na entidad ni MJ.

Kaya mangilin, mga kabataang namuhay sa yugto ni MJ at Farah Fawcett, o ipinaghele sa musika ni MJ at sa resureksyon ng “Charlie’s Angels” sa pelikula. Hindi para sa lahat ang mundong inaalok ng mga imahen ng artista, at ng kanilang kamatayan. Ang mundo ay hindi sa inyo. Matagal na itong inaako para sa estado—ang perenyal na pagnanasang manatili sa kapangyarihan ni Marcos at ni Gloria Arroyo ay isa ring pagkakabataang agenda.

Ang mundo ay sa inyo lamang sa nais iparating na kakamit-kamit ng estado. Na tulad ng isda sa dulo ng fishing rod, matapos mapaniwala sa pagheheleng pumapalag-palag na bagong huling isda, ang kasunod ay ang sarili nitong kamatayan, at ang instamatikong shot na minsan ay naging kahali-halinang kabataan at estado ito. (Bulatlat.com)

Share This Post

2 Comments - Write a Comment

  1. · Edit

    di ba dapat Lisa Marie at hindi Priscilla?

    1. tama po kayo. na-correct na po. salamat ng marami.

Comments are closed.