Pagsagap ng Hininga sa Gitna ng Delubyo

Ni ROLANDO B. TOLENTINO
Kulturang Popular Kultura
Bulatlat.com

Ang sabi ng nakakatanda, mahalaga ang tradisyon. Ito ang tagapagpadaloy ng sinaunang napapatagumpayan, kundi man may halaga, pa rin hanggang sa kasalukuyan. Sa nakaraang kagyat na panahon, dinulubyo ang bansa ng baha’t bagyo, sumasabog na bulkan, lumulubog na mga ferry, masaker ng warlord ni Gloria Arroyo, deklarasyon ng batas militar, at iba pang natural at gawang-taong sakuna.

At halos otomatiko, sa pagpasok ng pasko, parang naglahong bula ang negative vibes, at pumalaot na ang bansa sa magulo ngunit maganda (o pinagandang) mundo ng kapaskuhan. Ito ang tinatawag na soft power ng imperialismo, ang kapasidad nitong danasin sa moda ng kasiyahan ang pinakamarahas na latay ng panunupil at dominasyon ng kapital.

Kumpara sa hard power o ang tahasang panlulusob sa mga bansa, tulad ng Afghanistan at Iraq, ang soft power ay hindi dominasyong militar, kundi dominasyong pangkultura dahil namamaniobra nito ang mga alituntunin ng laro ng imperialismo. Una, sa moda ng kasiyahan ipinapadanas ang ganansya ng dominasyon ng kapitalismo: masaya ang malling, kapaskuhan, konsumerismo, pamimili at pamimigay ng regalo, noche buena at media noche, pagbili ng paputok, at kung ano-ano pang gawi.

KJ (killjoy) ang malungkot at kalungkutan, o maging sinuman at anumang kontra sa moda ng kapaskuhan. May pera o wala, kailangang dumanas ng kapaskuhan sa pinakasukdulan nitong matatamo. Tinitiyak ito ng niche economy ito, o ang pagsadlak ng mga mabibiling serbisyo at produkto batay sa pang-ekonomiyang kapasidad ng mamimili. May hamong pangmayaman, may hamong pangmahirap. May postpaid cellphone na pangmayaman, may tingi load na pangmahirap.

Ikalawa, ang pag-aproba ay referendum na halos otomatiko ring ipinapaubaya sa may aktwal na kapangyarihan. Kung dati ang batayang panunupil sa mahihirap ay ang absentee landlordism o ang pangungubra ng porsyento sa pesante kahit wala ang aktwal na presensya ng panginoong maylupa, na natransforma sa pangungubra ng lokal na kapitalista para sa dayuhang kapitalista ng kita mula sa pamumuhunan sa bansa, ang kasalukuyang moda ng “kawalan” at “panunupil” ay ang pagpapaubaya—na may konsent o pagpayag pa nga mula sa mga individual na kinukubrahan—sa nilikhang abstraktong sistema ng kapital.

Hindi kailangang magpaliwanag ng sistema dahil sila nga ang sistema. Ni hindi nagsalita si Arroyo ng direkta ukol sa pagpataw ng batas militar maliban sa pangkaraniwang panganib at rebelyon, at nang matapos ito, sinabi na lamang niyang “let’s move on.” Maging ang mga telecom na kompanya ay hindi nagsasabi ng kalakaran kung paano nila hinihimok ang mga mahihirap—na bulto ng kanilang kita—para gumasta ng prepaid load kaysa sa pagkain o iba pang batayang pangangailangan.

Pero nagagawa nila ito. Nahihikayat nila ang malawakang bilang ng mamamayan na hindi na kwestyuhin ang pribilihiyadong posisyon sa sistema ng kapitalismo. Nahihikayat at napapa-oo ang mga tao sa dikta na ganito’t ganyan ang dapat mayroon ang sinumang may aspirasyong maging gitnang uri sa bansa. At coveted ang posisyon ng gitnang uri dahil ito ang batayang panimula ng politikal at kultural na karapatan sa bansa—ang hindi pagbebenta ng boto, pagrerehistro at akto ng pagboto sa eleksyon, pagiging maller na may substansya, ang karapatang magkaroon ng sariling opinyon kayang panindigan sa mga aparato ng estado.

Tila sinasaad at sinasabi ng mamamayan sa kasalukuyan, “Iyo na ang boto ko, kapital.” Kaya sa kalagitnaan ng pagdanas ng delubyo, at ito ay ang nakaraang dalawang buwan pa lamang, hindi pa ang magsasampung taong panunungkulan ni Arroyo, para na tayong nagsisiksikang isda sa maliit na aquarium o espasyo ng tubig. Lahat tayo ay busing-busy sa pagsagap ng hanging bubuhay sa atin sa sandali, at kung magpakaganito, hindi na napapansin na sistematiko ang disenfranchisement na nagaganap.

Na lahat pala ay pareho rin ang akto ng pagsagap sa hangin, na ang itaas at ibaba ng sistema ay binubuhay ng delubyo ng estado. Pero walang lubos na makakapansin dahil ang sariling preokupasyon ay ang paghanap ng sariling espasyong paghihingahan. Kaya rin napakahirap ng politikal na aktibidad, lalo na sa panahon ng kapaskuhan.

Kahit pa nga ang founding ng Communist Party of the Philippines ay ginawa noong Disyembre 26, 1968 bilang hudyat na, tulad ng mungkahi ni Pilosopo Tasyo, “hindi lahat ay nangatulog sa gabi ng delubyo” mas malawak pa rin ang ipinaghele ng mismong delubyo. Na kakatwa dahil paano makakatulog kung hindi personalido ang dating ng delubyo sa sarili, pamilya at mahal sa buhay?

At ito ang ikatlong katangian ng soft power: metapisikal na usapin ito na ipinapatagos—kaya sa kalaunan ay katanggap-tanggap—sa individualisadong sarili. Bakit ka malungkot, bakit nag-e-emo sa isang text? At sa parehong media ng text, bakit ka masaya, bakit parang ang swerte-swerte mo? Metapisikal ito dahil may kapasidad itong pukawin ang damdamin at pag-iisip ng individual na ipatagos ang unibersal at ahistorikal na mga tanong bilang gitnang uring pagbubuno sa kasalukuyang sitwasyon.

Imbis na sabihing “Di ako masaya dahil wala akong pera” o “Di ako masaya dahil di makatarungan ang sistema,” ang iisipin, sa panghihimok ng media, ay “Di ako masaya dahil kulang ang pagpukaw ng kapaskuhan sa akin. Na pinili lamang maging Mr. Scrooge o may-ari ng tahanang ayaw mamigay ng barya sa nagkakaroling. At kung magpakaganito, “Hindi ako masaya dahil pinili kong hindi maging masaya.”

At para maging masaya, kahit walang pera at nananalaytay pa rin ang di-makatarungang sistema, kailangan lamang mag-introspeksyon pa rin ang individual sa sarili at pukawin ito. Itransforma ng individual ang sarili na maging masaya sa pamamagitan ng modalidad ng kawanggawa, halimbawa. Na kahit na pinakamahirap na tao ay may potensyal pa ring tumulong sa kapwa niya.

At itong kawanggawa ang magtitiyak na patuloy pa rin ang sirkulasyon ng kapital kahit na sa pinakadustos na lugar at nilalang. Ang kapital ang nagsasalita para sa mga hindi nakakapagsalita. At ang bukambibig ay maging mabuting nilalang, huwag mag-alburuto, magtrabaho sa pinakamurang halaga, kumonsumo nang labis. At itong metapisikal na anggas ang siyang naghuhudyat ng pagtanggap sa mito ang ahensya ng sarili, na ang bawat individual ay may kapasidad baguhin ang kanyang abang lagay kung gagawin at ipipilit niya lamang ito. Bubuka ang bukang-liwayway at maghahapon ang dapithapon.

Mahihimasmasan ang lahat matapos ng kasiyahan sa kapaskuhan, pero may additive na ito sa pagtanggap ng reaksyonaryong posisyon sa reaksyonaryong sistema. Mas mahirap na naman ang transformasyong politikal o ang pagkakaroon ng politikal na paninidigan dahil nareafirma na ito ng posisyon sa kapaskuhan. Gayong ang aral ng kasaysayan ng kasalukuyan ay ang pagkakaroon ng politikal na paninindigang mabuhay nang marangal, patuloy na paniningil sa sistema na ipaglaban ito, patuloy na pag-oorganisa, pagtaas ng kamulatan at pagkilos.

Ito o ang pagsagap ng hangin sa lumiliit na espasyo ng tubig? (Bulatlat.com)

Share This Post

2 Comments - Write a Comment

  1. Glad I’ve finally found smoehntig I agree with!

Comments are closed.