Lohika ng Rali

Dalawa ang inobasyon ni Brocka sa pelikulang ginawa halos isang dekada nang unang lumabas ang nobela sa pahina ng magazin. Una, binakla ni Brocka ang isang modalidad ng pag-angat ni Julio. Sa nobela, hindi pumasok sa massage parlor si Julio. Sa pelikula, nag-sideline si Julio. At sino nga namang piyon ang hindi gagamitin ang sariling katawan, lalo na kung may hitsura katulad ni Julio, para sa sexual-kapalit-ay-pera na temporaryong pag-angat?

Nakatanggap si Brocka ng paglalait mula sa iba pang kasapi ng Agos Sa Disyerto na pakiwari ay binaboy ang obra ni Reyes. At ikalawa, ipinasok ni Brocka ang isang pang modalidad ng pag-angat: ang pagsali sa rali. Naglalakad si Julio sa eksena, walang misyon sa araw na iyon kundi mag-isip at nagawi siya sa kahabaan ng Recto. Tumanghod siya sa nagmamartsang raliyista, at binati siya ng isang kakilala.

Kung tama ang alaala ko, nagkumustahan sila, at para pa nga yatang inaya ng kakilala si Julio. Pero kumukulo na si Julio, kamamatay lang ni Ligaya. Pinatay ni Ah-tek si Ligaya at nag-iisip siya ng paghihiganti. Bawat kabanata ng nobela ni Reyes ay ang unti-unting paglubog ni Julio sa kumunoy ng syudad, hanggang sa huling kabanata, tunay na siyang nilamon ng syudad. Ni kukong laki ay walang nakitang liwanag si Julio.

Binigyan ni Brocka ng liwanag si Julio, kahit hindi nito napansin. At ito ang historisasyon ng individual na kaganapan sa panahon ng diktadurya ni Marcos—na ang rekurso ay hindi ang lumpen na paghihiganti na uulit-ulitin ni Brocka sa Jaguar at Bona. Ang rekursong isinawalat niya, kahit katiting man, ang rali at pagkilos ay magiging lagusan ng sukdulang pagpili sa isa sa mga huling obra ni Brocka, ang Orapronobis.

Dito sa pelikula, ang rali ay hindi na nakakasapat para sa antas ng pang-estadong karahasan at pagpapahirap. Ang pipiliin ng tauhan ay ang pagpapatuloy niyang pagkilos sa kilusang andergrawnd, matapos nang mahabang pagproproseso ng mga panlipunang kaganapan, pati ang pagbibigay ng pag-asa sa rehimeng Aquino.

Matagal nang patay si Brocka, at nakaratay naman si Aquino. Patuloy pa rin ang fasismo at sistemikong pagpapahirap ng estado ni Gloria Arroyo. Tulad ni Marcos, at ang iba pang nagtangkang maghari magpakailanman, nagbabadya si Arroyo nang panibagong pag-aakda sa konstitusyon para magtagal pa ito sa kapangyarihan. At kahit simple ang kahilingan para matinag ito—ang dagdag na bilang ng pinakamaraming katawan sa kanyang dapat ay huling SONA—wala pa rin ito sa bokabularyo ng maraming nagkikibit-balikat na lamang o umaasang iba ang gumawa ng laban para sa lahat.

Ang lohika ng rali ay ang ehersisyo ng pakikibaka sa tagumpay. Sa rali, pakiramdam ko ay para na rin tayong nagtagumpay, malaki man ang bilang o hindi. Nagkakaisang-hanay ang mga individual at sektor, nabubuo ang alternatibong formasyon ng mamamayan laban sa panunupil ng estado. Sa pagkakapit-bisig, dama ko ang pakiwaring tagumpay: hindi man sa aktwal, sa sandali ng kaisahan, na pwede ngang magtagumpay kung patuloy ang paghayo’t pagpaparami.

At ito ang lohika ng rali, kung bakit sa SONA ay lalabas ako ng opisina at unibersidad, tulad ng marami pang iba sa kanilang mga bukid, pabrika, tahanan, at pamayanan, para irehistro ko ang pagtutol sa isang mapanupil na estado, para matiyak, sa pagkakataong ito, na hindi na muling maghari ang dapat ay matigil na ang paghahari. At sa ilang saglit, madadama ko ang kaisahang magbabadya ng pakiwari ng tagumpay sa mas matagal na hinaharap. (Bulatlat.com)

Share This Post

One Comment - Write a Comment

  1. Matatalino ang mga Pilipino. Mulat sa katotohanan ng syudad…

Comments are closed.