Ako Mismo o Kolektibismo?

Ni ROLANDO B. TOLENTINO
Kulturang Popular Kultura

Bulatlat.com

Ang “ako mismo” ay isang ad campaign na sinasaad na sa sarili magsisimula ang pagbabago. Dili walang iba kundi ako ang susi sa transformasyong panlipunan. Hindi aksidente na ang kampanya ay nakatuon sa pagpasok ng bansa sa eleksyon ng 2010. Tila susing kawing sa iba pang kampanya ukol sa first-time voter registration, pati na ang “boto mo, ipatrol mo.”

Ang nagsasaad ng ako mismo ay hindi ordinaryong ako. Sila ay mga celebrity endorsers: basketbolista-turned-TV host Chris Tiu, Eraserheads singer-turned-pop music icon Ely Buendia, film school teacher-turned-internet icon Ramon Bautista, kapuso-turned-kapamilya Angel Locsin, at iba pa. Mga celebrity ang ninanaturalisa bilang identifikasyon ng natural na ako—ang tayong mamamayan.

At bilang marka ng identifikasyon, mayroong mabibiling tags bilang marka ng nabubuong kolektibad ng ako mismo. Ang higit na mito ng ahensya ng individual na sinisiwalat ng kampanya ay ang mito ng panlipunang transformasyon dulot ng pagtransforma ng sarili. Judeo-christianong tradisyon ang pinaghahalawan nito, na kapag natransforma mo ang sarili, matratransforma mo ang kapwa, maging ang paligid at pamayanan mo.

Ikaw ang grain sa sand na nakakapuwing, ang butil ng mustard seed na magiging higanteng puno, ang ordinaryong Moses na handang isakripisyo ang anak para patunayan lamang ang kanyang debosyon sa maykapal. Kundi man, zen mode ito, na napapaniwala ang sarili sa pamamagitan ng pisikal, mental at spiritwal na transformasyon ng individual sa mas mataas na antas ng pagkatao o pagkakaluluwa, magiging mabuti ito para sa kapwa at sanlibutan.

Linggwistika, ang ako mismo ay may kakatwang isinasaad. Ako bilang subject ng pangungusap at ng mundo, ang doer—hindi receiver o direct objek lamang—ng aksyon. Mismo, tulad ng ora mismo, na ang pangahulugan ay na/din, imperatibo ng ngayon at sino. O sa gay speak, ang walang maliw na ako, walang dili iba kundi ang ako. Kaya ang isinasaad ng kampanya ay ang sarili na walang dili iba kundi ang sarili, at walang dili iba kundi ang panahon ng kasalukuyan.

Dahil susi sa kampanya ang paglapit sa 2010 na eleksyon—kakatwa dahil sa kauna-unahang panahon ay “automated” (bilang paghahanda sa mas malawakang reproduceabilidad ng botante at kanyang boto, o ang mas malawakang disempowerment ng ako, at kung gayon, ang “tayo mismo” o ang gitnang uri bilang dinedehado), at ang pinakamalawakang paggamit ng media sa kampanya para sa pagpipilian (ang boto) ng mamamayan (ang ako)—ang ako mismo ay ukol sa panahon at pagka-napapanahon.

Panahon ng eleksyon, at napapanahong paghahanda sa eleksyon. Kung ito ang panahon na itinatakda ng kampanya, at lihis naman sa pag-ukol sa iba pang panahon at pagkakataon, hindi ba’t ang isinisiwalat nito ay ang lohika ng patronage politics na di lamang nagpapabor sa pabor ng mga maykayang patronahe, kundi ng pagboto sa eleksyon bilang reformang susi sa panlipunang transformasyon?

At kung ito ay ukol lamang sa panlipunang transformasyon, ang isinasaad ay ang pagbabago—at pagbibigay ng vote of confidence—sa susunod na henerasyon ng mga politikong maghahari (at integral sa paghaharing ito ang pagpapatanggap sa lipunang kalakarang pang-araw-araw ang malawakang korapsyon at paghihirap). Kung sa Kristianong tradisyon, ang patron ang tagapamahagi ng pabor na batayang pang-individual, sa politika ay gayundin. Susi ang patron, tulad ng santo’t santa, sa kagalingan ng individual na buhay.

Hindi kolektibo ang isinasaad na pagbabago ng politika ng eleksyon dahil kahit na masibo ang pandaraya, pagbili ng boto at pananakot ng mga kandidato, ang nabibiyayaan ng pagbili ng boto ay hindi naman ang pamayanan kundi ang individual na nagkakaahensyang politikal sa pagkakataon lamang ng eleksyon. Sa ibang pagkakataon, walang ahensya ang masibong masa. Minamasa lamang sila para tanggapin ang kanilang kasaglakan sa paghihirap at dehumanisasyon, at pinapasilip sa pamamagitan ng pilantropiya ang posibilidad at imposibilidad ng pag-angat ng kolektibidad.

Share This Post

One Comment - Write a Comment

  1. Ang galing ng pagkakalahad,at malaman ang mensaheng nais iparating sa mga mambabasa. Puno ng katotohanan at realidad ng buhay. Puna ko lang sa "grain of sand". Sabi ng Profesor kong si Prospero Covar, ang isang salita kapag hindi gamitin kahit ito ay naryan lamang ay mawawala, mapapalitan ng ibang salita laluna banyaga dahil ito ang mas ginagamit. Hindi ba puwedeng gamitin ang butil ng buhangin kaysa "grain of sand"?

Comments are closed.