Invisibilidad ng Paggawa sa Indie Cinema

At ito ang isinasaad ng dalawang pelikula sa Cinemalaya. Sa Endo, ang paratihang pagdulas ng nosyon ng permanensiya sa buhay bilang subkontrakwal na manggagawa. Sa My Fake American Accent, ang pagsasaad ng pressure cooker na buhay sa isang call center unit, ang alitan sa pagitan ng isang bisor at pulutong na agents sa incestuous na mini-universe. Ang kapangyarihan ng diegesis ng dalawang pelikula ay ang tasitong di sinasabing multiplier effect: na ang subkontrakwal na paggawa na ang dominanteng paraan ng hiring sa buong mundo ngayon; na ang maliit na mundo sa isang seksyon ng palapag sa isang BPO na negosyo ay bahagi lamang ng dalawang milyong manggagawang nagtratrabaho rito ngayon, na itong itinuturing ng estado na “sunshine industry” ay hindi naman kasing aliwalas na inaasahan.

Sa huli, ang individualistikong humanismo ng pang-araw-araw ang siyang magliligtas sa mga tauhan sa pelikula. Kung kay Bona, ang fan na iiwanan ng lalakeng di sumikat-sikat at sasama na sa Amerika, ang rekurso ay buhusan ng kumukulong tubig ang pinaglilingkuran na lalake o sa Himala (1982), ang nakakita ng birhen ay nangumpisal na ang himala ay nasa puso lamang ng tao at binaril sa pangungumpisal ng katotohanan, ang rekurso sa indie cinema ngayon ay gawing katanggap-tanggap ang kontestasyon, na wala nang magagawa kundi ang tanggapin ang predikamento ng paggawa sa subkontraktwalisasyon at call center.

At kung magpakaganito, ito naman ang tinatawag ni Foucault na productive power o kung paano ang individual ay umaangkop sa logos ng ekonomiko at politikal na kapangyarihan—ang pagbubukas sa katawan bilang hulmahan pa rin ng sustenidong pangangamkam ng kita ng kapital. Ang realisasyon sa dulo pa nga ng pelikula ay benefisyal sa negosyo dahil pinili na ng bida na maging bahagi ng mundong sa kabuuan ng pelikula ay umapi sa pagkatao nila bilang manggagawa.

Samakatuwid, ang individual na humanismo ay naging reafirmasyon ng individual na ahensya sa loob ng parametro ng kapital: kung paano napapasang-ayon ang individual na tanggapin maging ang pinakamarahas na kondisyon ng paggawa bilang sarili na nitong desisyon, at kung gayon ang suborinasyon ng sarili sa higit na makapangyarihang pwersa ng kapitalismo.

Para itong pag-order sa fast food. Ang moral dilemma ay kung naiibsan dahil may individual na kapangyarihan ang sarili na umorder, pero iyon lamang nasa loob ng menu. Walang oorder ng bulalo sa McDonald’s o puttanesca sa Jollibee. May kapangyarihan ang individual pero nakapaloob sa institusyunal na kapangyarihan ng espasyo ng negosyo. Kasama rin dito ang moral anxiety sa kondisyon ng paggawa—kahit sandamakmak ang nakapaligid na manggagawa hindi sila pinapansin maliban sa asersyon ng mas mataas na posisyon laban dito.

At ganito rin ang implikasyon sa panonood ng indie na sine. Sini-seek out ito, hindi ito readily available. Hindi ito Hollywood blockbuster na ultimate ang relief sa realidad, ito ay nagpapaalaala pa nga sa madilim na buhay sa pang-araw-araw ng abject beings sa bansa. Pero binibili pa rin itong karanasan: nagbabayad kaya nag-labor para mapanood ang mga produkto ng indie cinema. Kung sa studio system at Hollywood film, ang impact sa nagbabayad na manonood ay magkaroon ng relief sa realidad, pagtakas sa realidad bilang libangan o entertainment, ang sa indie cinema ay upang ma-floor ang spesyalisadong manonood sa klase ng realidad sa bansang hindi pa niya nalalaman at nadaranas, at kung gayon magkatulad ng entertainment din—sa antas ng estetika–ang inaasahan sa indie cinema.

Kaya hindi pwedeng same-same ang indie cinema. Kailangan itong magkaroon ng ibang estetika, at na-define na nga ito bilang modernista o mga naglalayon elementong binabanghay sa di dominanteng direksyon ng libangan at ang pagkalusaw ng sarili ng manonood sa karanasan sa panonood ng pelikula. Ito ang Second Cinema o cinema ng mga new wave sa post-war era, kumpara sa First Cinema ng Hollywood at studio system. Kung ang First Cinema ay nakalayong lumikha ng pasibong manood, ang Second Cinema ay anti-Hollywood pero nakatuon sa individualistikong auteur (director-scriptwriter).

Sa katunayan, sa karanasan sa Cinemalaya at Cinemaone, pangunahing indie film outlets sa bansa (pero maliban sa pelikula ni Sherad Anthony Sanchez at ni Pepe Diokno), wala pang experimentasyon tungo sa paghahanap ng idioma ng Third World cinema (Third Cinema) o ang explorasyon di lamang ng politika ng porma sa Second Cinema, kundi ng mismong mas malaking politika sa labas ng pelikula: ang makauring politika nagdudulot ng kondisyon ng paggawa sa pelikula: sa parehong produksyon at resepsyon nito.

At hanggang hindi lubos na natatahak ang batayang landas ng Third Worldism sa produksyon at resepsyon ng pelikula sa bansa, lalo pa sa kapasidad ng indie cinema na pangunahan ito, nananatiling walang substansya at saradi ang anumang mundong nililikha sa pelikula, at kung manaka-nakang matalakay ito, ang pagbuhos ng malamig na tubig sa mainit na kontestasyon ng buhay ang paratihang magaganap. Mahirap paangatin ang pelikula ang ambisyon ay nakabatay sa ampaw na pangarap. (Bulatlat.com)

Share This Post