Bekimon Youtube Series

Ni Roland Tolentino
(Bulatlat.com)

Hindi naman ito hit sa Youtube, kumpara sa milyones na dumumog sa mga preso sa Cebu na en mass na nagsasayaw ng Michael Jackson tunes. “Bekimon” na pinaghalong beki, veki (bakla) at jejemon (ang wika ng jologs sa viral media). Sa pinakahuling pagdalaw ko, tatlo hanggang anim na libong hits pa lamang ang seryeng ito.



Heto ang ibang links.

Ang personahe ng veki ay isang tsinitang ina na may teenager na anak na lalaki. Nagtratrabaho ito sa call center, naghuhugas ng pinggan at nagrereklamo sa anak kung bakit in-upload sa Facebook ang kuhang footage, maglalaba, at nagtatalak habang nakasakay sa taxi. Situation comedy ang dating dahil may fokus sa pang-araw-araw na sitwasyon gayong ang mga personalidad (nagsasalita at kinakausap) ang natatangi.

May subtitle ang serye dahil nga dalawang kontradiktoryong spero ng mundo na tinutuhog: ang mundo ng flaming bading at ang jologs, na kahit hindi hitsura ay ganoon na nga ang asta: nakakapagtaxi, Facebook, at call center agent pero balahura pa rin kung dumiskarte. Kaiba sa Lola Techie na karakter bilang mukha ng Bayan Telecom, na prim-and-proper, moderno at tradisyunal, cutting edge kahit lola na.

Ito ay drama queen na segments—ang pagtatalak ng isang ina tungkol sa kanyang sitwasyon sa iba’t ibang lunan. Nakikinig ang manonood habang nagbabasa. At ang dulas ay ang kontradiksyon ng sinasabi at binabasa. Nandito ang punchline, kaya kagyat na ironiko dahil kahit pareho ang sinasabi sa subtitles, iba pa rin ang referensiya ng pag-unawa.

At hindi naman ito biro na ang punchline ay nasa dulo ng joke, at ang anxiedad sa sabayang pakikinig at pagkukwento—ang antayan—ay nakabatay sa bibitawang punchline na lilikha ng blackhole na hihigop sa organisasyon, retorika at stylistiko ng biro: kung paano uunawain ang lahat ng stratehiyang ginamit sa pagkukwento. Ang punchline sa Bekimon series ay kada bigkas ng persona, at ang indexikong historikal na referensiya nito.

Ang historikal na referensiya ay nakatuhog sa dalawang subalternong figura sa lipunang Filipino na pinagsanib sa isang identidad: ang veking jologs. Lalake ang gumaganap na ina na nagmimiko sa veking jologs. Maraming antas ng crossdressing na isinasagawa at sa huli, tunay na lohika ng transgenders (baklang gumaganap na inang jologs) ang kailangan para lubos na maunawaan ang biro.

Doble-disenfrantsisado ang identidad, at kung gayon, maaring doble rin ang subersyon na maitatanghal laban sa otoritarianismo ng heterosexualidad at ng kapital. Pero ang lokasyon ng disenfrantsisasyon ay ang kontemporaryong pagkaunlad at di lubos na demokratikong pagkaunlad ng kapital sa bansa. Astang gitnang uri kahit na jologs pa rin ang ugali.

At ito ang humps (tulad sa mga exklusibo at pretend na subdibisyon) na parating nagpapaalaala na malayo pa ang realisasyon ng gitnang uring pangarap sa bansa. Humps ito bilang pag-slowdown at sapilitang pagpupugay sa lokasyon ng pribadong kapital. Humps din ito bilang rekognisyon at misrekognisyon ng relasyon sa kapital: mayroon ba o walang K (karapatan, kapital) ang dumadaan sa humps.

Kung mayroon, “village people” kaya in ang dumadaan. Kung wala, nag-iiwan ng ID sa guard, hindi sasaluduhan ng guard, di papapasukin sa subdibisyon. Kung gayon, ang ipinapamukha ng Bekimon ay ang exklusibidad ng gitnang uring panuntunan—para lang sa lehitimong maykaya ito. Kung wala, ibig sabihin 80 porsyento ng mamamayan sa bansa, ang aktwal na pang-uring identifikasyon ay sa jologs.

Marami sa 80 porsyento ay nangangarap at umaastang hindi jologs. Pero dahil jologs naman talaga, ang astang gitnang uri o lampas pa rito—ang altasosyodad–ay temporal na pagtatanghal lang naman. Nabibisto dahil hindi lubos ang suturing sa mundong nais mapabilang, halatang trespasser.

Ang natutunghayan sa Bekimon ay ang bagay na hindi lubos na nasusubstansya sa aspirasyon at material na kondisyon ng mamamayan, kahit pa nakakapag-Youtube, Facebook at text pa man. Ang pinapanood ay ang ulterior motive kung bakit nakakapag-Youtube, Facebook at text kahit na wala pa namang lubos na kapital para lubos na madanas ang gitnang uring libangan (leisure) na mga ito.

Share This Post

2 Comments - Write a Comment

Comments are closed.