Cheerdancing at Budget Cut sa Edukasyon

Ni ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com

Unang pagkakataon akong nakapanood ng cheerdancing competition sa UAAP season 2010. Malaki ang build-up ng excitement dito dahil parang dyamante ang tiket. Ang daming naghahanap ng tiket sa Facebook, ang daming nanghihingi ng tiket sa text.

Maaga akong dumating sa Cubao. Tunay na mahirap na ang paradahan at nagkukumpol na ang mga tao sa entrances ng Araneta Coliseum. Ipinagbunyi ng emcee na lampas ng 20,000 katao ang nasa loob. At dahil sa partihan ng mga seksyon, magkukumpol ang mga taga-parehong unibersidad.

Matapos ng pagkaantala, nagsimula ang kumpetisyon. Pataasan ng formasyon ng pyramid, pati ang pagbato sa mga babae sa tuktok para sa kanilang somersault in the air. Sa loob ng limang minuto, nakapasok, nakatumbling, nakapagformasyon, nakaindak, naibuyanyang ang props, at nakalabas na ang bawat pulutong.

Nagulat ako sa sarili dahil hindi ako namangha. Sa dami o sa ilang napanood kong pelikula ukol sa cheerdancing, parang so-so ito. Malamang dahil nakaposisyon kami sa likod ng mga pulutong. O dahil sa camera movement sa pelikula, at maging ang kumpetisyon sa telebisyon, na spektakular ang tumbling, pyramid at kumpetisyon.

Mas namangha pa ako sa alaala ng mga sirkong napanood ko sa Fiesta Carnival, ngayon ay isang hypermart, katabi rin ng coliseum. Tunay na nakatingala at theater of the rounds ang pagtatanghal. Hindi sa iisang anggulong pribilihiyado ang pagtunghay. Nagtra-trapeze, lumalakad sa kable, kumakain ng apoy, nagko-contour ang mga katawan. Hindi ako makahinga, ito ang alaala ko sa mga palabas ng aking kamusmusan.

Peligroso ang cheerdancing. May iika-ikang naglalakad palabas, tumutulong pang magbitbit ng props. Binalaan pa nga ang audience na huwag mag-cheer kapag nagkakamali ang cheerdancers. Para namang nagtsi-cheer kapag nagkaroon na ng brutal na resolusyon ang hostage-taking, ni wala nga souvenir shots dapat o bandila sa ibabaw ng kabaon ng hostage-taker.

Insensitibo ang dogma ng pagtuturong ito. Samakatuwid, kahit sa cheerdancing ay tinuturuan ng tolerance ang manonood. Hindi kakatwa ang historikal na panahon ng pagkapanood ko ng cheerdancing, pagkapanalo ng UP Pep Squad, at ang pinakamalaking budget cut sa state universities at colleges (SUCs). Sa isang unibersidad na hikahos sa pondo, ano itong triumphalist mode na nagaganap sa Araneta Coliseum?

Ang inaakala ko, ang panonood ng cheerdancing competition ay purong virtualidad ng kapital. Said sa pondo ang SUCs, at heto, kahilera ng mga pribadong unibersidad na ang layon ay magkaroon ng sobrang kita mula sa operasyon ng edukasyon, namamayagpag ang UP. Binawasan ang budget ng UP sa 2011 ng P1.39 bilyon, pinakamalaki sa aktwal na subsidy sa SUCs.

Kung sa pribadong unibersidad, matutunghayan ang reiteratibong pagtatanghal ng cheerdancing competition sa U.S. sa partikular, at ang pamumutla ng mga lokal na pagtatanghal sa pagkakarir ng mga Amerikanong (putting) estudyante hinggil sa karanasang ito (hindi ba’t ang cheerdancer/cheerleader, tulad ng jock, ay isang pribilihiyadong nilalang sa sistemang edukasyon sa Amerika?), bakit ang isang state university ang taunang team to beat sa kumpetisyon sa Pilipinas?

Share This Post