Pekeng Christmas Tree sa Parkeng Kapaligiran

Ni ROLANDO TOLENTINO
Kulturang Popular Kultura

MANILA — Ito ngayon ang highlight ng Quezon Memorial Circle (QMC), lalo na sa mga dumadaan sa kabilugang kalsada nito. Exakto ang bagsak nila, tila sampung metro ang layo sa isa’t isa, palibot sa kabuuan ng QMC. Para itong mga christmas tree dahil patay-sindi ang mga mumunti at maliliit na ilaw nito, pero dahil Agosto pa lamang ay nakahilera na, kay aga naman kung para sa Pasko ang mga ito.

Ibang estetika ito, na ang artifisyal ay itinatampok sa natural na kapaligiran nito. Kung mapapansin, sa mabilis na panahon, lalong kumikitid ang QMC bilang tampok na parke ng syudad. Dumarami ang konkretong kalsada at pathways, nauubos ang mga puno at patag na damong espasyo.

Hindi pinapaganda ang lugar. Binubuhusan lang ng gastos. Muling binakuran ang dati nang may bakod na QMC. Nilagyan ng hanging plant holders kahit wala naman automated na pandilig sa mga ito. Tinaniman ang bakanteng sidewalk ng halaman. Binunot at muling tinaniman.

At ngayon, isa-isa nang ginagawa ang underground pass na kokonekta sa iba’t ibang bahagi ng QMC, kahit ang pangalawa’t pinakahuling ginagawa sa Philcoa ay mayroon nang aluminyo (mamahalin) na pedestrian walk dito. Urong-sulong na hakbang tungo sa walang pangkalahatang disenyo para sa lugar ang nagiging pakiwari sa iba’t ibang modifikasyon ng mga lunan sa QMC.

Kung ang monumento ni Rizal sa Luneta ang “Kilometro O” o ang simulain ng pagdidistansya sa highways at bilangan ng marker sa daan, ang QMC ang ground zero ng urbanisasyon ng Quezon City, ang may pinakamalaking populasyon (pinakamaraming maralitang lunsod) sa Metro Manila. At kung ito ang ground zero, hilong-talilong na ang modernisasyon ng kalapit-paligid nito. Ano pa kaya ang kabuuang bisyon para sa syudad, lalo na sa napipintong urban renewal na may centerpiece na Quezon City Central Business District (CBD)?

Hindi aksidente na ang ruta ng CBD ng syudad ay nagpapahiwatig ng pagmamaniobra sa neoliberalismo: marami sa mga opisina sa QMC ay hinihikayat na ilipat sa ibang lugar (di nga ba’t ang mga Departamento ng Agrikultura at Repormang Agraryo ay balak ilipat sa Isabela at Mindanao?); pati ang Veterans Golf Course ay balak gawing mamahaling subdivision sa developer of choice ng syudad at UP, ang mga kompanya ng Ayala; at ang hanay ng natitirang malalaking lote sa kahabaan ng Commonwealth, na siya rin namang pader na dinadagsaan ng mga nakatago at itinatagong komunidad ng maralitang lunsod?

Kung gayon, ang ground zero na pinalilibutan ng artifisyal na christmas tree—kahit pa wala naman ang kultura ng paggamit ng natural na christmas tree—ay tumutukoy sa pribilisasyon ng modernong artifice kaysa sa natural. Hindi ba napakalaking anomalya na tinutunghayan ang parke sa gabi, di dahil sa pagiging malaking baga nito para sa syudad, o ang himlayan ng isang presidente ng bansa, kundi dahil isa itong kasiya-siyang artifisyal na lunan ng moderno?

Sa loob ng parke, malawakan na ang pribatisasyon ng pagmodernisa sa lugar. Lahat—mula pabisikleta, mamahaling restaurants at mumurahing pwesto, pati ang tindahan ng halaman at mga tiangge—ay nasa kamay na ng umuupa ng pwesto. Na imbis na paunlarin ang kalikasan sa lugar, ang pinapaunlad ay ang artifisyal na impetus para sa spectacle na may modernong nagaganap, may modernisasyon at pagsulong sa lunan na ito, na hindi kakatwang kaharap lamang ng Quezon City Hall.

Tinatawag-pansin ng ilawang puno bilang spectacle ang sarili nito—o ang umakda nito—para ipatunghay sa dumaraan na sila ay tumutunghay, o nasa posisyong mas mababa kaysa sa awtoridad. Para itong Lantern Parade ng UP na hindi na pumaparada ang mga float, kundi ang umiikot na ay ang mga tao—inilulugar ang mga tao bilang pasibong entidad sa nauna na at mas makapangyarihang infrastruktura ng kapangyarihan na naglulugar sa manonood at pinapanood sa kalakaran ng spectacle.

Ang pangunahing trahedya ng pag-iilaw sa kalaliman ng gabi ay ang mas sinasaad na pagbabawal. Bawal ang tao sa parke, may curfew matapos ng takdang oras. Ibig sabihin nito, bawal ang mga kalakaran ng mga taong maaring pumasok sa parke sa disoras ng gabi. Pati sa panlabas na kahabaan ng QMC ay bawal na rin ito. Nilusaw ito ng mabilisang mga sasakyang hindi na kayang mag-cruise sa gilid ng kalsada.

Share This Post