Countdowns

Ni ROLANDO B. TOLENTINO
Kulturang Popular Kultura
Bulatlat.com

MANILA — Pagpasok pa lamang ng “-ber” na buwan, simula na ang countdown para sa pasko. Iniaanunsyo ito madalas sa huling bahagi ng unang balita sa gabi bilang paglipas na naman ng isa pang araw tungo sa realisasyon ng pagdating ng Disyembre 25. Setyembre pa lamang ay itinakda na ang buhay ng bansa ay palapit na nang palapit sa klimaktikong trajektori ng lahat ng countdown.

O na ang panahon ay hindi na para sa disaster, ekonomikong krisis at politikal na skandalo, na ang panahon sa apat na –ber months, pati Enero ay ang season ng kapaskuhan. Pasko kahit hindi pa pasko, pasko kahit binabaha. Pasko bilang moda ng pang-araw-araw na materialisasyon ng buhay ng individual at kolektibo.

Ang nangyayari ay infantilisasyon ng pagkamamamayan, ginagawang paslit na pinaglalawayan ang bawat pagyao ng mga araw tungo sa pasko. Na parang may mangyayaring maganda—makakatanggap ng pinakakaasam na regalo, magpipista sa pinakamasayang piging pampamilya, at lahat ng ito ay puno ng rekurso sa domestikong kabuuan ng individual tungo sa kani-kanilang pamilya—kahit wala namang lubos.

At ito lang naman ang countdown na nagwo-work para sa Pilipinas. Gumawa ng countdown para sa sentenaryo ng pagkabansa, pero wala namang excitement o positibong agam-agam na nabuo hinggil dito. Gumawa ng countdown para sa mga sentenaryo ng iba’t ibang pagkatatag ng mga institusyon pero wala namang buzz maliban na lamang sa aktwal na pagdiriwang ng selebrasyon.

Ang countdown ay pagtitiwala sa naratibong bitbit nito. At sa bansa, ang pribilihiyadong naratibong nakaugat at sanga sa katolisismo ay ang kapaskuhan. Na nagpapahiwatig din ng positibisasyon ng kasiyahan bilang dalumat ng pagdanas ng kapaskuhan. Walang papaloob sa countdown para bilangin ang araw na magtutungo sa pagiging miserable at dugyut sa pasko. Lahat—kasama pa ang orkestrasyon ng lokal na pamahalaan at malalaking negosyo na lumahok sa estetika ng beautifikasyon para sa okasyon ng pasko, kabilang ang audio-biswal na magdudulot ng inaasahang pakiwari—ay nagpapadaloy sa simponya ng kapaskuhan.

Ang hindi pumaloob ay KJ (killjoy), at walang puwang ang mga KJ sa diskurso ng kapaskuhan. Na kahit pa ito ang pinakamalaking bilang ng insidente ng pagpapatiwakal, walang dating itong ultimong ka-KJ-han maliban sa pamilyang mapipilitang magdiriwang ng alternatibong kapaskuhan. Samakatuwid, pati sarili nitong magulang ay mahahawaan ng at malulugmak sa ka-KJ-han.

At dahil ang countdown ay nilalahukan ng numero, panahon at espasyo, kailangan ng tiyaga at patuloy na pagpupursigi sa ngalan ng naratibong kaakibat ng countdown. Exaktong siyensya ito dahil may kaakibat na pagtindi at pagtamlay ng pakiwari habang papalapit at papalayo sa panahon. Iba ang 120 na araw na lamang, sa pitong araw na lamang. Iniisip pa lamang ang kompresyon ng bilang ay may napipinto nang intensifikasyon ng pakiwari.

Ang panahon ay kumikitid, natural lamang ito. Pero ang isinisiwalat ng matiyagang pagsubaybay ng pagkitid ng panahon ay paglawak ng positibong agam-agam hinggil sa natural na trajektori ng countdown. Inverse relationship kumbaga: habang pababa ang countdown, papataas ang posibitong agam-agam. Positibo ito dahil ito ang internalisasyon ng agam-agam at ang higit na nakalalaking naratibo bilang individual na kwentong pinagkakapitan.

At kung magpakaganito, ang anxiedad sa sarili ay magdudulot ng mas matinding pagdanas. Kung tinaasan ang expektasyon sa kapaskuhan, tinaasan din ang taya (wager) hinggil dito, ang investment ng individual ukol sa naratibo nito. Kung sa musmos, ito ang kumpiyansa sa pagtitiwala sa mundo ng matatanda (adulthood), at ang pagkakaroon ng assurance na itong tunguhing mundo ay angkop, mabuti at natural na daluyan mula sa kanyang mababang uri ng estado.

Ang countdown ay ang pagpapaubaya sa kapangyarihan ng naratibo ng awtoridad. Swabe itong pagtanggap sa kapangyarihan ng awtoridad na itakda, paunlarin at ikahon ang naratibo dahil sa positibisasyon ng karanasan: ang pag-akda ng pagdanas nito sa purong kaligayahan lamang. Ang KJ ay antithesis nito dahil inilalahok ang substansya ng pasakit at pighati sa pagdanas gayong nilikha na walang puwang ang okasyon at espasyo ng naratibo para sa antithetical na pagdanas.

Kaya lahat ay kolektibong itutuon ang individual na enerhiya para sa tagumpay ng naratibo. Magkri-kris kringle, exchange gift, christmas party hanggang sa napipilitan na lamang at masusuka-suka na sa dami nito, maghahanda para sa noche buena, mamumudmod ng regalo sa pamilya, kaibigan, at kinikilalang figura ng insitusyonal na awtoridad.

Walang kabaligtaran ang countdown, walang “countup” kumbaga. Paukol ang bilang sa referensya ng disaster-management ng estado. Tinutumbok nito ang dalawang bagay—una, ang dami ng bilang ng nasawi, nasalantang buhay at pamilya, at halaga ng gamit at infrastrukturang nasira (at ang korolaryong katuwang nito, ang pagbilang ng donasyon na pumapasok sa gobyerno at negosyo bilang positibisasyon ng karanasan) na nakakasindak ang paglaki sa bawat araw; at ikalawa, ang post-disaster na assessment hinggil sa transformasyon ng pagluluksa (grief) bilang positibong karanasang walang may gustong mangyari, o ang kalitatibong pag-usad matapos ng disaster.

Maging ang huling tinutumbok ay pag-akda pa rin ng estado ng positibisasyon ng karanasan. At sa karanasan ng super-typhoon na Ondoy at Pepeng, at sa napipinto pang pagpasok ng mga sampu pang bagyo sa bansa bago matapos ang taon, dobleng positibisasyon ang magaganap: hinggil sa mismong disaster at ang lalong pressing na pangangailangang ituloy ang kapaskuhan.

Share This Post

One Comment - Write a Comment

  1. Is it just me? Or this news article really has problem loading? Its not loading fully on my part.

Comments are closed.