a
Normatibong Estetikang Bading
Published on Feb 2, 2010
Last Updated on Feb 2, 2010 at 12:30 pm

ADVERTISEMENT

At ito ang daluyan ng namumutiktik na emo culture sa kabataan. Di nga ba at ang mga television series at movie trilogies ukol sa mga bampira ay patunghay sa maraming antas ng inaaserto at inaasertinang katotohanan: dahil may historikal na pagkaangkla ang kontemporaryong bampira, inilalatag nito ang unibersalidad at historisidad ng metapisika ng identidad—ang mismong emo.

Na kahit mapatay pa ang lahat ng bampira (na hindi naman mangyayari dahil paano papatayin ang mga putlaing guwapo at magagandang nilalang), mabubuhay pa rin ang emo na sentimentalidad. Marami pa rin ang tutungo sa dark side o ang equivalent nito—ang estetikang bading. Ang mga karakter at aktor ay naka-estetikang bading sa kanilang pictorials at movie stills, hindi ba?

Sa sarili nito, ang kabadingan ay nawalan na ng ipinaglalaban:
wala na ang social advocacy, maliban sa sikretong pagboto at pagsuporta sa Ladlad Party-list halimbawa, pero walang lantaran. Ang tanging kayang ilantad ay ang purong hitsura sa pamamagitan ng mabentang estetikang bading. Hindi rin kakatwa na marami sa call center agents—kalakhan ng demograpiya ng lalakeng empleyado ay bading—ay may propensidad ng mga ito sa higit pang konsumerismo (gimik, fashionista, gadgets, casual sex, orgies, at iba pang intensifikadong saglit kapalit ng mga oras ng kaburyungan sa trabaho).

Konsumerismo ang badong politika ng namamayaning estetikang bading. Gumasta na lamang, bumoto hindi dahil may kabuluhan ito kundi may kabuluhan ito dahil ito ang politikal na chic act of the moment, at matapos, gumasta muli. Ito ang estetikang bading na nagpapatingkad ng metapisika at nagpapalunod sa materialidad ng kontemporanyong karanasan.

May pagkapit ang estetikang bading sa lohika ng estado sa ilalim ni Gloria Arroyo. Pinapag-amnesia ang mamamayan sa politikal na larangan, maliban kung saan siya ay patuloy na pinamamayagpag (at kakatwa ito dahil patapos na ang kanyang termino, patuloy pa rin ang media mileage ukol sa kanyang nakamit). Ang ipinapalit na alaala ay ang alaala ng nakamit at ang pruweba ng pagkakamit: ang mga imahen ng foot bridges, kalsada, highway, MRT extension at iba pang infrastruktura.

Ang lahat ng mga inaakda ay para sa higit pang pagpapadaloy ng neoliberal na kapitalismo. Expressway para sa higit na pagpapabilis ng pagdala ng produkto sa labas ng economic zone patungo sa pier, halimbawa. At hindi hiwalay ang estetikang bading dito: ang daluyan ng konsumerismo mula sa historikal na inetsapwerang katawan, pabalik dito, at ang invisibilidad ng pagkaetsapwera at ang pamamayagpag ng katawang nakakagasta pero hindi nakakapagpabago ng lipunan. (Bulatlat.com)

 Save as PDF

BE A BULATLAT PATRON

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

ADVERTISEMENT

1 Comment

  1. Shango

    Hahaha. Very well said. 🙂

    Reply

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

Share This