Bekimon Youtube Series

Hindi rin kakatwa na viral ang modalidad ng transmisyon ng Bekimon series. Kahit saan na may wifi ay pwede itong buksan at panoorin. Ang link ay pwedeng ipasa-pasa sa mga emails at text. Lalaganap ito sa social networking sites. Dahil ang virus ay galing sa pinagsanib-pwersang etsapwerang entidad (ang veking jologs), ito ang ayaw nating maging.

Pero dahil pinapanood ito, nagkakaroon ng self-referentiality sa ating ayaw at gusto, sa otoritarianismo at subersyon, ng fantasya at historikal, ng material at imahinaryo. Ang pinapanood sa Bekimon ay ang lahat ng mga ito, at ang kapasidad nitong idawit ang kalabisan at kakulangan ng manonood sa kolektibong global na aspirasyon maging “in” dahil walang gustong maging “out” (hindi fashionable at lantad na bading).

Parang nanonood ng horror movie. Pinapanood ang babaeng tinatakot ng abject figure. Pinapanood natin ang sariling relasyon sa horror at abjectionable, sabayang ang tinatakot at ang tumatakot, ang nag-eetsapwera at ang ineetsapwera, ang may kapangyarihan at walang kapangyarihan kahit pa hindi naman lubos ang anumang oposisyonal na posisyong ito.

Sa karanasan sa kulturang popular, hindi lubos ang tagumpay at pagkatalo. Kahit pa ang sway ng romantikong pelikula ay happy ending, halimbawa, sa grounding sa material na referensiya, alam naman ng manonood na hindi ito lubos, na tanging sa pelikula nangyayari ang happy ending. Dahil ang trahedya sa inaasahang ending, maging ng inaasahang kabuuan ng pelikula, halimbawa, ay kahit na inaasahan, at dahil nga inaasahan, kaya mapapabalik at mapapabalik tayo sa sityo ng kulturang popular para muli’t muling danasin ang pag-aantay, pag-asa, katubusan, kalabisan at kakulangan ng lahat ng mga ito.

May umay factor, na parang leche flan na matapos ang ilang subo ay OK na ang kumakain, pero magpakaganito pa man, paratihan ang pagnanasa para magnasa. At ang dead-end ang mismong endgame: walang patutunguhan maliban sa parametro ng gitnang uring globalisasyon. Kaya kalahating mali-kalahating tama ang sinabi ni Buzz sa Toy Story, “To infinity, and beyond.” Walang infinity maliban sa pagnanasa at textong-buhay na pinagnanasaan. At bukod dito, walang lampas, walang bukod, walang beyond.

Hindi ko sinasaad na radikal na texto ang Bekimon series sa Youtube. Ang isinasaad ko ay kapasidad ng laman at porma ng Bekimon series ay nakapagsambit ng ating panlipunang relasyon sa pagnanasa at kapital. Ang pinapanood ay ang sabayang kasalatan at kalabisan, o ang kahibangang naisakalikasan at nanormalisa sa pang-araw-araw. O kung bakit ang aspirasyong maging globalisadong gitnang uri ay paratihan lamang magiging abot-tanaw abot-kamay sa nakararaming umaasintang maging ganito.

May bagong presidente man o wala, hanggat magkahalintulad pa rin ang batayang relasyong panlipunan at historikal ng may kapangyarihan at wala sa bansang ito, sa madaling salita, sa ngalan ng pagnanasa at kapital, ang pagiging (coming into being) ang itatampok dahil kahit kailan hindi naman ito (tayo bilang nagnanasa) magiging maging (full being). Bulatlat.com

Share This Post

2 Comments - Write a Comment

Comments are closed.