Pang-Araw-Araw na Objek, Pang-Araw-Araw na Welga

Kahit pa nasa kondisyon ng pabrika at ng kolektibong pagdanas sa paggawa ang radikal na potensyal, matutunghayan lamang ang politikal na tendensiya kung ang bagay ay ilalabas sa kanyang kapaligiran. Ang akmang natural na kapaligiran ng paggawa ay sa politikal—na ang kanyang lakas-paggawa ay natatangi dahil ito ang may aktwal na kapasidad ng transformasyon ng lupa at pera para sa kita ng kapitalista.

Kaya kung ang hapit na bra ay makikita bilang pinanday di lamang ng lakas-paggawa kundi ng kontradiksyon ng manggagawa at kapitalista, magkakaroon ng simpatya ang maraming babae at parlorista sa causa ng manggagawa ng Triumph International. Kung ang gulong ay hindi na lamang gulong na nagpapagulong ng sasakyan, at magiging gulong na iniinog ng lupon ng manggagawa na nagpapainog din sa gulong ng buhay ng mga ito, marami ang sasakay na lamang ng pampublikong behikulo, o makakaunawa sa relasyon ng jeepney driver sa pagtaas ng presyo ng gasolina.

Usapang buhay at kamatayan ang pang-araw-araw na bagay. Ang paglalaway habang nag-aantay sa order ng bagong lutong manok ay mawawala, maging ang gutom, kung ang kondisyon ng malawakang tanggalan ay sabay na maihahapag sa mesa ng branch ng Kentucky Fried Chicken (KFC). Hindi na gaanong sasarap ang manok, o mapapakain sa anumang fastfood chain na mapanupil sa kanyang manggagawa.

Kilala ang KFC sa New Zealand, China at U.S. sa maraming kaso laban sa manggagawa. At hindi nahuhuli ang panunupil sa manggagawa sa Filipinas. Dapat may makaisip kung paano ikokoordina ang mga kaso sa global na antas—solidaridad hindi lamang sa pangkalahatang kondisyon ng manggagawa kundi sa penomenon ng subkontrakwal na paggawa, pang-aabuso, at politika ng protesta hinggil sa mga ito.

Ang effigy ni Gloria Arroyo ay nananatiling walang politika kung hindi nakasama sa paligid ng SONA. Politikal ang paligid na ito, at ganito ang dapat na turing sa mga kondisyong matingkad ang politikal na tunggalian dulot ng pang-araw-araw na politikal na panunupil. Ang bagay sa kanyang paligid ay tulad ng effigy ni Arroyo sa SONA. May kontestasyon para sa kahulugan ng bagay, lalo na sa paggawa, paglahok at pagsunog nito.

Kung araw-araw na nililigwak ang mga lumilikha ng pang-araw-araw na bagay, ang araw-araw ay dapat tignan bilang okasyon ng pang-araw-araw na protesta. Ang pagkilos tungo sa mga anyo ng protesta ang maglalahok muli ng politikal sa paligid, ng pagbabalik ng naunang okasyon ng politikal sa naturalisasyon ng pang-araw-araw. Na ang bagay ay may kasaysayan pangunahing pinatingkad at pinaglaho ng inherikong politikal na tunggalian.

At kung magpakaganito, ang lahat ng okasyon ay okasyon ng pagbabalikwas sa naturalisasyon ng bagay at ang denaturalisasyon ng politikal. Na ang inaakalang pagkakataon ng libangan ay saglit na pagbakasyon sa pighati ng paggawa, gayong nababahiran at nasusubstansyahan ng lakas-paggawa pati ang okasyon ng libangan. Nakakapag-malling ang manggagawa, at lahat ng pagkakataon ng pagkalibang ay nagpapaalaala sa kanya sa bigat ng paggawa, ng paggawaan at ng napakalaking kaibhan ng kanyang buhay sa buhay ng kanyang amo.

Kaya mas matimbang na trabahuin niya rin na malibang ang kanyang sarili at pamilya. Na iwaglit, kahit hindi naman ito lubos na mangyayari, ng nagpapahingang manggagawa ang kanyang pagpapahinga. Dahil alam niyang ang pahinga ay di natural na extension ng paggawa. Nakakapaglibang siya hindi dahil may sobra siyang kita sa pagbebenta ng kanyang paggawa kundi dahil gusto niyang takasan ang mapanupil na mundo ng pandarambong sa kanyang kapangyarihan bilang nilalang.

Para mabaklas ang naturalisasyon, makapagbagtas ng politikal na direksyon, dapat maging matingkad ang politikal na pagsasakontexto ng pang-araw-araw na buhay ng manggagawa at ng resepsyon ng astang gitnang uri sa mga ito. Na kapag nagmo-malling o window shopping, kapag nagtapon ng basura sa kalsada mula sa sasakyan, o nag-iwan ng supot ng basura sa harap ng bahay, na hindi kusang kikilos ang gawain kung walang manggagawa.

Kahit pa gusto silang paglahuin ng kapitalista—hanggang sa yugto lamang ng pinakamatipid na produksyon—at mamimili—hanggang sa yugto lamang na hindi sila sagabal sa pamimili dahil hindi sila nagpapaalaala sa parallel na buhay ng mamimili at ang nagsisilbi ng produkto. Na buhay ng tao, na mas kinikitil kaysa pinagyayabong ng estado, ang nakataya sa buhay-kamatayan, kamatayan-buhay ng pang-araw-araw.

Kakain ka kamo ng fries at burger? Magpapagasolina ka ba kamo? Manonood ka ba ng sine? Muling ibalik ang politikal, ng politikal na tunggalian sa okasyon ng pang-araw-araw. Ito o ang mabuhay sa kawalan ng kalidad sa estado ni Arroyo. (Bulatlat.com)

Share This Post