a
Hostage-Taking at Spektakulo ng Krisis ng Estado
Published on Sep 1, 2010
Last Updated on Sep 1, 2010 at 5:40 pm

Ni Roland Tolentino
Bulatlat.com

Ano ang nagtulak sa isang dating pulis, may medalya ng kabayanihan, na mag-hotage-taking at pumatay at mapatay sa kamay ng dati niyang kahanay? Inulat ng mga nakalayang hinostage na si Rolando Mendoza ay mabait naman sa pakikitungo sa kanila. Maging ang komunidad ni Mendoza ay binigyan ito ng hero’s welcome nang dumating ang bangkay para paglamayan. Sa katunayan, binabalalan pa ng bandila ang kabaon ni Mendoza na siyang ikinagalit ng mga taga-Hong Kong.

Isang spektakular na pambansa at internasyonal na kaganapan ang hostage-taking ni Mendoza. Pinahinto ang tourist bus na kinabilangan ng 15 turistang iho-hostage sa gitna ng Luneta. Live ang coverage ng radyo at telebisyon, maging sa internet sites. At dahil may telebisyon sa loob ng bus, natunghayan ang lahat ni Mendoza, pati ang mga sandaling kinakausap niya ang mga host sa radyo at telebisyon.

At madalang itong live-via satellite na kaganapan: kundi laban ni Manny Pacquiao, ukol sa disaster tulad ng Ondoy, o ang inagurasyon ni Presidente Noynoy Aquino. Ang komonalidad ng live-via satellite na coverage ay ang pagbibigay ng supremong halaga bilang pinakanatatangi sa mga pambansang kaganapan. This is it, na nakakapitlag sa pambansang pagtunghay mula sa regular na aba nitong lagay.

Pumipitlag sa krisis kahit pa krisis rin naman ang dinadalumat ng kaganapan. Mas lalo nga lamang pinapatingkad ng hostage-taking ang matagal at malalim nang nagaganap na krisis sa bansa. At dahil sa orkestrasyon ng pulis-local government-pangulo-media, nagiging hiwalay at natatangi (mayroon sariling mundo) ang kaganapan kahit pa sa pang-araw-araw ay nagaganap din naman itong orkestrasyon.

Sa pagtawid sa kalye, pagtunghay sa teleseryeng pinagbibidahan ng mga pulis at militar, pagtungo sa mall na may rumorondang pulis pa rin, historikal na paglaan ng pinakamalaking budget para sa militar, at ang surrogate nito sa tanod at SSB sa U.P., halimbawa, matagal nang nagaganap ang orkestrasyon ng mga ideolohikal (nang-eenganyo sa mga kultural na establisyimento) at represibo (namamasista para makapagpasunod) ng aparato ng estado.

Ito na ang kondisyon ng posibilidad sa bansa bago at pagkatapos ng hostage-taking ni Mendoza. Sa simula, nandito na ang mga isyu, at nag-aantay na lamang pumutok. Ito ang parehong pisngi ng Cinderella story (natatanging babaeng makukuha ang kanyang prince charming) at Efren Penaflorida (itatanghal na “hero of the year” ng isang global na media batay sa popular votes sa website nito; ang pagdakila sa pagbasa at literasi sa ingles bilang idealisasyon ng kondisyon ng paghihirap at paglaya).

Sa pagtunghay nito sa araw at gabi ng 23 Agosto 2010, nagiging self-reflexive sa estado ang operasyonalisasyon ng kondisyon ng posibilidad: kung paano nangyari ang hindi dapat mangyari, at kung paano ito pinatunghayan para madisimulado ang mismong operasyon? Ang tinunghayan ng manonood ay ang botch up job ng estado sa dalawang antas: na ang “mabubuti” nitong mamamayan ay bumabalikwas sa kanyang awtoridad, at ang katiyakan nito ng rekurso ng pagpatay at paglikha bilang demonyo ng mga paisa-isang individual na bumabalikwas.

Ang fasinasyon ng pagtunghay ng mga tao sa aktibidad ni Mendoza sa natatanging araw na iyon ay ang identifikasyon sa hostage-taker sa maraming antas: ang kapangyarihang makapag-hostage at hindi ma-hostage sa pambansang krisis na pinakikinabangan ng minorya; ang kapangyarihang itigil ang panahon at kamkamin ang espasyo ng kapangyarihan sa media (siya ang bida kahit pa kontrabida dahil sa pang-araw-araw siya ang walang papel sa pambansang naratibo ng pag-unlad at globalisasyon); ang katiyakan ng kaganapan na alam naman ang ending ng mga Robin Hood- at Rizal na martir-type, ang walang dili’t iba kundi ang spektakular na pagpaslang (at samakatuwid, ang Gladiator at Spartacus na pagtunghay sa mga abang nagpapatayan mula sa tore ng koloseo).

Alam ni Mendoza itong script na inakda niya dahil compliant ito sa akda ng individual na hayagang bumabalikwas sa estado. Magpakagayunpaman, may ahensya siya sa isang araw at gabi na siya ang bida, siya ang tila may kontrol sa kondisyon, siya ang nakapangibabaw sa historikal na lagay. Kung ito ay pedestrian maller, sidewalk vendor o squatter, walang mayayanig dahil sa mismong laylayan lamang sila kumikilos.

Pero idinawit ni Mendoza ang ibang mas mataas sa kanyang abang lagay, ang kontemporaryong premyadong turing sa mga turista sa isang banda, at historikal na mababang turing sa Tsino sa kabilang banda. Ito ang point of no return ni Mendoza. Kung ang idinawit niya ay ang kustomer at may-ari ng sari-sari store, matagal nitong non-issue, tulad ng hostage-taking ng sanggol ng maralitang tagalunsod mula sa ibabaw ng pedestrian overpass.

Hindi rin ito hostage-taking na kasama ang kliyente at white collar worker sa bangko. Maraming branch ito, at madaling ihiwalay sa pambansang kalagayan. Natatangi ang hostage-taking ni Mendoza dahil kinasangkapan niya ang hindi pwedeng kasangkapanin—ang katawan ng turista bilang makabagong katawan ng kapital o ang pagtutumbas sa turista bilang katawang may kakayahan at akses sa potensyalidad ng global na kapitalismo, lampas pa sa kanilang bansang pinanggalingan.

SUPPORT BULATLAT.

BE A PATRON.

A community of readers and supporters that help us sustain our operations through microdonations for as low as $1.

Ads

0 Comments

Submit a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

MORE FROM BULATLAT

Pin It on Pinterest

Share This