Oyayi Sa Anak ng Welgista

NI AXEL PINPIN
Inlilathala ng Bulatlat

Anak, si Bunso’y kumutan mo muna
at kamutan para mahimbing
ihimig ang pagkagiliw ng Tatay n’yong naka-welga.

Huwag mangamba sa sungit ng panahon
ang gabi ay maiksing paghihintay lamang
sa paglalaro ninyo bukas maghapon.

At kapag ayaw agad dumalaw
ng payapang antok kay Bunso
ay ipaghele mo siya sa oyayi ng panglaw.

Ihimig mo sa kidlat at patak ng ulan
ang malumay subalit nagtatanggol na awit
ng inyong Tatay na balisa sa piketlayn;

sapagkat nangangambang balisa rin
kayong mga anak ngayong gabing may unos;
kung kaya ang antok at lungkot ay tiisin.

Pagpikit ni Bunso’y saka ka mangarap
nang gising, dahil sumisiping ang pagkabigo
kung walang malay ang hinagap.

Damhin mo, Anak, ang ginaw at dilim,
ang manginig kung gabi’y hindi karuwagan;
karaniwan sa may welgistang Ama ang manimdim.

Kapag tumila ang ulan at pangungulila
at tumigil na sa pagbiling si Bunso,
humanda nang matulog para harapin ang umaga.

S’yangapala, ipinid ang bintana bago ang mata,
baka sumalisi ang ampiyas
at ang upahang maton ng magnanakaw na kapitalista.

Humimbing kayo ni Bunso, humimlay,
agahan n’yo ang gising, magbangon,
bumangon; hanggang welga ni Tatay ay magtagumpay.

Agosto 24, 2008

Share This Post