Cory, Dilaw at Iba Pang Paglisan

Ni ROLANDO B. TOLENTINO
Kulturang Popular Kultura
Bulatlat.com

Nabuhay akong nagkaroon ng politikal na kamulatan sa kasagsagan ng diktaduryang Marcos. At bahagi ng kamulatang ito, ang pag-challenge ni Cory Aquino sa diktadurya. Bago siya pumasok sa asasinasyon ng kanyang asawang si Ninoy, isinumpa raw ang henerasyon namin—“ang martial law babies”—na ang tangi naming pangulong makikilala ay si Marcos, at matapos, si Imelda.

Matingkad ang alaala ni Cory dahil tunay itong masigasig sa anti-diktaduryang pakikibaka. Ilang beses ko itong nakitang magsalita sa De La Salle, at mga rali sa Ayala. Halos abot-kamay lamang sa mga pagkakataong ito dahil tunay naman ang simpatya ng karamihan ay sa balong umako ng pakikipaglaban ng kanyang asawang politiko. Hindi pa siya politiko noong mga panahon ito, at maningning ang sinseridad niya sa adhikaing pagbabago.

At dilaw ang kanyang kulay, na pakutya ni Imelda ay nagpapaalaala raw sa kanya ng jaundice, o ang paninilaw ng balat at mata. Sa pananaw ng Marcoses, si Cory ay isang sakit na mawawala rin. Pero nagkamali sila dahil kumapit ang mga tao kay Cory bilang representatibong figura ng pagbabago sa pamunuan at sistema. Ito ang panahon na daan-daang libo ang mga tao kapag nagpatawag ng rali sa Liwasang Bonifacio.

Umuulan ng yellow confetti (putol-putol na pahina ng Yellow Pages lang naman, na isa ring pagkadismaya sa kawalan ng kalidad ng serbisyo ng PLDT, ang may monopolyo sa linya ng telepono) sa Ayala Avenue. Pati ang rali ng YS (youth and students) ay dinudumog. May atraksyon na lumabas sa kalye, hindi nakakasapat ang kaalamang itinuturo sa eskwelahan, at ang tunay na pag-aaral ay nasa labas ng klasrum.

Ang mantra sa YS noon ay “do not let the classroom interfere with your education.” Masigla ang produksyon ng kontra-kulturang anti-diktadurya ng panahong ito. Ang kaibigang skolar si Joi Barrios ay gumawa ng kanyang masteral thesis ukol sa pagiging manggagawang pangkultura sa panahong ito. Dito kami unang nagkakilala, at marahil, kahit nasa ibang bansa kami ay patuloy pa rin ang pakakaibigan at paninindigan.

Hindi lang naman si Cory ang dahilan ng masigabong kilusang masa sa panahon ng diktadurya. Hindi naman pamalit-personalidad lang ang hinahanap ng mamamayan sa panahong ito. Na kahit ang biruan na kapag aso ang lumaban sa eleksyon kay Marcos, mananalo ang aso, ay hindi naman nangyari na natalo si Marcos. Sa snap elections ng 7 Pebrero1986, si Cory ang asong tumalo kay Marcos. Na kahit sa ofisyal na bilangan ay nanalo si Marcos, ang kapangyarihan ni Cory na nagpatawag ng civil disobedience at people power ang siyang nagpaluhod sa diktadura.

Nais kong alalahanin si Cory sa bookends—simula at pagtatapos—ng politikal na buhay nito. Impit at monotono ang boses pero milyon-milyon ang nakikinig sa kanya, kahit paulit-ulit ang kanyang kwento at walang kapaguran na sinasambit na “Tama na, sobra na, palitan na” ang Marcoses. Nang siya ay manungkulan, maraming kahinaan at kasalatan si Cory. Bumalik ang kumpiyansa ko sa kanya sa panahon ni Gloria Arroyo at ang kanyang di matatawarang bottomline—kailangang mag-resign si Arroyo, kailangan labanan ang panunumbalik ng tiraniya.

May tumawag sa akin na nagtratrabaho sa stasyon sa telebisyon, gusto raw akong interbyuhin ukol sa kulturang popular ni Cory. Tinanggihan ko dahil sa pananaw ko, hindi ba’t sila dapat ang nagsasaliksik nito? Na kalakhan ng karanasan ko sa panayam ay pagsagot sa mga general kundi man pointed na tanong, na kundi ginagamit ka lang bilang resource person ay gusto kang gamitin bilang taga-bigay ng soundbytes sa kanilang nabuo nang argumento.

Iba ang kulturang popular na dulot ng popularidad ni Cory. May Cory dolls na may marka ng personahe nito: nakadilaw na damit, nakasalaming malapad, naka-L ang daliri. May Australian television mini-series hinggil sa EDSA uprising, si Tessie Tomas ang gumanap na Imelda at si Laurice Guillen bilang Cory. Nang mag-Oscar awards ilang buwan matapos ang EDSA, binati ni Jane Fonda ang Pilipinas at nag-L sa harap ng bilyong manonood.

Parating pinagtatapat ang dalawang babae ng panahong ito, na tunay namang maa-outlive ang kanilang mga asawa. Labanan ng mga balo, at sila ang magpapahiwatig kung ano ba tayo bilang bansa. Sa figura ni Imelda, ang kultura ng amnesia na makakapanumbalik sa kapangyarihan kundi man sa limelight ang dating kalahating bahagi ng pinaka-corrupt na pamunuan sa mundo. Hindi ito masasakdal sa anumang krimen hinggil sa ill-gotten wealth, makakapag-party pa rin ito—bawas nga lang sa mga international celebrity well-wishers—na parang hindi ito naghihirap o nahihirapan.

Nananatili siyang “puta-puta” sa henerasyong nakatunghay sa diktadurya. Sa mga hindi, ang Marcoses ay si Imeldang ikonikong lumabas sa t-shirts na parang si Che Guevarra, o si Borgy Manotoc, ang bad-boy pero model na socialite (pwede pala itong identidad). Si Cory naman ay ang kultura ng pagpiling tignan lang siya sa isang dimesyon, bilang isang santa.

Share This Post

One Comment - Write a Comment

  1. Mas naging malinaw sa akin kung ano nga ba talaga ang naging gampanin ng dilawang si Cory sa pagbabalik ng Demokrasya kalakaip din ang mga patagong taktikang dapat dakutin ng dustpan.

Comments are closed.