Disaster-Relief Fatigue

At matapos ng ilang kagyat na panahon, lalo na sa simula ng countdown sa kapaskuhan, mawawala ang kondisyon ng krisis dahil may pag-uubos din naman sa serye ng disaster. At maging ang susunod at napipintong bagyo ay paratihan nang magiging super-typhoon ang kategorya para ipagpatuloy ang agam-agam sa nakaraan at hinaharap.

Kahit pa sa kalaunan ng panahon at distansya ng espasyo sa sentro ay epektibo na ang pagsasalin ng estado sa disaster bilang representasyon. Kahit pa karumal-dumal ang kondisyon ng pagbaha ng Baguio (sino ang makakaisip na pwedeng bahain ang mga bundok ng syudad ng summer capital?), at malapit ito sa puso ng gitnang uring periodikong nagbabakasyon dito, o may condo unit at country club share ang maykaya, wala pa rin ito sa poder ng tunay.

Kailangan talagang spesipikong lugar sa Metro Manila ang dumanas ng karumal-dumal na baha (Quezon City bilang media center at tinagurian ang sarili bilang “ICT (Information Communication Technology) Capital” ng bansa, at Marikina City bilang mapagyabang na “Singapore of the Philippines”). Hindi pwede ang Taguig, Malabon at Navotas na talaga namang binabaha kahit di panahon ng tag-ulan. Ang tanong na nga lang sa mga lugar na ito ay hindi kung may baha ba o wala, pero kung gaano kataas?

Sa kabilang banda, itong distansya at paglaon ay nagpapahiwatig ng transformasyon ng historikal bilang fantasya. Totoong nadanas ito bilang worst disaster in recent history ng mga taga-Metro Manila pero ang operatibo rito ay ang past tense, dinanas. At sa sumunod na pagdaranas ay wala na sa sentro. Kay Pepeng, ito ay ang Northern Luzon, isang malayo at exotikong lunan para sa di-taga-roon. Na sa diskurso ng turismo at three-day holiday mode ni Arroyo ay mga imahinaryo ng abot-tanaw na leisure na dinaranas lamang sa moda ng kasiyahan.

Ang mga lunan na nasalanta ng disaster sa neoliberalisasyon ni Arroyo ay nagmistulang parang mall na rin. Hindi naiisip na ang mga ito ay sityo ng pasakit at paghihirap, tulad ng subkontrakwal na paggawa, komodifikasyon at alienasyon, at gentrifikasyon at konsumeristang lifestyle. Kaya walang afinidad ang maller sa mga nagwewelgang manggagawa sa mall, paano iisipin na malupit si Mickey Mouse at Disneyland, halimbawa, kung mula pagkamusmos hanggang pagkatanda ay bahagi ito ng brand ng gitnang uring buhay na tinatangkilik ng individual?

Kaya inuunahan na ang mamamayan na pagurin ng estado sa disaster. Una ay parati ngayong exaherado ang pangitain sa panghinaharap na disaster para patindihin ang agam-agam ukol sa pribatisadong individual kung kaya pa nito ang panibagong dagok sa kanyang buhay. Tanungin lamang ang nasalantang bahay at pamilya ng baha ni Ondoy at tunay na manghihina ito sa pangitaing lilinisin na naman niya ang kanyang tahanan ng putik at sirang gamit. O magpupundar na naman siya ng bagong gamit kundi man bagong bahay?

Traumatiko ito. Pero sa ikalawa, sa pagsiwalat ng anthem-of-the-time ng pagkakaisa, ng infomercial at segment sa telebisyon ukol sa tagumpay ng Filipino sa gitna ng disaster at relief operations matapos nito, lahat ng susunod na disaster ay nagiging dalawang bagay para sa estado: ito ay nagiging representasyong makakapagdistansya sa tunay at imahinaryo, at kung gayon, ang ugnayan ng cause-and-effect sa accountability ng disaster at damages pagkatapos nito; at ito ay nagiging komoditi na magpapa-champion sa mga personalidad at causa ng post-disaster na panahon.

Si Manny Pacquiao ay nag-donate ng P1 milyon, si estudyante XYZ ay naging bahagi ng relief operations, ang muy buena familia ay nanuyod ng kanilang kloseta para makalikom ng ibibigay na damit, pagkain at gamit sa nasalanta. At matapos nito, lahat sa Metro Manila at mga lugar na pinanggalingan ng pondo ay may personalisadong kwento ukol sa disaster, na akma sa branding ng Ondoy at susunod pang bagyo—disaster pero nalampasan ng bansa.

Kaya pagod na tayo sa disaster-relief operations dahil hindi sa hindi nauubos ang disaster kundi dahil epektibo itong natransforma ng estado para sa sarili nitong preserbatibong interes. Na ang kanilang naratibo pumapasok ang individualisadong kwento ng pagdanas ng disaster, na hindi hiwalay sa imahinaryo ng relief-operations. Sa huli, ang estado ang mananatiling nagtataguyod na lamang nito, at sila ang last-rescuer-standing, ang institusyong sasabitan ng medalya para malaktawan ang kolektibong karanasan sa disaster.

Tayo ay sila, at sila ay atin. (Bulatlat.com)

Share This Post

2 Comments - Write a Comment

  1. sir, kailangan ko po ang tulog ninyo. pwede po bang paki explain ang inyong kwentong "palabok"? ano po ba ang nais ninyong ipahiwatig sa kwentong iyon?? kailangan po kasi naming i critique. sa ngayon po kasi hindi ko po alam kung paano magsisimula. sana po ay matulungan ninyo ako. maraming salamat po.

  2. Saludo kami sa iyo Mr. Rolando Tolentino. Sana sa panahong ito kahit pabalat bunga magising naman ang mga bwuetreng politiko at tulungan nila ang mga nasalanta ng bagyo (lalo pa ngayong nalalapit ang eleksyon)na sana kalimutan muna nila ang personal na interest. Ngayon nila patunayan sa ating mga mamayang pilipino na sila ay karapatdapat at hindi lamang palamuti. Medyo mamahagi naman sila ng kanilang mga nakurat sa mga nasalanta. Sa mga naghihimagsik ipasintabi po muna natin ang atin galit. Tulungan po natin ang ating mga kapatid. Lahat tayo ay manalangin kay BRO, sabi nga ni Santino. Sana ito na ang tamang oras ng pagbabago.

Comments are closed.