Palayain

Ni TERENCE KRISHNA V. LOPEZ
Inilathala ng
Bulatlat.com

Palayain
Ang aming mga magulang
Anak kapatid asawa
kasamang
pinipiit

kami’y nananabik
naghihintay
sa bawat pagsikat ng araw
ay nag-aabang
sa kanilang
pagbabalik

kami’y nananabik
sa mga haplos
nilang
nagbibigay-lunas
sa mga karamdaman ng katawan
at sa bayang
aba
may pighati
lumuluha sa kanilang
pagkakapiit

palayain
ang aming mga magulang
anak kapatid asawa
kasamang
layunin lamang
ay mahalin
ng dalisay ang baying aba
api
walang kalayaan

subalit
sila’y inyong
piniit
dinahas
ngayo’y may pangamba
sa pagdating ng liwanag ng buwan
sapagkat ang inyong bangis
lagim
ay naka-amba
sa kanila
mga dangal nila’y
inyo ring hinubad

palayain
silang sa baya’y
nag-aalay ng buhay
pag-ibig ay wagas

palayain silang aming mga minamahal

sapagkat
sisingilin namin ang inyong
pandarahas

sisingilin namin
ang bawat ninyong
pagkakalat ng karimlan
sa aming
lumalaban
nag-aaklas.

Palayain ang aming mga magulang
Anak kapatid asawa
Kasamang
Pinipiit!

Palayain
Silang aming minamahal

At ramdamin ang silakbo
Ng bayang api
Ng aming mga kamao
Mga gatilyo
Sa inyo’y sisingil,

Hanggang sa kaming lahat
Ay lumaya! (Posted by Bulatlat.com)

Share This Post

One Comment - Write a Comment

  1. (MGA GATILYO SA INYO'Y SISINGIL)

    MGA MAMAMAYAN SA INYO'Y SISINGIL

    HUSTISYA NG MAMAMAYAN ANG MANANAIG

    SA BAYANG NAPUNO NG DUGO AT BANGKAY

    SA KANILA'Y MAMAMAYAN ANG PAPALIT

    UPANG IAPAGPATULOY ANG PAGLABAN SA PAGLAYA NG BAYAN.

    ANG GANDA NG TULA…….. NAIIYAK TULOY AKO… LALAYA DIN TAYO……………………………………………………………

Comments are closed.